2016
Pagtayo na Kasama ang mga Pinuno ng Simbahan
Mayo 2016


Pagtayo na Kasama ang mga Pinuno ng Simbahan

Kasama ba kayong naninindigan ng mga pinuno ng Simbahan sa isang mundong nag-iibayo ang kasamaan upang maipalaganap ninyo ang Liwanag ni Cristo?

Mainit naming binabati ang bagong tawag na mga General Authority, Area Seventy, at ang kahanga-hanga at bagong Primary general presidency. At lubos naming pinasasalamatan ang mga na-release. Mahal namin ang bawat isa sa inyo.

Mahal kong mga kapatid, nakibahagi tayo ngayon sa isang napakagandang karanasan nang magtaas tayo ng mga kamay para sang-ayunan ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at iba pang mga pinuno at pangkalahatang opisyal na tinawag ng Diyos sa mga araw na ito mismo. Hindi ko winalang-halaga o binalewala kailanman ang pagkakataong sumang-ayon at magabayan ng mga lingkod ng Panginoon. At dahil ilang buwan pa lang ako sa calling ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, malaking karangalan sa inyong abang lingkod ang inyong pagsang-ayon at tiwala. Pinahahalagahan ko ang kahandaan ninyong tumayo na kasama ko at ng lahat ng mga dakilang pinunong ito.

Matapos akong sang-ayunan noong Oktubre nagpunta ako kaagad sa Pakistan sa isang assignment at, habang naroon, nakilala ko ang kahanga-hanga at dedikadong mga Banal sa bansang iyon. Kakaunti lang sila pero napaka-espirituwal nila. Halos kauuwi ko pa lang, natanggap ko ang maikling liham na ito mula kay Brother Shakeel Arshad, isang matapat na miyembro na nakilala ko nang bumisita ako roon: “Salamat po, Elder Rasband, sa pagparito sa Pakistan. Gusto kong sabihin sa inyo na kami … na mga miyembro ng Simbahan … ay sinasang-ayunan kayo at minamahal. Napakapalad [namin] na naparito kayo at nakarinig kami mula sa inyo. Isang di-malilimutang araw iyon sa buhay ng pamilya ko na nakilala namin ang isang Apostol.”1

Nakakatuwa at karangalan ng inyong abang lingkod ang makilala ang mga Banal na kagaya ni Brother Arshad at, sabi nga niya, “isang di-malilimutang araw” din iyon para sa akin.

Noong Enero lumahok ang mga pinuno ng Simbahan sa Face to Face broadcast kasama ang mga kabataan, kanilang mga lider, at mga magulang mula sa lahat ng dako ng mundo. Ang broadcast ay inihatid nang live sa Internet sa maraming lugar sa 146 na bansa; maraming dumalo sa ilang lugar sa mga chapel, at ang iba ay sa tahanan na may isang kabataang nakikinig. Sa kabuuan, daan-daang libo ang nakilahok.

Face to Face kasama sina Elder Rasband, Sister Oscarson, at Brother Owen

Sa pakikipag-ugnayan sa marami nating tagapakinig, kami nina Sister Bonnie Oscarson, Young Women general president; Brother Stephen W. Owen, Young Men general president—sa tulong ng mga kabataang host, musician, at iba pa—ay sumagot sa mga tanong ng ating mga kabataan.

Ang aming layunin ay ipaalam ang tema ng mga kabataan para sa 2016, ang “Magpatuloy sa Paglakad nang May Katatagan kay Cristo,” mula sa 2 Nephi, na nagsasabing: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”2

Sa pagbabasa sa daan-daang tanong ng ating mga kabataan, ano ang nalaman natin? Nalaman natin na mahal ng ating mga kabataan ang Panginoon, sinusuportahan ang kanilang mga lider, at nais nilang masagot ang kanilang mga tanong! Ang mga tanong ay nagpapahiwatig na gusto pa nilang matuto, maragdagan ang mga katotohanan na nakalakip sa ating mga patotoo, at maging mas handang “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.”

Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay nagsimula sa pagtatanong ng binatilyong si Joseph Smith. Marami sa mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo ang nagsimula sa isang tanong. Alalahanin ang Kanyang tanong kay Pedro: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?”3 At ang sagot ni Pedro: “Ikaw ang Cristo, ang anak ng Dios na buhay.”4 Kailangan tayong magtulungan sa paghanap sa mga sagot ng Ama sa Langit sa patnubay ng Espiritu.

Sa broadcast na iyon, sinabi ko sa mga kabataan:

“Alam ng mga pinuno ng Simbahang ito ang inyong mga isyu, problema, at hamon.

