2016
Ang Sagradong Lugar ng Panunumbalik
Mayo 2016


Ang Sagradong Lugar ng Panunumbalik

Sa Palmyra naganap ang Pagpapanumbalik, kung saan maririnig ang tinig ng Ama pagkaraan ng halos dalawang libong taon.

Isang mabuti kong kaibigan na miyembro ng Simbahan ang nagsikap, nang maraming taon, na ituro sa akin ang ebanghelyo tungkol sa mga walang-hanggang pamilya. Nang dumalo ako sa São Paulo Temple open house noong Oktubre 1978 at pumasok ako sa sealing room, saka lamang naantig ang aking puso’t isipan sa doktrina ng mga walang-hanggang pamilya, at ilang araw kong ipinagdasal na malaman kung ito nga ang tunay na Simbahan.

Hindi ako relihiyoso, ngunit pinalaki ako ng mga magulang na relihiyoso, at nakita ko ang kabutihang nakapaloob sa ibang mga relihiyon. Sa puntong iyon ng buhay ko, inakala ko na lahat ng relihiyon ay katanggap-tanggap sa Diyos.

Matapos akong bumisita sa temple open house, naghangad ako ng sagot sa pamamagitan ng panalangin, na sumasampalataya at nagtitiwala na sasagutin ako ng Diyos, kung alin ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Matapos ang matinding espirituwal na paghihirap, tumanggap na rin ako ng malinaw na sagot. Inanyayahan ako na mabinyagan. Nabinyagan ako noong Oktubre 31, 1978, nang gabi bago ang isang sesyon sa paglalaan ng São Paulo Temple.

Natanto ko na kilala at mahal ako ng Panginoon kaya Niya sinagot ang aking mga dalangin.

Kinaumagahan nagpunta kaming mag-asawa sa São Paulo upang dumalo sa sesyon sa paglalaan ng templo.

Naroon kami, ngunit hindi ko pa talaga alam kung paano pahahalagahan ang napakagandang pagkakataong iyon. Kinabukasan ay dumalo kami sa isang area conference.

Nagsimula na ang aming pagiging miyembro ng Simbahan, at nakatagpo ng mabubuting kaibigan na tumulong sa amin sa pagbabagumbuhay na ito.

Napakaganda ng mga klase para sa mga bagong miyembro sa aming mga miting tuwing Linggo. Marami kaming natutuhan at inasam naming lumipas kaagad ang buong linggo para maturuan pa kami tungkol sa ebanghelyo sa araw ng Linggo.

 Inasam naming mag-asawa na makapasok sa templo upang mabuklod ang aming pamilya para sa kawalang-hanggan. Nangyari iyan isang taon at pitong araw matapos akong mabinyagan, na isang napakasayang sandali. Parang nakikita ko ang walang hanggan sa altar bago at matapos ang pagbubuklod.

Dahil ilang taon na kaming legal na naninirahan sa East Coast ng Estados Unidos, kabisado ko na ang mga lungsod, na karamiha’y maliliit.

Nang mabasa o marinig ko ang tungkol sa mga pangyayaring humantong sa Unang Pangitain, binanggit doon ang maraming tao, at walang katuturan iyon sa akin.

Nabuo ang mga tanong sa aking isipan. Bakit kinailangang ipanumbalik ang Simbahan sa Estados Unidos at hindi sa Brazil o Italy, ang lupain ng aking mga ninuno?

Nasaan ang maraming taong binanggit na kasama sa pananariwa ng interes at pagkalito sa mga relihiyon—na nangyaring lahat sa isang napakapayapa at panatag na lugar?

Marami akong tinanong tungkol dito pero walang nakasagot. Binasa ko ang lahat sa Portuguese at pagkatapos ay sa Ingles ngunit wala akong natagpuang makapagbigay ng kapanatagan sa aking puso. Patuloy akong nagsaliksik.

Noong Oktubre 1984, dumalo ako sa isang pangkalahatang kumperensya bilang tagapayo sa isang stake presidency. Pagkatapos, nagpunta ako sa Palmyra, sabik na matagpuan ang sagot.

Pagdating doon, sinikap kong unawain: Bakit kailangang dito mangyari ang Panunumbalik, at bakit matindi ang kaguluhan sa relihiyon? Saan nanggaling ang lahat ng taong binanggit sa salaysay ni Joseph? Bakit doon?

Noon, ang pinakamakatwirang sagot sa akin ay dahil tiniyak sa U.S. Constitution ang kalayaan.

Noong umagang iyon binisita ko ang Grandin Building, kung saan inilimbag ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon. Nagpunta ako sa Sagradong Kakayuhan, kung saan ako nanalangin nang husto.

Halos walang tao sa mga lansangan sa munting bayang iyon ng Palmyra. Nasaan ang maraming taong nabanggit ni Joseph?

Sa hapong iyon nagpasiya akong magpunta sa Peter Whitmer farm, at pagdating ko roon ay nakita ko ang isang lalaki sa bintana ng isang kubo. Nagniningning ang kanyang mga mata. Binati ko siya at saka ko sinimulang itanong ang mga bagay ring iyon.

