Elder Peter F.Meurs
General Authority Seventy
Noong bata pa siya, nakatira si Peter Meurs at ang kanyang pamilya sa tabi ng isang kapitbahay na mayroong “fix anything” shop para sa mga gamit sa pagsasaka. Gumugol ng maraming panahon si Peter at ang kanyang matalik na kaibigan sa shop sa pagkutinting sa mga gamit sa pagsasaka at pagbuo ng mga minibike at go-kart. Kalaunan ay nag-aral si Peter ng mechanical engineering sa Monash University sa Melbourne, Australia.
Habang tinatapos ang kanyang pag-aaral sa edad na 18, ipinaalam niya sa unibersidad na kailangan niyang huminto nang dalawang taon upang magmisyon para sa Simbahan. Sinabihan siya na isang taon lang siya puwedeng lumiban; kapag huminto siya nang mas matagal, tatanggalin na siya sa programa. Nagpasiya siyang huwag maglingkod.
Hindi nagtagal pagkaraan niyon, gayunman, narinig niyang ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa pangkalahatang kumperensya na bawat karapat-dapat na binata ay dapat maglingkod sa misyon (tingnan sa “Planning for a Full and Abundant Life,” Ensign, Mayo 1974, 87).
“Parang ako ang kausap niya. Tinablan ako noon,” paggunita ni Elder Meurs. Nagpasiya na rin siyang maglingkod. Isang linggo bago siya umalis, tumanggap siya ng liham mula sa unibersidad na pinapayagan siyang huminto nang dalawang taon.
Nag-aral ulit si Peter pagkatapos ng kanyang misyon, ngunit ang kanyang paglilingkod bilang missionary, ayon sa kanya, “ang pinakamainam kong pag-aaral.” Itinuro sa kanya ng ebanghelyo na ang “pagtulong sa mga tao na magtagumpay ang pinakamahalagang alituntunin sa pamumuno.”
Nang makatapos sa kanyang bachelor’s degree sa mechanical engineering, nagtrabaho si Elder Meurs bilang project engineer para sa Esso Australia at naging founding partner ng WorleyParsons Limited. Kamakailan ay naglingkod siya bilang director of development para sa Fortescue Metals Group.
Kasunod ng kanyang misyon, pinakasalan niya ang isang babae na tinatawag niyang matalik na kaibigan, si Maxine Evelyn Thatcher, noong Enero 2, 1979, sa Hamilton New Zealand Temple. Sila ay may apat na anak at siyam na apo.
Si Elder Meurs—na isinilang noong Disyembre 21, 1956, sa Warrnambool, Victoria, Australia, kina Frederik at Lois Jones Meurs—ay nakapaglingkod na sa maraming tungkulin, kabilang na ang elders quorum president, ward organist, ward at stake Young Men president, public affairs director, branch at district president, bishop, stake president, at Area Seventy.