2016
Ang Espiritu Santo
Mayo 2016


Ang Espiritu Santo

Ipinahahayag ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit para sa kaloob na Espiritu Santo, at sa pamamagitan nito ay inihahayag Niya ang Kanyang kalooban at tinutulungan tayo.

Mahal kong mga kapatid, magsasalita ako ngayon bilang isang lingkod ng Panginoon at gayundin bilang isang lolo-sa-tuhod. Sa inyo at sa aking pinakamamahal na mga inapo, magtuturo at magpapatotoo ako tungkol sa kahanga-hangang kaloob na Espiritu Santo.

Magsisimula ako sa pagkilala sa Liwanag ni Cristo, na ibinibigay sa “bawat [lalaki at babae] na dumarating sa daigdig.”1 Lahat tayo ay nakikinabang sa banal na liwanag na ito. Ito ay “[napapasalahat] at sumasalahat ng bagay,”2 at tinutulutan tayong matukoy ang tama at mali.3

Ngunit ang Espiritu Santo ay naiiba sa Liwanag ni Cristo. Siya ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, isang personaheng espiritu na may mga sagradong responsibilidad, at kaisa sa layunin ng Ama at ng Anak.4

Bilang mga miyembro ng Simbahan, maaari nating patuloy na maranasan ang patnubay ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng ipinanumbalik na priesthood ng Diyos, tayo ay nabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan at pagkatapos ay nakumpirmang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa ordenansang ito, ibinigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.5 Pagkatapos niyon, matatanggap at mapapanatili natin ang patnubay ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng patuloy na pag-alaala sa Tagapagligtas, pagsunod sa Kanyang mga kautusan, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at marapat na pakikibahagi ng sakramento sa araw ng Sabbath.

Ang Espiritu Santo ay nagbibigay ng personal na paghahayag na tutulong sa atin sa paggawa ng malalaking desisyon tungkol sa mga bagay na tulad ng pag-aaral, misyon, propesyon, pag-aasawa, mga anak, kung saan tayo titira ng ating pamilya, at iba pa. Sa mga bagay na ito, inaasahan ng Ama sa Langit na gagamitin natin ang ating kalayaan, pag-aaralan ang sitwasyon sa ating isipan ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at ipagdarasal ang desisyong iyan sa Kanya.

Mahalaga ang personal na paghahayag, ngunit isang bahagi lamang ito ng gawain ng Espiritu Santo. Tulad ng pinatotohanan sa mga banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin tungkol sa Tagapagligtas at sa Diyos Ama.6 Itinuturo Niya sa atin ang “mga mapayapang bagay ng kaharian”7 at “[pinupuspos tayo] ng pagasa.”8 “[Inaakay Niya tayo] sa paggawa ng mabuti … [at paghatol] nang matwid.”9 Siya ay nagbibigay “sa bawat [lalaki at babae] … [ng espirituwal na] kaloob … upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan.”10 Siya ay “nagbibigay ng kaalaman [sa atin]”11 at “magpapaalaala [sa atin] ng lahat.”12 Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tayo “ay pa[ba]banalin”13 at tatanggap ng “kapatawaran ng [ating] mga kasalanan.”14 Siya ang “Mang-aaliw,” na siya ring “ipinangako sa mga disipulo [ng Tagapagligtas].”15

Ipinapaalala ko sa ating lahat na hindi ibinigay ang Espiritu Santo upang pigilin tayo. Ang ilan sa atin ay naghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo nang hindi tama sa bawat maliit na desisyon sa ating buhay. Nawawalan tuloy ng halaga ang Kanyang sagradong tungkulin. Iginagalang ng Espiritu Santo ang alituntunin ng kalayaan. Nangungusap Siya nang marahan sa ating puso’t isipan tungkol sa maraming mahahalagang bagay.16

Bawat isa sa atin ay maaaring iba ang pagdama sa impluwensya ng Espiritu Santo. Ang Kanyang mga pahiwatig ay madarama sa iba’t ibang antas ng katindihan ayon sa ating mga personal na pangangailangan at sitwasyon.