Sa gayo’y tinanong niya ako, “May oras ka ba?” Sumagot ako ng oo.

Ipinaliwanag niya na ang Lake Erie at Lake Ontario at, sa banda pa roon, ang Hudson River ay nasa lugar na iyon.

Sa mga unang taon ng 1800s nagpasiya silang gumawa ng kanal para sa paglalayag na daraan sa lugar na iyon, na mahigit 300 milya (480 km) ang haba hanggang sa Hudson River. Malaking proyekto iyon noon, at umasa lang sila sa sipag ng mga tao at lakas ng mga hayop.

Ang Palmyra ay sentro ng ilan sa konstruksyon. Kinailangan nila ng mga taong may kasanayan, technician, pamilya, at kanilang mga kaibigan. Nagsimulang dumagsa ang maraming tao mula sa mga kalapit-bayan, at sa mas malalayong lugar, para gawin ang kanal.

Napakasagrado at espirituwal ng sandaling iyon dahil natagpuan ko na rin ang maraming taong hinahanap ko. Dala nila ang kanilang mga kaugalian at paniniwala. Nang banggitin niya ang kanilang mga paniniwala, naliwanagan ang aking isipan at binuksan ng Diyos ang aking espirituwal na mga mata.

Sa sandaling iyon, naunawaan ko kung paano naghanda ng isang lugar sa Kanyang plano ang ating Diyos Ama, sa lawak ng Kanyang karunungan, na mapagdadalhan sa batang si Joseph Smith, sa gitna ng kalituhan tungkol sa relihiyon, dahil doon, sa Cumorah, nakatago ang mahahalagang lamina ng Aklat ni Mormon.

Dito gagawin ang Panunumbalik kung saan maririnig ang tinig ng Ama pagkaraan ng halos dalawang milenyo, sa isang napakagandang pangitain, na nangungusap sa batang si Joseph Smith, nang magpunta siya sa Sagradong Kakayuhan upang manalangin at narinig niya: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”1

Doo’y nakita niya ang dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang isalarawan. Oo, muling inihayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa tao. Unti-unting naglaho ang kadilimang lumukob sa lupa.

Ang mga propesiya ng Panunumbalik ay nagsimulang matupad: “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan.”2

Ilang taon lang ang lumipas, inakay si Joseph sa mga talaan ng mga propesiya, tipan, at ordenansang iniwan ng mga sinaunang propeta, ang ating pinakamamahal na Aklat ni Mormon.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay hindi maipanunumbalik kung wala ang walang-hanggang ebanghelyo, na inihayag sa Aklat ni Mormon bilang isa pang tipan ni Jesucristo, maging ang Anak ng Diyos, ang Kordero ng Diyos, na nag-alis ng mga kasalanan ng sanlibutan.

Sinabi ni Cristo sa Kanyang mga tao sa Jerusalem:

“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi [kasama sa kawan na] ito.”3

“Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako.”4

Nang lisanin ko ang Whitmer farm, hindi ko maalala na nagpaalam ako. Ang naaalala ko lang ay ang mga luha na malayang tumulo sa aking pisngi. Palubog na ang araw sa maaliwalas na kalangitan.

Nadama ng puso ko ang malaking kagalakan at kapayapaan na nagbigay ng kapanatagan sa aking kaluluwa. Napuspos ako ng pasasalamat.

Malinaw ko nang nauunawaan ngayon kung bakit. Muli akong nabigyan ng Panginoon ng kaalaman at liwanag.

Habang pauwi, patuloy na dumaloy sa aking isipan ang mga banal na kasulatan: ang mga pangako kay Amang Abraham na sa kanyang binhi pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa.5

At para mangyari ito, magtatayo ng mga templo upang muling maipagkaloob ang kapangyarihan ng langit sa tao sa lupa upang ang mga pamilya ay magkaisa, hindi hanggang sa paghiwalayin tayo ng kamatayan kundi magkasama hanggang sa buong kawalang-hanggan.

“At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.”6

Kung kayo na nakikinig sa akin ay may mga tanong sa inyong puso, huwag sumuko!

Inaanyayahan ko kayong sundin ang halimbawa ni Propetang Joseph Smith nang mabasa niya sa Santiago 1:5, “Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat.”

Ang nangyari sa Cumorah ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik, nang tanggapin ni Joseph Smith ang mga laminang naglalaman ng Aklat ni Mormon. Tutulungan tayo ng aklat na ito na mas mapalapit kay Cristo nang higit kaysa anumang aklat sa mundo.7

Pinatototohanan ko na ang Panginoon ay nagbangon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang gabayan ang Kanyang kaharian sa mga huling araw na ito at sa Kanyang walang-hanggang plano ay nakatadhanang magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Nagmamalasakit Siya sa Kanyang mga anak. Sinasagot Niya ang ating mga dalangin.

Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, nagbayad-sala si Jesucristo para sa ating mga kasalanan. Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.