2016
Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo
Mayo 2016


Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo

Dalangin ko na parangalan natin ang Tagapagligtas at baguhin natin ang kinakailangang baguhin upang makita ang ating sarili sa loob ng Kanyang mga sagradong templo.

Ang paglaganap ng plano ng kaligtasan ng Panginoon sa dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay halos hindi kayang maunawaan.1 Napatunayan ito sa ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson na 4 na bagong templo sa sesyong ito ng kumperensya. Nang tawagin si Pangulong Monson bilang Apostol noong 1963, may 12 templong ginagamit sa mundo.2 Sa paglalaan ng Provo City Center Temple, ngayon ay may 150 na, at magkakaroon ng 177 kapag nailaan na ang lahat ng ibinalitang templo. Isang dahilan ito para magalak tayo nang may pagpapakumbaba.

Isang daan at walumpung taon na ang nakararaan, sa mismong araw na ito, Abril 3, 1836, isang kagila-gilalas na pangitain ang ipinakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Nangyari ito isang linggo lang matapos ang paglalaan sa templong iyon. Sa pangitaing ito ay nakita nila ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito sa templo. Bukod sa iba pa, ipinahayag ng Tagapagligtas:

“Magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan.

“Sapagkat masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito.”3

Sa sagradong okasyong iyon, nagpakita ang mga sinaunang propeta, kabilang na si Elijah, na nagkaloob ng mga susi na mahalaga para sa mga ordenansa sa templo.

Naramdaman namin ang kasayahang nangyayari sa Quito, Ecuador; Harare, Zimbabwe; Belém, Brazil; at Lima, Peru, kapwa sa mga miyembro at sa mga missionary, batay sa nangyari sa Bangkok, Thailand, isang taon na ang nakararaan nang ibalita ang templong iyon. Si Sister Shelly Senior, asawa ng noon ay mission president ng Thailand Bangkok Mission na si David Senior, ay nag-email sa kanyang pamilya at mga kaibigan para sabihin na matapos nilang marinig ng kanyang asawa na ibalita ni Pangulong Monson ang templong iyon, ay “hindi sila nakatulog nang 12 oras at iyak sila nang iyak dahil sa kaligayahan.” Tinawagan nila ang kanilang mga mission assistant nang alas-11:30 n.g. at ipinaalam ito sa kanila. Tinawagan ng mga assistant ang lahat ng missionary. Inireport kalaunan na “nagising ang buong mission sa hatinggabi at nagtatalon sa kanilang mga kama sa tuwa.” Pabirong sinabihan ni Sister Senior ang pamilya at mga kaibigan na, “Huwag ninyong sabihin sa Missionary Department!”4

Ang espirituwal na pagtugon ng mga miyembro sa Thailand ay matindi rin. Tiwala ako na nagkaroon ng mga espirituwal na paghahanda sa mga puso at tahanan at mga pagpapamalas mula sa langit na naghanda sa mga Banal kung saan itatayo ang ibinalitang mga templo.

Mga dalagitang Thai na may salamin na nagsasabing, “Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo.”

Nagpagawa si Sister Senior, sa Thailand, ng ilang espesyal na salamin para sa kanyang personal na pagtuturo, lalo na sa kababaihan. May nakaukit na templo sa salamin na may mga salitang, “Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo.” Nang tumingin ang mga tao sa salamin, nakita nila ang kanilang sarili sa templo. Itinuro ng mga Senior sa mga investigator at miyembro na ilarawan ang kanilang sarili sa templo at baguhin ang mga nararapat baguhin sa kanilang pamumuhay at espirituwal na maghanda para makamit ang mithiing ito.