“Mayroon kaming mga anak. Mayroon kaming mga apo. Madalas naming kausapin ang mga kabataan sa buong mundo. At ipinagdarasal namin kayo, pinag-uusapan namin kayo sa mga pinakasagradong lugar, at mahal namin kayo.”5

Gusto kong ibahagi ang isa sa napakaraming tugon na natanggap namin sa kaganapang iyon.

Isinulat ni Lisa na taga-Grande Prairie, Alberta, Canada: “Napakaganda ng Face to Face event na ito. Napalakas nito ang aking patotoo at paniniwala sa ebanghelyo. Napakapalad nating magkaroon ng mga inspiradong pinuno na tinawag na maglingkod sa napakaraming iba’t ibang kapasidad.”6

Isinulat ni Liz, na taga-Pleasant Grove, Utah, sa isang naunang post: “Nagpapasalamat ako sa aking sariling pananampalataya at pagkakataong sang-ayunan ang isang propeta ng Diyos at ang kalalakihan at kababaihan na kasama niyang naglilingkod.”7

Sinang-ayunan natin ang mga pinunong tinawag ngayon, sa pamamagitan ng inspirasyon ng langit, na turuan at gabayan tayo at binabalaan tayo sa mga panganib na kinakaharap natin sa bawat araw—mula sa pagbabalewala sa paggalang sa araw ng Sabbath, hanggang sa mga pagbabanta sa pamilya, sa mga pagkalaban sa kalayaang pangrelihiyon, at sa pakikipagtalo tungkol sa paghahayag sa mga huling araw. Mga kapatid, nakikinig ba tayo sa kanilang payo?

Maraming beses na nating kinanta sa mga kumperensya, sacrament meeting, at Primary ang magigiliw na salitang, “Akayin at patnubayan.”8 Ano ang kahulugan ng mga salitang iyon sa inyo? Sino ang naiisip ninyo kapag iniisip ninyo ang mga ito? Nadama na ba ninyo ang impluwensya ng mabubuting pinuno, ang mga disipulong iyon ni Jesucristo na dati at hanggang ngayon ay inaantig ang inyong buhay, at inaakay kayo sa landas ng Panginoon? Marahil ay malapit ang kanilang tirahan sa inyo. Maaaring sila ay nasa inyong mga kongregasyon, o nagsasalita sa pulpito sa pangkalahatang kumperensya. Ibinabahagi sa atin ng mga disipulong ito ang pagpapalang magkaroon ng patotoo sa Panginoong Jesucristo, ang pinuno ng Simbahang ito, ang pinuno ng ating kaluluwa mismo, na nangakong “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”9

Naaalala ko na ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson na inanyayahan siya sa bahay ng kanyang stake president para maghanda sa advancement sa Melchizedek Priesthood. Napakaespesyal na pagpapala para kay President Child, na hindi alam noon na tinuturuan niya ang isang binatilyo sa Aaronic Priesthood na balang-araw ay magiging propeta ng Diyos.10

Naturuan din ako ng ating mahal na propetang si Pangulong Monson. Walang pagdududa sa aking isipan o sa aking puso na siya ang propeta ng Panginoon sa lupa; ako ay abang tagatanggap habang tumatanggap siya ng paghahayag at kumikilos ayon dito. Noon pa niya kami tinuruang tumulong, protektahan ang isa’t isa, sagipin ang isa’t isa. Gayon ang itinuro sa mga Tubig ng Mormon. Kayo na “nagnanais … na matawag na kanyang mga tao” ay handang “magpasan ng pasanin ng isa’t isa,” “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati,” at “tumayo bilang mga saksi ng Diyos.”11

Nakatayo ako ngayon bilang saksi ng Diyos Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Alam kong ang ating Tagapagligtas ay buhay at mahal Niya tayo at inuutusan ang Kanyang mga tagapaglingkod, ikaw at ako, upang maisakatuparan ang Kanyang makapangyarihang mga layunin sa mundong ito.12

Habang patuloy tayo sa paglakad, na pinipiling sundin ang mga tagubilin at babala ng ating mga pinuno, pinipili nating sundan ang Panginoon samantalang pasalungat ang takbo ng mundo. Pinipili nating humawak nang mahigpit sa gabay na bakal, maging mga Banal sa mga Huling Araw, maglingkod sa Panginoon, at mapuspos ng “labis na kagalakan.”13

Ang malaking tanong sa ngayon ay malinaw: kasama ba kayo ng mga pinuno ng Simbahan sa isang mundong nag-iibayo ang kasamaan upang maipalaganap ninyo ang Liwanag ni Cristo?

