Elder Weatherford T. Clayton
General Authority Seventy
Labis ang pasasalamat ni Elder Weatherford T. Clayton sa pagkakataong maglingkod. Ang gawain ng Panginoon ay isang prayoridad para sa kanya. Mahal na mahal niya ang mga tao at matibay ang relasyon niya sa kanyang pamilya.
“Sa ebanghelyo ni Jesucristo, lahat tayo ay maaaring magsama-sama,” sabi ni Elder Clayton. “Nadama ng pamilya ko ang impluwensya ng mga sumakabilang-buhay na. Totoong nariyan sila na tulad ng mga taong narito.”
Isinilang sa California, USA, noong Marso 1, 1952, kina Whitney Clayton Jr. at Elizabeth Touchstone Clayton, nagkaroon ng malakas na patotoo si Elder Clayton sa kanyang kabataan tungkol sa home teaching. Dahil sa mga pagsisikap ng isang home teacher, natanggap niya, sa edad na 12, at ng kanyang pamilya ang mga sagradong tipan ng ebanghelyo at ibinuklod sila sa Salt Lake Temple noong 1964 ni Harold B. Lee na isang Elder noon sa Korum ng Labindalawang Apostol.
Habang iniisip kung paano siya inihanda ng Panginoon para maglingkod, sinabi ni Elder Clayton na madalas siyang mabigyang-inspirasyon sa halimbawa ng iba: “Namasdan ko kung paano inilaan ng aking mga kaibigan at kapamilya ang kanilang buhay sa Panginoon at nagalak sila sa paglilingkod na inialay nila sa Diyos.”
Matapos maglingkod sa French Canadian Mission, nag-aral siya sa University of Utah, kung saan niya nakilala si Lisa Thomas. Ikinasal sila noong Marso 16, 1976, sa Salt Lake Temple. Sila ay may limang anak.
Nagtamo si Elder Clayton ng degree sa psychology at natapos sa medical school sa University of Utah. Nagtrabaho siya sa isang pribadong medical practice bilang obstetrician-gynecologist mula 1985 hanggang 2013, bago siya tinawag na maglingkod bilang president ng Canada Toronto Mission.
Naglingkod siya bilang ward mission leader, Gospel Doctrine teacher, Young Men president, family history consultant, youth Sunday School teacher, bishop, high councilor, counselor sa stake presidency, at stake president.