2016
Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi
Mayo 2016


Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi

Tulad ng paghahanap ng Mabuting Pastol sa Kanyang nawawalang tupa, kung ibabaling lamang ninyo ang inyong puso sa Tagapagligtas ng sanlibutan, hahanapin Niya kayo.

Isa sa malalagim na alaala ko noong bata pa ako ang magising sa ugong ng sirena sa di-kalayuan na hudyat ng pag-atake ng militar. Maya-maya pa, unti-unting lumakas ang isa pang ugong, ang mahinang kalampag ng pag-ikot ng mga elise, hanggang sa mayanig nito ang himpapawid mismo. Dahil sinanay kaming mabuti ng aming ina, hinablot naming magkakapatid ang kani-kanyang bag namin at tumakbo kami sa itaas ng burol papunta sa taguang lungga. Habang sinasagasa namin ang dilim ng gabi, nagbagsakan ang mga berde at puting ningas na sumisiklab mula sa langit para makita ng mga nagbobomba ang mga target nila. Ang nakakagulat, mga Christmas tree ang tawag ng lahat sa mga sumisiklab na ito.

Apat na taong gulang ako noon, at saksi ako sa digmaang nagaganap.

Dresden

Di-kalayuan mula sa tirahan ng pamilya ko ang lungsod ng Dresden. Marahil ay libong beses nang nasaksihan ng mga nanirahan doon ang nasaksihan ko. Mga mapaminsalang sunog, na dulot ng tone-toneladang pampasabog, ang mabilis na nanalasa sa Dresden, at winasak ang mahigit 90 porsiyento ng lungsod at walang iniwan kundi mga durog na bato at abo lamang.

Ang wasak na Dresden

Sa ilang saglit lang, wasak na ang lungsod na dating tinaguriang “Jewel Box.” Isinulat ni Erich Kästner, isang awtor na Aleman, tungkol sa pagkawasak na, “Isang libong taon nilang itinayo ang kanyang kariktan, isang gabi lang ay nawasak na ito nang lubusan.”1 Noong bata pa ako hindi ko mawari kung paano malalabanan ang pangwawasak ng isang digmaang sinimulan ng sarili naming mga tao. Mukhang wala nang pag-asa at kinabukasan ang mundo sa aming paligid noon.

Noong isang taon nagkaroon ako ng pagkakataong bumalik sa Dresden. Pitumpung taon pagkaraan ng digmaan, muli itong naging isang lungsod na matatawag na “Jewel Box.” Nawala na ang mga guho, at naipanumbalik na at napaganda pa ang lungsod.

Ang wasak na Frauenkirche

Nang bumisita ako nakita ko ang magandang simbahang Lutheran na Frauenkirche, ang Church of Our Lady. Orihinal na itinayo noong 1700s, naging isa ito sa mga tampok na lugar sa Dresden, ngunit naging bunton na lang ng mga durog na bato dahil sa digmaan. Maraming taon itong nanatiling gayon hanggang sa pagpasiyahan na muling itayo ang Frauenkirche.

Ang itinayong muli na Frauenkirche

Ang mga batong nagmula sa gumuhong simbahan na maaari pang pakinabangan ay inimbak at inorganisa, at ginamit sa muling pagtatayo. Ngayo’y makikita ninyo ang mga batong ito na umitim sa sunog na nagmistulang mga pilat sa mga dingding sa labas. Ang “mga pilat” na ito ay hindi lamang nagsisilbing alaala ng digmaan sa kasaysayan ng gusaling ito kundi isang bantayog ng pag-asa—isang maringal na simbolo ng kakayahan ng tao na bumuo ng isang bagay mula sa abo.

Ang Frauenkirche ay isang bantayog ng pag-asa.