Napakahalaga ng mga pakikipag-ugnayan sa mga pinuno. Anuman ang edad ng mga pinuno, gaano man kalapit o kalayo, o kapag naantig nila ang ating buhay, nababanaag sa kanilang impluwensya ang mga salita ng makatang Amerikanong si Edwin Markham, na nagsabing:

Magkakapatid tayo na may iisang tadhana:

Sa pagtahak sa landas tayong lahat may kasama:

Lahat ng idinulot natin sa buhay ng iba

Sa atin ay siya ring ibabalik nila.14

Si Shakeel Arshad, na kaibigan ko sa Pakistan, ay nagpadala ng suporta sa akin, na kanyang kapatid at kaibigan. Gayundin ang marami sa inyo. Kapag tumulong tayong mapasigla ang isa’t isa, pinatutunayan natin ang makapangyarihang mga salitang iyon: “Sa pagtahak sa landas tayong lahat ay may kasama.”

Higit sa lahat, kailangan natin ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang isa sa mga salaysay sa banal na kasulatan na nakaaantig sa akin sa tuwina ay nang lumakad sa tubig si Jesucristo upang salubungin ang Kanyang mga disipulo na naglalayag sa Dagat ng Galilea. Mga pinuno sila na bagong tawag na katulad ng marami sa amin na nasa pulpito ngayon. Nakatala ang salaysay sa Mateo:

“Datapuwa’t ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka’t pasalungat sa hangin.

“At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

“At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, … at sila’y nagsisigaw dahil sa takot.

“Datapuwa’t pagdaka’y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.”15

Narinig ni Pedro ang napakagandang panghihikayat mula sa Panginoon.

“At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

“At sinabi [ni Jesus], Halika.”16

Napakatapang. Si Pedro ay isang mangingisda, at alam niya ang mga panganib sa dagat. Gayunman, tapat siya sa pagsunod kay Jesus—sa gabi man o sa araw, sa bangka man o sa lupa.

Nawawari ko na tumalon si Pedro sa gilid ng bangka, at hindi na naghintay ng pangalawang paanyaya, at nagsimulang lumakad sa tubig. Tunay ngang sinabi sa banal na kasulatan.”17 Nang lumakas ang puwersa ng hangin at umalimpuyo ang mga alon sa kanyang mga paa, “natakot [si Pedro], at nang siya’y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako

“At pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya.”18

Napakagandang aral. Naroon ang Panginoon para sa kanya, tulad ng nariyan Siya para sa inyo at sa akin. Iniunat Niya ang Kanyang kamay at iniligtas si Pedro.

Napakaraming beses ko nang kinailangan ang Tagapagligtas at ang Kanyang pagsagip. Mas kailangan ko Siya ngayon kaysa rati, katulad ninyo. Nakadama na ako ng tiwala tuwing tatalon ako sa gilid ng bangka, ika nga, patungo sa mga lugar na hindi pamilyar, para lamang matanto na hindi ko iyon kayang gawing mag-isa.

Gaya nang tinalakay namin sa Face to Face, madalas tayong tinutulungan ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pamilya at mga pinuno, sa pag-anyaya sa atin na lumapit sa Kanya—kagaya noong abutin Niya si Pedro para iligtas.

Kayo man ay magkakaroon ng maraming sandali para tumugon sa madalas na paanyayang “lumapit kay Cristo.”19 Hindi nga ba’t iyan ang kahulugan ng buhay na ito sa mundo? Ang tawag ay maaaring para sagipin ang isang kapamilya; maglingkod sa misyon; magsimbang muli; magpunta sa banal na templo; at, tulad ng narinig natin kamakailan mula sa ating mga kabataan sa Face to Face event, halikayo, tulungan ninyo akong sagutin ang tanong ko. Darating ang araw, bawat isa sa atin ay maririnig ang tawag na “Umuwi ka na.”

Dalangin ko na iunat natin ang ating kamay—iunat at abutin ang kamay ng Tagapagligtas na iniaabot Niya sa atin, na kadalasa’y sa pamamagitan ng Kanyang mga pinuno na tinawag ng langit at ng ating mga kapamilya—at pakinggan ang tawag Niyang lumapit.

Alam ko na si Jesucristo ay buhay; mahal ko Siya, at alam ko nang buong puso na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Siya ang ating dakilang Huwaran at ang banal na pinuno ng lahat ng anak ng ating Ama. Taimtim ko itong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.