Ang hamon ko ngayong umaga ay na makita ng bawat isa sa atin ang ating sarili sa templo, saanman tayo nakatira. Ipinahayag ni Pangulong Monson: “Hangga’t hindi kayo nakakapasok sa bahay ng Panginoon upang matanggap ninyo ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa inyo roon, hindi pa rin ninyo natatamo ang lahat ng inihahandog ng Simbahan. Ang pinakamahalaga at pinakamataas na pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang mga pagpapalang natatanggap natin sa mga templo ng Diyos.”5

Sa kabila ng kawalan ng kabutihan sa mundo ngayon, nabubuhay tayo sa isang sagrado at banal na panahon. Maraming siglo nang nailarawan ng mga propeta ang ating panahon, nang may pagmamahal at pananabik sa puso.6

Pinasalamatan ni Propetang Joseph Smith, sa pagbanggit kapwa sa Obadias7 sa Lumang Tipan at ang I Ni Pedro8 sa Bagong Tipan, ang dakilang layunin ng Diyos sa paglalaan ng pagbibinyag para sa mga patay at pagtutulot sa atin na maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.9

Pinaunlad ng Panginoon ang ating mga tao at binigyan sila ng makakatulong na materyal at ng patnubay ng propeta upang maging masigasig tayo sa pagganap sa ating mga responsibilidad sa templo para sa kapwa mga buhay at mga patay.

Dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, nauunawaan natin ang layunin ng buhay, ang plano ng kaligtasan ng Ama para sa Kanyang mga anak, ang nakatutubos na sakripisyo ng Tagapagligtas, at ang mahalagang papel ng mga pamilya sa organisasyon ng langit.10

Ang magkahalong pagdami ng mga templo at makabagong teknolohiya upang magampanan ang mga sagradong responsibilidad natin sa family history para sa ating mga ninuno ang dahilan kaya lubos na pinagpala ang panahong ito sa buong kasaysayan. Nagagalak ako sa kakaibang katapatan ng ating mga kabataan sa indexing at paghahanap sa kanilang mga ninuno at pagkatapos ay pagsasagawa ng binyag at kumpirmasyon sa templo. Kayo ay literal na kabilang sa ipinopresiyang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.

Paano Tayo Naghahanda para sa Templo?

Alam natin na ang kabutihan at kabanalan ay mahahalagang bahagi ng paghahanda para sa templo.

Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 97, mababasa, “At yayamang ang aking mga tao ay magtatayo ng isang bahay sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi pahihintulutan ang anumang maruming bagay na pumasok dito, upang ito ay hindi madungisan, ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito.”11

Hanggang noong 1891 ang Pangulo ng Simbahan ang lumalagda sa bawat temple recommend upang protektahan ang kasagraduhan ng templo. Ang responsibilidad na iyan ay itinalaga kalaunan sa mga bishop at stake president.

Lubos naming hinahangad na mamuhay ang mga miyembro ng Simbahan sa paraan na sila ay magiging marapat na magkaroon ng temple recommend. Huwag nating isipin na napakahirap o imposibleng makapasok sa templo. Katulong ang kanilang bishop, magagawa ng karamihan sa mga miyembro ang lahat ng kabutihang kailangang gawin sa loob ng maikling panahon kung determinado silang maging karapat-dapat at lubos silang magsisisi sa kanilang mga kasalanan. Kabilang dito ang kahandaang patawarin ang ating sarili at huwag ituring na mga hadlang ang ating mga kakulangan o kasalanan sa pagkamarapat nating makapasok sa isang sagradong templo.

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay isinakatuparan para sa lahat ng anak ng Diyos. Ang Kanyang nakatutubos na sakripisyo ay tumutugon sa hinihingi ng katarungan para sa lahat ng tunay na nagsisisi. Inilarawan ito ng mga banal na kasulatan sa isang napakagandang paraan:

“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”12

“At … hindi ko na aalalahanin [ang mga ito].”13

Tinitiyak namin sa inyo na ang pamumuhay ayon sa mabubuting alituntunin ay magdudulot ng kaligayahan, kapanatagan, at kapayapaan sa inyo at sa inyong pamilya.14 Ang mga miyembro, kapwa matatanda at mga kabataan,15 ay pinatutunayan ang sarili nilang pagkamarapat kapag sinasagot nila ang mga tanong sa temple recommend. Ang lubos na kailangan ay palakasin ang ating patotoo sa Diyos Ama, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo at maranasan ang patnubay ng Espiritu Santo.