Nang pagnilayan ko ang kasaysayan ng Dresden at mamangha ako sa kahusayan at determinasyon ng mga tao na buuing muli ang isang bagay na wasak na wasak na, nadama ko ang magiliw na presensya ng Banal na Espiritu. Naisip ko, siguradong kung kaya ng tao na bumuong muli ng isang napakaganda at napakatayog na gusali mula sa mga guho, durog na bato, at labi, gaano pa kaya ang kahigitan ng kakayahan ng ating Makapangyarihang Ama na buuing muli ang pagkatao ng Kanyang mga anak na nagkasala, nahirapan, o naligaw ng landas?

Hindi mahalaga kung tila sirang-sira na ang buhay natin. Hindi mahalaga kung gaano man kabigat ang ating mga kasalanan, gaano kapait ang ating nadarama, gaano tayo kalungkot, o gaano kasawi ang ating puso. Maging yaong mga nawalan ng pag-asa, malungkot ang buhay, nagtaksil, isinuko ang kanilang integridad, o tumalikod sa Diyos ay muling mabubuo. Maliban sa mga anak ng kapahamakan, walang buhay na lubhang nawasak na hindi mabubuong muli.

Ang masayang balita ng ebanghelyo ay ito: dahil sa walang-hanggang plano ng kaligayahang laan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa pamamagitan ng sukdulang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang tayo maliligtas mula sa ating nahulog na kalagayan at ipanunumbalik sa kadalisayan, kundi uunlad din tayo nang higit pa sa kayang wariin ng tao at magiging mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan at tatanggap ng di-mailarawang kaluwalhatian ng Diyos.

Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa

Noong panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas, tutol ang mga pinuno ng relihiyon sa Kanyang panahon sa pag-uukol ni Jesus ng panahon sa mga taong binansagan nilang “makasalanan.”

Marahil ang tingin nila ay kinukunsinti o hinahayaan Niya ang kanilang masamang pag-uugali. Marahil ay naniwala sila na ang pinakamainam na paraan para matulungang magsisi ang mga makasalanan ay ang isumpa, kutyain, at ipahiya sila.

Nang mahiwatigan ng Tagapagligtas ang iniisip ng mga Fariseo at eskriba, nagkuwento Siya:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?

“At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.”2

Sa paglipas ng mga siglo, ang pagkaunawa sa talinghagang ito ay isa itong utos sa atin na ibalik ang nawawalang tupa at tulungan ang mga naliligaw ng landas. Bagama’t angkop at mabuti naman ito, iniisip ko na baka higit pa ito rito.

Posible kaya na ang layunin ni Jesus, una sa lahat, ay ituro ang gawain ng Mabuting Pastol?

Posible kaya na pinatototohanan Niya na mahal ng Diyos ang mga anak Niyang suwail?

Posible kaya na ang mensahe ng Tagapagligtas ay na alam na alam ng Diyos kung sino ang mga nawawala—at na hahanapin Niya sila, tutulungan Niya sila, at sasagipin Niya sila?

Kung magkagayon, ano ang kailangang gawin ng tupa upang maging marapat sa tulong na ito ng langit?

Kailangan bang matutong gumamit ng kumplikadong sextant ang tupa para makalkula ang coordinates nito? Kailangan bang gumamit pa ito ng GPS para malaman kung nasaan na siya? Kailangan ba siyang maging eksperto sa paggawa ng app para makahingi ng saklolo? Kailangan ba ng tupa na iendorso siya ng isang kilalang tao bago siya sagipin ng Mabuting Pastol?

Hindi. Siyempre hindi! Ang tupa ay karapat-dapat na sagipin dahil lang sa mahal siya ng Mabuting Pastol.

Para sa akin, ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa ay isa sa mga mensahe ng pag-asa sa buong banal na kasulatan.

Kilala at mahal tayo ng ating Tagapagligtas, ang Mabuting Pastol. Kilala at mahal Niya kayo.

Alam Niya kapag nawawala kayo, at alam Niya kung nasaan kayo. Alam Niya ang inyong dalamhati. Ang tahimik ninyong mga pagsamo. Ang inyong mga pangamba. Ang inyong mga pagtangis.

