Elder Joaquin E. Costa
General Authority Seventy
Isang kaibigang matchmaker ang naglagay kay Joaquin Esteban Costa sa landas na humantong sa pagtanggap niya sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa kasal sa templo, at sa pamumuno sa Simbahan.
Si Joaquin Costa ay isinilang noong Marso 8, 1965, kina Eduardo J. Costa at Graciela M. Fassi. Noong nag-aaral siya sa unibersidad sa Buenos Aires, Argentina, ipinakilala siya ng isang kaibigan, si Alin Spannaus, na ngayo’y isa nang Area Seventy, kay Renee Varela. Nag-atubili si Renee, na pangalawang-henerasyong Banal sa mga Huling Araw, bago siya pumayag na makipagdeyt sa 21-taong-gulang na binata, na hindi miyembro ng Simbahan. Pagkaraan ng tatlong deyt nagpasiya siya na “gustung-gusto niya ito” at nadama niya na hindi na sila dapat magdeyt. Sa pagtatapos ng klase, nagbalik siya sa kanyang lupang tinubuan, sa Entre Rios, Argentina.
Tinanggap ni Renee ang tawag na maglingkod sa Chile Osorno Mission. Nang makauwi na siya, gumawa ng paraan si Brother Spannaus para makadalo siya at si Joaquin sa iisang party, kung saan hiniling ni Joaquin na magdeyt sila. “Nagdasal ako at nagpasiyang bigyan siya ng pagkakataon,” sabi ni Sister Costa.
Hindi nagtagal, inaalam na ni Joaquin ang tungkol sa Simbahan. Habang nagpapaturo sa mga missionary, hiniling ni Renee na manalangin siya at basahin ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas.
“Tumanggap na siya ng malakas na patotoo bago pa niya natapos itong basahin,” sabi ni Sister Costa. “Hindi siya nagpabinyag para lamang masiyahan ako. Isang taon pa kaming nagdeyt at saka kami nagpakasal sa Buenos Aires Argentina Temple noong 1989.”
Nagtamo si Elder Costa ng bachelor’s degree sa economics noong 1987 mula sa University of Buenos Aires. Pagkatapos ng kasal lumipat sila sa Provo, Utah, USA, kung saan tumanggap siya ng master of business administration degree noong 1994 mula sa Brigham Young University. Tumira sila at ang kanilang lumalaking pamilya, na kinabibilangan ng apat na anak, sa Chicago, Illinois, USA, nang magtrabaho siya sa isang multinational investment banking at financial services corporation. Dahil sa trabaho niya sa bangko nakabalik ang kanyang pamilya sa Argentina nang ilang taon at pagkatapos ay napunta sila sa Czech Republic at sa Sultanate of Oman. Sa nagdaang dalawang taon, nanirahan na sila ng kanyang pamilya sa Lima, Peru, kung saan siya nagtatrabaho sa isang Danish investment firm na nakatuon sa microfinance.