Ang mga Pagpapala ng Templo ay Napakarami

Ang mga pangunahing pagpapala ng templo ay ang mga ordenansa ng kadakilaan. Ang plano ng ebanghelyo ay tungkol sa kadakilaan at nakapaloob dito ang paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Maliban sa binyag at kumpirmasyon, ang mga ordenansa at tipan ay isinasagawa at natatanggap sa templo para sa mga buhay. Para sa mga patay, lahat ng nakapagliligtas na ordenansa at tipan ay natatanggap sa templo.

Itinuro ni Brigham Young, “Wala ni isang bagay na nakalimutang gawin ang Panginoon para sa kaligtasan ng sangkatauhan; … lahat ng magagawa para sa kanilang kaligtasan, hindi kabilang ang kanilang sarili, ay ginawa na at sa pamamagitan ng Tagapagligtas.”16

Ang mga lider ng Simbahan ay bumubuo ng mga stake, ward, auxillary, korum, mission, at iba pa sa ating mga chapel at iba pang mga gusali. Ang Panginoon ay sa mga templo lamang bumubuo ng mga walang-hanggang pamilya.

Malinaw na yaong mga may bagbag na puso at nagsisising espiritu na tunay na nagsisi sa kanilang mga kasalanan ay lubos na katanggap-tanggap sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay.17 Alam natin na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”18 Isa sa mahahalagang bagay na gustung-gusto ko tungkol sa templo ay na sa lahat ng dumadalo, walang pagkakaiba sa yaman, ranggo, o anumang katungkulan. Tayong lahat ay pantay-pantay sa harapan ng Diyos. Lahat ay nakasuot ng puting damit para ipakita na tayo ay dalisay at mabubuting tao.19 Lahat ay magkakatabi ng upuan na may hangarin sa kanilang puso na maging karapat-dapat na mga anak na lalaki at babae ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.

Sealing room ng templo

Isipin lang ninyo, magagawa ng kababaihan at kalalakihan sa buong mundo sa pamamagitan ng “mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo … [na] makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at … magkasama-sama sa walang hanggan.”20 Ginagawa nila ito sa maganda at sagradong sealing room na ginawa para sa lahat ng karapat-dapat na miyembro. Matapos nilang pumasok sa mga tipang ito, “makikita nila ang kanilang sarili” sa dalawang magkaharap na salamin sa templo. “Mababanaag sa dalawang magkaharap na salaming ito ng templo ang mga larawang tila umaabot sa kawalang-hanggan.”21 Ang nabanaag na mga larawang ito ay tinutulungan tayong pagmuni-munihin ang ating mga magulang, lolo’t lola, at lahat ng naunang henerasyon. Tinutulungan tayo nitong pahalagahan ang mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin sa lahat ng susunod na henerasyon. Napakahalaga nito, at nagsisimula ito kapag nakita ninyo ang inyong sarili sa templo.

Mga salamin sa sealing room ng isang templo

Pinayuhan tayo ni Pangulong Howard W. Hunter na “isipin ang mararangal na turo sa dakilang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, isang panalangin na ayon kay Propetang Joseph Smith ay inihayag sa kanya. Isang panalangin iyon na patuloy na sinasagot sa bawat isa sa atin, sa atin bilang pamilya, at sa atin bilang isang lahi dahil sa kapangyarihan ng priesthood na ibinigay ng Panginoon sa atin para gamitin sa Kanyang mga banal na templo.”22 Makabubuting pag-aralan natin ang ika-109 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan at sundin ang payo ni Pangulong Hunter na “itatag ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng [ating] pagiging miyembro.”23

Ang templo ay isa ring lugar ng kanlungan, pasasalamat, tagubilin, at pag-unawa, at “upang [tayo] ay maging ganap … sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo.”24 Sa buong buhay ko naging isang lugar ito ng katiwasayan at kapayapaan sa isang magulong mundo.25 Napakasayang iwan ang mga alalahanin ng sanlibutan pagpasok sa sagradong lugar na iyon.