Hindi mahalaga kung paano kayo nawala—ito man ay dahil mali ang inyong mga pagpili o dahil sa mga sitwasyong hindi ninyo mapipigilan.

Ang tanging mahalaga ay anak Niya kayo. At mahal Niya kayo. Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak.

Pagsagip sa nawawalang tupa

Dahil mahal Niya kayo, hahanapin Niya kayo. Papasanin Niya kayo sa Kanyang balikat, na natutuwa. At kapag kayo ay Kanyang iniuwi, sasabihin Niya sa lahat, “Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala.”3

Ano ang Kailangan Nating Gawin?

Ngunit, maaaring iniisip ninyo, ano naman ang kailangan kong gawin? Tiyak na may gagawin pa ako kaysa maghintay lang na masagip.

Bagama’t hangad ng ating mapagmahal na Ama na lahat ng anak Niya ay makabalik sa Kanya, hindi Niya pipilitin ang sinuman na bumalik sa langit.4 Hindi tayo sasagipin ng Diyos kung ayaw natin.

Kaya ano ang kailangan nating gawin?

Simple lang ang Kanyang paanyaya:

“Magsipanumbalik … sa akin”5

“Magsiparito sa akin.”6

“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo.”7

Sa ganitong paraan natin ipinapakita sa Kanya na gusto nating masagip.

Kailangan dito ang kaunting pananampalataya. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa. Kung wala pa kayong pananampalataya ngayon, umasa na kayo’y magkakaroon.

Kung hindi ninyo masabi na alam ninyong nariyan ang Diyos, umasa na nariyan Siya. Maaari ninyong hangaring maniwala.8 Sapat nang simula iyan.

Pagkatapos, taglay ang pag-asang iyan, magsumamo sa Ama sa Langit. Ipadarama ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa inyo, at sisimulan Niya kayong sagipin at baguhin.

Sa paglipas ng panahon, mapapansin ninyo ang impluwensya Niya sa inyong buhay. Madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal. At ang hangaring lumakad sa Kanyang liwanag at sundan ang Kanyang mga yapak ay mag-iibayo sa bawat paghakbang ninyo nang may pananampalataya.

Tinatawag natin ang mga hakbang na ito ng pananampalataya na “pagsunod.”

Hindi bantog ang salitang iyan sa mga panahong ito. Ngunit ang pagsunod ay isang natatanging konsepto sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil alam natin na “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”9

Kapag nag-ibayo ang ating pananampalataya, kailangan din nating pag-ibayuhin ang ating katapatan. Binanggit ko kanina ang lungkot na nadama ng isang awtor na Aleman sa pagkawasak ng Dresden. Isinulat din niya ang mga katagang “Es gibt nichts Gutes, ausser: Man tut es.” Sa mga hindi marunong magsalita ng selestiyal na wika, ang salin nito ay “Walang anumang mabuti kung hindi mo ito gagawin.”10

Maaaring mahusay tayong magsalita tungkol sa mga espirituwal na bagay. Maaaring mapahanga natin ang mga tao sa ating matalinong interpretasyon sa mga paksa ng relihiyon. Maaari tayong magsalita nang buong sigla tungkol sa relihiyon at “mangarap ng biyayang naghihintay.”11 Ngunit kung hindi binabago ng ating pananampalataya ang paraan ng ating pamumuhay—kung ang ating mga paniniwala ay hindi nakakaimpluwensya sa mga desisyon natin sa araw-araw—walang silbi ang ating relihiyon, at ang ating pananampalataya, kung hindi man patay, ay tiyak na mahina at nanganganib na mawala kalaunan.12

Pagsunod ang nagpapalakas sa pananampalataya. Sa pagsunod tayo nagtatamo ng liwanag sa ating kaluluwa.

Ngunit kung minsan palagay ko ay mali ang pagkaunawa natin sa pagsunod. Maaaring isipin natin na ang pagsunod ang siyang layunin mismo, sa halip na isang paraan para maisakatuparan ang layunin. O maaari nating isipin na tulad sa isang bakal na paulit-ulit na isinasalang sa init at pinupukpok hanggang sa mahubog ito ay pipilitin natin ang isa nating mahal sa buhay na sundin ang mga kautusan para siya maging banal.

