2016
Ang Kapangyarihan ng Kabanalan
Mayo 2016


Ang Kapangyarihan ng Kabanalan

Ang bawat templo ay banal at sagradong bahay ng Diyos, at doon ay matututuhan at malalaman ng bawat isa sa atin ang mga kapangyarihan ng kabanalan.

Ilang buwan bago ang kamatayan ni Propetang Joseph Smith, nakipagkita siya sa Labindalawa upang pag-usapan ang pinakamalalaking pangangailangang kinakaharap ng Simbahan sa napakahirap na panahong iyon. Sinabi niya sa kanila, “Higit nating kailangan ang templo kaysa anupaman.”1 Tiyak, ngayon sa mahirap na panahong ito, kinakailangan ng bawat isa sa atin at ng ating pamilya ang templo nang higit kaysa anupamang bagay.

Sa isang paglalaan ng templo kamakailan, natuwa ako sa naranasan ko. Gustung-gusto ko ang open house, at binati ko ang maraming bisita na pumaroon upang tingnan ang templo; gusto ko ang kultural na pagdiriwang na puno ng sigla at katuwaan ng mga kabataan; at ang napakagandang mga sesyon ng paglalaan. Kasiya-siya ang Espiritung nadama roon. Maraming tao ang pinagpala. At kinaumagahan, kaming mag-asawa ay pumasok sa bautismuhan para makibahagi sa pagbibinyag para sa ilan sa aming mga ninuno. Nang itaas ko ang aking bisig para simulan ang ordenansa, halos mapuspos ako ng kapangyarihan ng Espiritu. Muli kong natanto na ang tunay na kapangyarihan ng templo ay nasa mga ordenansa.

Tulad ng inihayag ng Panginoon, ang kabuuan ng Melchizedek Priesthood ay matatagpuan sa templo at mga ordenansa nito, “sapagkat naroroon ang mga susi ng banal na pagkasaserdote na inorden, upang kayo ay makatanggap ng karangalan at kaluwalhatian.”2 “Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”3 Ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong pamilya.

Ang ating responsibilidad ay “tanggapin” ang ipinagkakaloob ng ating Ama.4 “Sapagkat sa kanya na tatanggap nito ay bibigyan ng higit pang kasaganahan, maging kapangyarihan”:5 kapangyarihang tanggapin ang lahat ng Kanyang maibibigay at ibibigay sa atin—ngayon at magpasawalang-hanggan;6 kapangyarihang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos,7 upang malaman ang “mga kapangyarihan ng langit,”8 kapangyarihang mangusap sa Kanyang pangalan,9 at tumanggap ng “kapangyarihan ng [Kanyang] Espiritu.”10 Ang mga kapangyarihang ito ay makakamtan ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ng templo.

Nakita ni Nephi ang ating panahon sa kanyang dakilang pangitain: “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”11

Kamakailan ay nagkaroon ako ng pribilehiyo na makasama sa isang temple open house si Pangulong Russell M. Nelson at ang kanyang pamilya habang tinitipon niya sila nang nakapalibot sa sealing altar at ipinaliwanag sa kanila na lahat ng ginagawa natin sa Simbahan—lahat ng miting, aktibidad, lesson, at paglilingkod—ay maghahanda sa bawat isa sa atin para makapasok sa templo at lumuhod sa altar para matanggap ang lahat ng mga ipinangakong pagpapala ng Ama para sa kawalang-hanggan.12

Kapag nadama natin ang mga pagpapala ng templo sa ating sariling buhay, ang ating puso ay bumabaling sa ating pamilya, kapwa sa mga nabubuhay at mga pumanaw na.