Kadalasan kapag nasa templo, at habang nagsasaliksik tayo ng family history, nadarama natin ang mga pahiwatig at paramdam ng Espiritu Santo.26 Nadarama natin sa templo paminsan-minsan na lubhang numinipis ang tabing sa pagitan natin at ng mga nasa kabilang-buhay. Nabibigyan tayo ng dagdag na tulong sa ating mga pagsisikap na maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.

Ilang taon na ang nakararaan sa isang templo sa Central America, tinulungan ng asawa ng isa sa ating emeritus General Authority ngayon ang isang ama, isang ina, at kanilang mga anak na tumanggap ng mga walang-hanggang tipan sa sealing room, kung saan naroon ang mga salamin ng templo. Nang matapos na sila at humarap sa mga salaming iyon, napansin niya na may mukha sa salamin na wala sa silid. Tinanong niya ang ina ng pamilya at nalaman na isang anak nilang babae ang pumanaw kaya hindi nila kasama roon. Sa gayon ay ibinuklod din ang pumanaw na anak nilang babae sa pamamagitan ng proxy sa sagradong ordenansa.27 Huwag maliitin ang tulong na inilalaan sa mga templo na nagmumula sa kabilang panig ng tabing.

Dapat ninyong malaman kung gaano namin ninanais na gawin ng lahat ang mga pagbabagong kinakailangan upang maging marapat sa templo. Mapanalanging pagnilayan ang espirituwal na sitwasyon ninyo sa buhay, hingin ang patnubay ng Espiritu, at kausapin ang inyong bishop tungkol sa paghahanda ninyo para sa templo. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Wala nang ibang mas mahalagang mithiing dapat ninyong pagsikapan kundi maging karapat-dapat na makapunta sa templo.”28

Ang Tagapagligtas “Ang Di-Natitinag na Pangulong Bato sa Panulok ng Ating Pananampalataya at ng Kanyang Simbahan”

Nagkaroon ako ng pribilehiyong makibahagi na kasama si Pangulong Henry B. Eyring sa muling paglalaan ng Suva Fiji Temple dalawang buwan na ang nakararaan. Iyon ay isang espesyal at sagradong kaganapan. Matatag at matindi ang inspirasyong natanggap ni Pangulong Eyring kaya natuloy ang muling paglalaan sa kabila ng pinakamalakas na bagyo sa lahat ng naitala sa Southern Hemisphere. Nabigyan ng pisikal at espirituwal na proteksyon ang mga kabataan, missionary, at miyembro.29 Lubos na nadama ang kamay ng Panginoon. Ang muling paglalaan ng Suva Fiji Temple ay isang kanlungan mula sa unos. Madalas kapag dumaranas tayo ng mga unos ng buhay, nasasaksihan natin ang kamay ng Panginoon sa pagbibigay ng walang-hanggang proteksyon.

Ang orihinal na paglalaan ng Suva Fiji Temple noong Hunyo 18, 2000, ay pambihira din. Noong malapit nang matapos ang templo, binihag ng isang grupo ng mga rebelde ang mga miyembro ng parliyamento. Ninakawan at sinunog ang kabayanan ng Suva, Fiji. Nagdeklara ng martial law ang militar.

Bilang Area President, pumunta ako kasama ang apat na stake president sa Fiji at nakipag-usap sa mga pinuno ng militar sa Queen Elizabeth barracks. Matapos naming ipaliwanag ang gagawing paglalaan, sumuporta naman sila ngunit nag-alala para sa kaligtasan ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Inimungkahi nilang simplihan na lang ang paglalalaan at huwag nang magdaos ng anumang kaganapan sa labas ng templo, gaya ng cornerstone ceremony. Binigyang-diin nila na sinumang nasa labas ng templo ay maaaring mapahamak.