Sa mga huling araw na ito, pinagtitibay namin na tanging ang propeta ang maaaring tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo para sa buong Simbahan. Nalilimutan ito ng ilan, tulad nina Aaron at Miriam nang pilitin nila si Moises na sumang-ayon sa kanila. Ngunit nagturo ang Panginoon sa kanila at sa atin. Sabi Niya:

“Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya. …

“Sa kaniya’y makikipagusap ako ng bibig, sa bibig.”17

Kung minsan tinutukso tayo ng kaaway sa mga maling ideya na maaari nating mapagkamalang nagmumula sa Espiritu Santo. Pinatototohanan ko na ang katapatan sa pagsunod sa mga kautusan at pagtupad ng ating mga tipan ay poprotekta sa atin mula sa panlilinlang. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mahihiwatigan natin ang mga bulaang propetang iyon na itinuturo bilang doktrina ang mga utos ng tao.18

Kapag tumanggap tayo ng inspirasyon ng Espiritu Santo para sa ating sarili, makabubuting tandaan na hindi tayo maaaring tumanggap ng paghahayag para sa iba. May kilala akong binata na nagsabi sa isang dalaga, “napanaginipan ko na ikaw ang mapapangasawa ko.” Pinag-isipan ng dalaga ang pahayag na iyon at saka isinagot na, “Kapag napanaginipan ko rin iyon, pupuntahan kita at kakausapin.”

Lahat tayo ay maaaring matuksong panaigin ang ating sariling mga kagustuhan kaysa patnubay ng Espiritu Santo. Nagsumamo si Propetang Joseph Smith sa Ama sa Langit na payagan siyang ipahiram ang unang 116 na pahina ng Aklat ni Mormon kay Martin Harris. Akala ni Joseph ay mabuting ideya iyon. Noong una hindi iyon pinagtibay sa kanya ng Espiritu Santo. Kalaunan, pinayagan din ng Panginoon si Joseph na ipahiram ang mga pahina. Naiwala ni Martin Harris ang mga ito. May isang panahon na binawi ng Panginoon sa Propeta ang kaloob na magsalin, at natuto ng masakit ngunit mahalagang aral si Joseph na nakaimpluwensya sa nalalabi niyang paglilingkod.

Ang Espiritu Santo ay mahalaga sa Panunumbalik. Tungkol sa pagbabasa niya ng Santiago 1:5 noong bata pa siya, ikinuwento ni Propetang Joseph, “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito.”19 Ang kapangyarihang inilarawan ni Joseph Smith ay ang impluwensya ng Espiritu Santo. Dahil dito, nagtungo si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at lumuhod upang humiling sa Diyos. Ang Unang Pangitaing sumunod ay tunay na napakadakila at kahanga-hanga. Ngunit ang pagpapakitang iyon ng Ama at ng Anak ay nagsimula sa panghihikayat ng Espiritu Santo na manalangin.

Dumating ang inihayag na mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng huwaran ng pagtatanong sa panalangin at pagtanggap at pagsunod pagkatapos sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Pag-isipan ang mga halimbawang ito: ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng priesthood at mga ordenansa nito, simula sa binyag; at ang pag-organisa ng Simbahan—at marami pang iba. Pinatototohanan ko na sa panahong ito, ang paghahayag ng Panginoon sa Unang Panguluhan at Labindalawa ay dumarating ayon sa sagradong pamamaraang ito. Ito rin ang sagradong huwarang nagtutulot sa personal na paghahayag.

Pinupuri namin ang lahat ng sumunod sa Espiritu Santo na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo, simula sa sariling mga kapamilya ni Joseph Smith. Nang ikuwento ng batang si Joseph sa kanyang ama ang pagbisita ni Moroni, nakatanggap ng patotoo ang kanyang ama para sa kanyang sarili. Hindi na pinagawa si Joseph sa kanyang mga responsibilidad sa bukid at hinikayat siyang sundin ang tagubilin ng anghel.