Kamakailan, nasaksihan ko ang isang pamilya na binubuo ng tatlong-henerasyon na magkakasamang nakibahagi sa pagbibinyag para sa kanilang mga ninuno. Nakibahagi rin pati ang lola—kahit medyo takot na siyang lumusong sa tubig at mailubog dito. Nang umahon siya mula sa tubig at niyakap ang kanyang asawa, umiiyak siya sa tuwa. Ang lolo at ama ay bininyagan ang isa’t isa at ang marami sa mga apo. Ano pang mas malaking kagalakan ang maaaring maranasan ng pamilya nang magkakasama? Bawat templo ay may panahong nakalaan para tulutan kayo at ang inyong pamilya na mag-iskedyul ng binyag para sa inyong mga ninuno.

Bago siya namatay, natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay. Itinuro niya na ang mga nasa daigdig ng mga espiritu ay lubos na umaasa sa mga ordenansang natatanggap natin para sa kanila. Mababasa sa mga banal na kasulatan, “Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos.”13 Natatanggap natin ang mga ordenansa para sa kapakanan nila, ngunit sila ang gumagawa at pananagutin sa bawat tipang kalakip ng bawat ordenansa. Tiyak na ang tabing ay manipis para sa atin at ang tabing ay lubos na nahahawi para sa kanila sa templo.

Kung gayon ano ang responsibilidad natin sa pakikibahagi sa gawaing ito, kapwa bilang mga patron at worker sa templo? Itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal noong 1840 na “[isagawa] kung anuman ang kailangang pagsikapan, at kailangang paraan—at dahil kailangang madaliin ang gawain [sa pagtatayo ng templo] para sa kabutihan, minabuti ng mga Banal na timbangin ang kahalagahan ng mga bagay na ito, sa kanilang isipan, … at pagkatapos ay gawin ang kailangan para mapagana ito; at inihanda ang kanilang sarili nang buong tapang, determinadong gawin ang lahat ng makakaya nila, at nagsumigasig na para bang sa kanila lamang nakasalalay ang buong gawain.”14

Sa aklat ng Apocalipsis mababasa natin:

“Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling?

“… Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.

“Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios, at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.”15

Nakikinita ba ninyo sa inyong isipan ang mga naglilingkod sa loob ng templo ngayon?

May mahigit 120,000 ordinance worker sa 150 templo na ginagamit sa iba’t ibang dako ng mundo. At mas marami pang pagkakataon ang iba na madama ang masayang karanasang ito. Nang ibalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang ideya na magtayo ng mas maliliit na templo sa iba’t ibang dako ng mundo, itinuro niya na “lahat ng ordinance worker ay dapat mga taong nagmula sa lugar na pagtatayuan nito na naglilingkod sa iba pang tungkulin sa kanilang ward at stake.”16 Karaniwan, ang mga temple worker ay tinatawag na maglingkod nang dalawa o tatlong taon, at posibleng patagalin pa ito. Hindi sinasabing mananatili kayong temple worker hangga’t kaya ninyo kapag natawag kayo. Maraming matatagal nang temple worker ang taglay sa kanilang puso ang pagmamahal para sa templo kapag sila ay na-release at hinahayaan ang iba, ang mga bagong worker, na maglingkod.

Halos 100 taon na ang nakalipas, itinuro ni Apostol John A. Widtsoe: “Kailangan natin ng mas maraming temple worker para magawa ang kamangha-manghang gawaing [ito]. … Kailangan natin ng mas maraming miyembro sa gawain sa templo, bata man o matanda. … Dumating na ang panahon, … sa panibagong pagsisikap na maisagawa ang gawain sa templo, na hikayating gumawa ang lahat ng tao, bata man o matanda. … Malaki ang kapakinabangan … ng gawain sa templo sa mga bata at mga aktibo, gayon din sa matatanda, na iniwan ang maraming alalahanin sa kanilang buhay. Kinakailangang mas madalas na nasa templo ang kabataang lalaki kaysa sa kanyang ama at lolo, na napatibay na ng mga karanasan sa buhay; at ang batang babae na nagdadalaga na ay kailangan ang inspirasyon, impluwensya at patnubay na nagmumula sa pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo.”17