Inaprubahan ni Pangulong Hinckley ang isang maliit na sesyon sa paglalaan na dadaluhan lamang ng bagong temple presidency at ng ilang lokal na lider; wala nang ibang inanyayahan dahil sa panganib. Gayunman, mariin niyang ipinahayag na, “Kung talagang maglalaan tayo ng templo, idaraos natin ang cornerstone ceremony dahil si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok, at ito ay Kanyang Simbahan.”

Nang lumabas nga kami para sa cornerstone ceremony, walang mga di-miyembro, bata, media, o iba pa na naroon. Subalit ipinakita ng matapat na propeta ang kanyang matapang at di-natitinag na katapatan sa Tagapagligtas.

Kalaunan ay sinabi ni Pangulong Hinckley tungkol sa Tagapagligtas: “Wala Siyang kapantay. Kailanma’y walang nakapantay. Kailanma’y walang makakapantay. Salamat sa Diyos sa kaloob ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na nagbuwis ng Kanyang buhay upang tayo ay mabuhay at ang di-natitinag na pangulong bato sa panulok ng ating pananampalataya at ng kanyang Simbahan.”30

Mga kapatid, dalangin ko na parangalan natin ang Tagapagligtas at baguhin natin ang kinakailangang baguhin upang makita ang ating sarili sa loob ng Kanyang mga sagradong templo. Sa paggawa nito, maisasakatuparan natin ang Kanyang mga banal na layunin at maihahanda ang ating sarili at ating pamilya sa lahat ng pagpapalang maipagkakaloob ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ibinabahagi ko ang aking tiyak na patotoo na ang Tagapagligtas ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:30–32.

  2. Ang ika-12 templo, ang London England Temple, ay inilaan noong Setyembre 7, 1958.

  3. Doktrina at mga Tipan 110:6–7.

  4. Shelly Senior, email, Abr. 6, 2015.

  5. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 93.

  6. Tingnan sa Isaias 2:2.

  7. Tingnan sa Obadias 1:21.

  8. Tingnan sa I Ni Pedro 4:6.

  9. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 480.

  10. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 194, 210–11.

  11. Doktrina at mga Tipan 97:15; tingnan din sa talata 17.

  12. Isaias 1:18.

  13. Jeremias 31:34.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23.

  15. Bukod pa sa recommend na taglay ng mga adult na na-endow, isang limited-use recommend para sa pagbibinyag sa patay ang maaaring matanggap ng karapat-dapat na mga kabataan at mga adult na hindi pa na-endow. Ang dalawang recommend na ito ay kailangang lagdaan ng tumanggap na nagpapatunay ng personal na pagkamarapat. Ang limited-use recommend ay may bisa sa loob ng isang taon at nagbibigay ng pagkakataon sa bishopric na kausapin ang bawat tao hinggil sa kanyang pagkamarapat taun-taon.

  16. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 39.

  17. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42.

  18. Mga Gawa 10:34; tingnan din sa Moroni 8:12; Doktrina at mga Tipan 1:35; 38:16.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:16.

  20. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  21. Gerrit W. Gong, “Mga Salamin ng Kawalang-Hanggan ng Templo: Isang Patotoo ng Pamilya,” Liahona, Nob. 2010, 37.

  22. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 200.

  23. Mga Turo: Howard W. Hunter, 195.

  24. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:13–14.

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:26–27.

  26. Karaniwan ay tinutukoy natin itong diwa ni Elias. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang diwa ni Elias ay “isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa banal na katangian ng pamilya” (“A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34).

  27. Ibinahagi nang may pahintulot.

  28. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—isang Tanglaw sa Mundo,” 93.

  29. Ang mga missionary at kabataan mula sa mga karatig na pulo ay nasa ligtas na mga paaralan at gusali ng Simbahan at ligtas mula sa napakatinding pagsalanta ng Bagyong Winston.

  30. Gordon B. Hinckley, “Four Cornerstones of Faith,” Liahona, Peb. 2004, 4–5.