Sister Joy D. Jones
Primary General President
Para kay Joy D. Jones, ang mapagmahal niyang mga magulang ang kanyang mga idolo.
“Nadama ko na parang kayang gawin ng tatay ko ang lahat,” sabi ni Sister Jones tungkol sa kanyang ama, na isang electrician. Tungkol sa kanyang ina, sinabi niya, “Kahanga-hangang babae ang nanay ko” na ginawa ang lahat ng bagay simula sa pagkain ng pamilya hanggang sa damit na isinuot nila—simula sa umpisa. “Para sa akin, isa siyang banal, at nais kong maging katulad niya.”
Bukod sa espesyal na mga alaala ng kanyang mga magulang na sina Aldo Harmon at Eleanor Ellsworth Harmon, espesyal din kay Sister Jones ang alaala ng kanyang kabataan nang makinig siya kay Elder Robert L. Backman nang magsalita ito sa isang district conference sa Oregon, USA. Si Elder Backman, na ngayo’y emeritus General Authority Seventy, ay isang mission president noon.
“May matindi akong nadama habang nagsasalita siya noon,” sabi ni Sister Jones. “Talagang kakaiba ang nadama ko na hindi ko nadama noon. … Lubos akong nagpapasalamat doon dahil natanggap ko ang patibay ng Espiritu na ang mga sinabi niya ay totoo.”
Si Joy Diane Harmon ay isinilang noong Hulyo 20, 1954, sa The Dalles, Oregon. Siya at mapapangasawa niyang si Robert Bruce Jones ay kapwa lumaki sa Oregon, ngunit nagkakilala sila sa Brigham Young University, sa Provo, Utah, USA. Ikinasal sila noong Agosto 14, 1974, sa Manti Utah Temple. Sila ay may limang anak at 17 apo.
Di-nagtagal matapos siyang magtamo ng associate of science degree sa family living, lumipat sila sa Portland, Oregon, at kalaunan ay sa Santa Rosa, California, USA, kung saan nagtrabaho si Brother Jones bilang chiropractic physician. Nahikayat sina Brother at Sister Jones na lumipat sa Draper, Utah, 22 taon na ang nakalipas. Natamasa ni Sister Jones ang pagpapalang manirahan malapit sa templo simula noon.
“Ang Jordan River Utah Temple ang naging sagradong lugar ko,” sabi niya. “Mayroon akong patotoo tungkol sa kapangyarihan ng templo at sa kapayapaan at patnubay na hatid nito sa buhay ko.”
Si Sister Jones ay naglingkod na bilang ward Relief Society president at Primary president at bilang tagapayo sa mga presidency ng ward at stake Relief Society, Young Women, at Primary. Nitong huli ay naglingkod siya sa Primary general board.