Sa maraming templo, malugod na tinatanggap ng mga temple president ang mga bagong tawag at endowed na mga missionary, mga binata at dalaga, para maglingkod nang maikling panahon lamang bilang mga ordinance worker bago pumasok sa MTC. Ang mga binata at dalagang ito ay hindi lamang pinagpalang maglingkod, kundi “pinag-ibayo rin nila ang kagandahan at espirituwal na kasiglahan para sa lahat ng naglilingkod sa templo.”18

Hiniling ko sa mga binata at dalaga na naglingkod sa templo bago at pagkatapos ng kanilang misyon na ibahagi ang kanilang nadama. Ganito ang mga sinabi nila na naglarawan sa kanilang karanasan sa templo:

Nang maglingkod ako sa templo, …

  • Pakiramdam ko ay “mas malapit ako sa aking Ama at sa Tagapagligtas”;

  • Nakadama ako ng “lubos na kapayapaan at kaligayahan”;

  • Pakiramdam ko’y “nakauwi na ako sa aking tahanan”;

  • Nakatanggap ako ng “kabanalan, kapangyarihan, at lakas”;

  • Nadama ko ang kahalagahan ng aking mga sagradong tipan”;

  • “Naging bahagi na ng buhay ko ang templo”;

  • “Dama kong malapit lang sa amin ang mga espiritu kapag isinasagawa namin ang mga ordenansa”;

  • “Binigyan ako nito ng lakas na mapaglabanan ang mga tukso”; at

  • “Binago ng templo ang buhay ko magpakailanman.”19

Ang paglilingkod sa templo ay napakahalaga at nakaaantig na karanasan para sa mga tao, bata man o matanda. May mga bagong kasal din na naglilingkod nang magkasama sa templo. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang paglilingkod sa templo … ay isang sagradong gawain para sa pamilya.”20 Bilang mga ordinance worker, bukod pa sa pagtanggap ng mga ordenansa para sa inyong mga ninuno, maaari ding kayong mangasiwa sa mga ordenansa para sa kanila.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff:

“Ano pang higit na dakilang tungkulin ang maibibigay sa sinumang lalaki [o babae] sa buong mundo kaysa sa mapasakanyang mga kamay ang kapangyarihan at awtoridad na humayo at mangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan? …

“… Naging kasangkapan kayo sa mga kamay ng Diyos sa kaligtasan ng kaluluwang iyon. Walang ibinigay sa mga anak ng tao na makapapantay dito.”21

Sinabi rin niya:

“Ang matamis na bulong ng Banal na Espiritu ay ibibigay sa [iyo] at ang mga yaman ng Kalangitan, ang pakikipag-ugnayan ng mga anghel, ay idaragdag paminsan minsan.”22

“Sinusulit nito ang lahat ng maisasakripisyo ko o ninyo sa iilang taon na ginugugol natin sa buhay na ito.”23

Pinaalalahanan tayo kamakailan ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang mga pagpapala ng templo ay walang katumbas.”24 “Walang sakripisyong napakalaki.”25

Pumunta sa templo. Pumunta nang madalas. Pumunta kasama ang inyong pamilya at para sa inyong pamilya. Pumunta, at tulungan ang iba na makapunta rin dito.

“Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino?” Mga kapatid, kayo sila—kayo na nagsitanggap ng mga ordenansa ng templo, na tumupad sa inyong mga tipan kahit magsakripisyo; kayo na tumutulong sa inyong pamilya na makamtan ang mga pagpapala ng paglilingkod sa templo at tumulong sa iba sa paglalakbay sa buhay. Salamat sa inyong paglilingkod. Pinatototohanan ko na ang bawat templo ay banal at sagradong bahay ng Diyos at doon ay matututuhan at malalaman ng bawat isa sa atin ang mga kapangyarihan ng kabanalan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.