Walang alinlangang may mga pagkakataon na kailangan nating mahigpit na ipangaral ang pagsisisi. Tiyak na may ilang tao na sa ganitong paraan lamang matutulungan.

Ngunit marahil ay may iba pang metaporang makapagpapaliwanag kung bakit natin sinusunod ang mga utos ng Diyos. Marahil ang pagsunod ay hindi proseso ng pagbaluktot, pagpilipit, at pagpukpok hanggang sa mahubog ang ating pagkatao. Sa halip, proseso ito ng pagtuklas sa tunay nating pagkatao.

Tayo ay nilikha ng Makapangyarihang Diyos. Siya ang ating Ama sa Langit. Tayo ay Kanyang literal na mga espiritung anak. Nilikha tayo mula sa sagradong materyal na napakabanal at dalisay, kung kaya’t likas sa pagkatao natin ang kabanalan.

Gayunman, dito sa lupa, napupuno ng kasamaan, kasalanan, at karumihan ang ating mga iniisip at ikinikilos. Ang karumihan at kasamaan ng makamundong daigdig ay dinurungisan ang ating kaluluwa, kaya nahihirapan tayong makilala at maalala ang ating tunay na pinagmulan at layunin.

Ngunit hindi mababago ng lahat ng ito ang ating tunay na pagkatao. Ang kabanalan ng ating likas na pagkatao ay nananatili. At sa sandaling piliin nating ibaling ang ating puso sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas at tumahak tayo sa landas ng pagkadisipulo, may himalang nangyayari. Napupuspos ng pag-ibig ng Diyos ang ating puso, napupuspos ng liwanag ng katotohanan ang ating isipan, nagsisimula tayong mawalan ng hangaring magkasala, at ayaw na nating lumakad sa kadiliman.13

Natatanto natin na ang pagsunod ay hindi isang parusa kundi isang paraan para malaya tayong makatahak sa landas patungo sa ating banal na tadhana. At unti-unti, ang kasamaan, karumihan, at mga limitasyon ng mundong ito ay nagsisimulang maglaho. Kalaunan, ang napakahalaga at walang-hanggang espiritu ng banal na pagkataong likas sa atin ay nahahayag, at likas tayong pinagmumulan ng kabutihan.

Kayo ay Karapat-dapat na Sagipin

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, pinatototohanan ko na nakikita ng Diyos kung sino tayo talaga—at nakikita Niya na tayo ay karapat-dapat na sagipin.

Maaaring pakiramdam ninyo ay gumuho na ang inyong buhay. Maaaring nagkasala kayo. Maaaring kayo ay natatakot, nagagalit, nagdadalamhati, o nililigalig ng pag-aalinlangan. Ngunit tulad ng paghahanap ng Mabuting Pastol sa Kanyang nawawalang tupa, kung ibabaling lamang ninyo ang inyong puso sa Tagapagligtas ng sanlibutan, hahanapin Niya kayo.

Sasagipin niya kayo.

Bubuhatin at papasanin Niya kayo sa Kanyang balikat.

Iuuwi Niya kayo.

Kung kaya ng mga kamay ng tao na magtayo ng magandang bahay-sambahan mula sa mga durog na bato at guho, makatitiyak at makapagtitiwala tayo na kaya tayong buuing muli at bubuuin tayong muli ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ang Kanyang plano ay gawin tayong higit na dakila kaysa rati—higit pa sa kayang ilarawan ng ating isipan. Sa bawat hakbang ng pananampalataya sa landas ng pagkadisipulo, nagiging mga nilalang tayo na may walang-hanggang kaluwalhatian at galak na siyang nilayong kahinatnan natin.

Ito ang aking patotoo, basbas, at mapakumbabang dalangin sa sagradong pangalan ng ating Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.