Bilang mga magulang at lider, gayahin natin ito. Hikayatin natin ang ating mga anak at ang iba na sundin ang patnubay ng Espiritu Santo. Sa paggawa nito, sundin natin ang halimbawa ng Espiritu Santo, mamuno tayo nang may kahinahunan, kaamuan, kabaitan, mahabang pagtitiis, at hindi pakunwaring pag-ibig.20

Ang Espiritu Santo ay isang daluyan ng komunikasyon para sa gawain ng Diyos sa mga pamilya at sa buong Simbahan. Sa pagkaunawang iyon, maaari ko bang ibahagi ang ilang personal kong halimbawa tungkol sa Espiritu Santo sa sarili kong buhay at paglilingkod sa Simbahan? Iniaalay ko ang mga ito bilang personal na patotoo na pinagpapala tayong lahat ng Espiritu Santo.

Maraming taon na ang nakalilipas, nagplano kami ni Sister Hales na anyayahan sa isang espesyal na hapunan ang ilan sa mga kasamahan ko sa trabaho sa aming tahanan. Pag-uwi ko mula sa opisina, nakadama ako ng impresyon na dumaan sa bahay ng isang balo na hino-home teach ko. Nang kumatok ako sa pintuan ng sister na iyon, sabi niya, “Matagal ko nang ipinagdarasal na dumating ka.” Saan nanggaling ang impresyong iyon? Sa Espiritu Santo.

Minsan, matapos magkasakit nang malubha, nangulo ako sa isang stake conference. Para hindi ako gaanong mapagod, ipinlano kong umalis kaagad sa chapel pagkatapos ng priesthood leadership session. Gayunman, pagkatapos ng pangwakas na panalangin, sinabi sa akin ng Espiritu Santo, “Saan ka pupunta?” Nagkainspirasyon akong kamayan ang lahat habang palabas sila ng silid. Nang lumapit ang isang binatang elder, nahikayat akong bigyan siya ng isang espesyal na mensahe. Nakatungo siya, at hinintay kong tumingin siya sa mga mata ko, at nasabi ko, “Magdasal ka sa Ama sa Langit, makinig ka sa Espiritu Santo, sundin mo ang mga pahiwatig sa iyo, at magiging maayos ang lahat sa buhay mo.” Kalaunan sinabi sa akin ng stake president na kapapauwi lang nang mas maaga sa binata mula sa kanyang misyon. Nangako ang stake president sa ama ng binata, na sumusunod sa malinaw na impresyon, na kung isasama niya ang kanyang anak sa priesthood meeting, kakausapin siya ni Elder Hales. Bakit ako huminto para kamayan silang lahat? Bakit ako huminto para kamayan ang espesyal na binatang ito? Ano ang pinagmulan ng payo ko? Simple lang: ang Espiritu Santo.

Sa mga unang araw ng 2005, ginabayan akong maghanda ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperansya tungkol sa mga senior missionary couple. Kasunod ng kumperensya, ikinuwento ng isang miyembrong lalaki: “Habang nakikinig kami sa kumperensya, … agad inantig ng Espiritu ng Panginoon ang aking kaluluwa. … Walang duda na ang mensahe ay para sa amin ng aking asawa. Magmimisyon kami, at ngayon na. Nang … tumingin ako sa asawa ko, natanto ko na natanggap din niya ang mga pahiwatig na iyon mula sa Espiritu.”21 Ano ang naghatid ng matindi at sabay na pagtugong ito? Ang Espiritu Santo.

Sa sarili kong mga inapo at sa lahat ng nakakarinig sa akin, ibinibigay ko ang aking patotoo tungkol sa personal na paghahayag at patuloy na pagdaloy ng araw-araw na patnubay, babala, panghihikayat, lakas, espirituwal na paglilinis, kapanatagan, at kapayapaan na dumating sa aming pamilya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nararanasan namin ang “nag-uumapaw niyang magiliw na awa”22 at mga himalang hindi tumitigil.23

Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na ang Tagapagligtas ay buhay. Ipinapahayag ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit para sa kaloob na Espiritu Santo, at sa pamamagitan nito ay inihahayag Niya ang Kanyang kalooban at tinutulungan tayo sa ating buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.