Mga Family Council
Kapag handa ang mga magulang at nakikinig at nakikibahagi ang mga anak sa talakayan, talagang gumagana ang family council!
Mga kapatid, nakapagtataka ngunit totoo na nagiging mahusay tayo bilang mga magulang kapag malalaki na ang ating mga anak. Ikukuwento ko sa inyo ngayong hapon ang isang bagay na sana’y mas naunawaan ko noong simulan namin ni Barbara na palakihin ang mahal naming mga anak.
Nang maglingkod ako bilang Apostol, madalas kong bigyang-diin ang kapangyarihan at kahalagahan ng mga council sa Simbahan, pati ang mga mission, stake, ward, at auxiliary council.
Naniniwala ako na pagpupulong sa mga council ang pinakamabisang paraan para makakuha ng mga tunay na resulta. Bukod pa riyan, alam ko na mga council ang paraan ng Panginoon at na nilikha Niya ang lahat ng bagay sa sansinukob sa pamamagitan ng isang council sa langit, tulad ng binanggit sa banal na kasulatan.1
Gayunman, hanggang ngayo’y hindi pa ako nakapagsalita sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pangunahin at napakahalaga—at marahil ay pinakamahalaga—sa lahat ng council: ang family council.
Noon pa man ay kailangan na ang mga family council. Katunayan, walang hanggang alituntunin ito. Kabilang tayo sa isang family council bago tayo isinilang, noong nabuhay tayo sa piling ng ating mga magulang sa langit bilang kanilang mga espiritung anak.
Ang family council, kapag idinaos nang may pagmamahal at mga pag-uugaling katulad ng kay Cristo, ay malalabanan ang epekto ng modernong teknolohiya na madalas gumambala sa atin mula sa makabuluhang paggugol ng oras sa isa’t isa at nagpapasok din ng kasamaan sa mismong tahanan natin.
Tandaan lamang ninyo na ang mga family council ay iba kaysa family home evening na idinaraos tuwing Lunes. Ang mga home evening ay nakatuon sa pagtuturo ng ebanghelyo at mga aktibidad ng pamilya. Ang mga family council naman, sa kabilang dako, ay maaaring idaos anumang araw ng linggo, at ito una sa lahat ay isang pulong kung saan nakikinig ang mga magulang—sa isa’t isa at sa kanilang mga anak.
Naniniwala ako na may di-kukulangin sa apat na uri ng family council:
Una, isang general family council na binubuo ng buong pamilya.
Ikalawa, isang executive family council na binubuo ng ina at ama.
Ikatlo, isang limited family council na binubuo ng mga magulang at isang anak.
Ikaapat, isang one-on-one family council na binubuo ng isang magulang at isang anak.
Sa lahat ng family council setting na ito, kailangang patayin ang mga electronic device para lahat ay makatingin at makinig sa isa’t isa. Sa oras ng family council at sa iba pang angkop na oras, maaari kayong maglagay ng basket para sa mga electronic device para kapag nagtipon ang pamilya, maaaring ilagak ng lahat—pati na sina Inay at Itay—ang kanilang cellphone, tablet, at MP3 player sa basket. Pagkatapos niyon, maaari silang mag-usap-usap nang hindi natutuksong tumugon sa isang mensahe sa Facebook, text, Instagram, Snapchat, at mga email alert.
Ibabahagi ko sa inyo sandali kung paano gagana ang bawat isa sa mga uring ito ng family council.
Una, ang full family council ay kinabibilangan ng lahat ng miyembro ng pamilya.
Sinasabi sa polyeto ng Simbahan na pinamagatang Ang Aming Pamilya na, “Ang council na ito ay maaaring magpulong upang pag-usapan ang mga problema ng pamilya, ayusin ang pananalapi, magplano, suportahan at palakasin ang isa’t isa, at ipagdasal ang isa’t isa at ang buong pamilya.”2
Ang council na ito ay dapat magpulong sa nakaplanong oras at karaniwan ay mas pormal kaysa sa iba pang uri ng family council.
Dapat itong magsimula sa panalangin, o maaari itong maging natural na karugtong ng mga pag-uusap na nagsimula na sa ibang setting. Tandaan lamang na ang family council ay maaaring hindi laging simulan o wakasan nang pormal.
Kapag handa ang mga magulang at nakikinig at nakikibahagi ang mga anak sa talakayan, talagang gumagana ang family council!
Anuman ang sitwasyon ng ating pamilya, mahalagang maunawaan natin ang kakaibang kalagayan ng bawat miyembro ng pamilya. Kahit magkakadugo tayo, maaaring may mga sitwasyon at kalagayan sa atin na lubhang kakaiba sa isa’t isa at kailangang pagtulungang lutasin nang may habag sa family council.
Halimbawa, maaaring hindi malutas ng lahat ng usapan at kuwentuhan at pagmamahalan sa mundo ang isang karamdaman o emosyonal na pagsubok na dinaranas ng isa o mas marami pang miyembro ng pamilya. Sa gayong mga pagkakataon, ang family council ay nagiging isang lugar ng pagkakaisa, katapatan, at pagmamahalan habang humihingi ng tulong sa iba ang pamilya.
Ang magkakapatid, lalo na ang mga nakatatanda, ay maaaring maging mabibisang tagapagturo sa maliliit na bata kung gagamitin ng mga magulang ang family council sa paghahanap ng tulong at suporta sa oras ng paghihirap at problema.
Sa ganitong paraan, ang pamilya ay parang isang ward. Kapag isinali ng bishop ang mga miyembro ng ward council, malulutas niya ang mga problema at malaking kabutihan ang magagawa niya sa mga paraan na hinding-hindi niya magagawa nang walang tulong nila. Sa gayon ding paraan, kailangang isali ng mga magulang ang lahat ng miyembro ng pamilya sa paglutas sa mga hamon at paghihirap. Sa gayong paraan, napapagana ang kapangyarihan ng family council. Kapag nadama ng mga miyembro ng council na kasama sila sa pagdedesisyon, nagiging mga tagasuporta sila at magkakaroon ng mga positibong resulta.
Hindi lahat ng family council ay binubuo ng dalawang magulang at mga anak. Ang inyong family council ay maaaring lubhang maiba kaysa aming family council noong pinalalaki namin ang aming pitong anak. Ngayon kami lang ni Barbara ang bumubuo ng aming family council, maliban kung magdaos kami ng extended family council na kasama ang aming mga anak na nasa hustong gulang, kani-kanilang asawa, at kung minsa’y ang aming mga apo at apo-sa-tuhod.
Ang mga wala pang asawa at kahit ang mga estudyanteng malayo sa bahay ang tirahan ay magagawa pa rin ang council na ito na itinakda ng langit sa pakikipagtipon sa mga kaibigan at kasama sa tirahan upang magsanggunian.
Isipin kung paano magbabago ang kapaligiran sa isang apartment kung ang magkakasamang nakatira doon ay palaging magtitipon para sama-samang magdasal, makinig, mag-usap-usap, at magplano.
Maiaangkop ng lahat ang family council para mapakinabangan ang banal na huwarang ito na itinakda ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Tulad ng sinabi ko, paminsan-minsan ay maaaring makatulong ang expanded family council. Ang expanded family council ay maaaring buuin ng mga lolo’t lola at mga anak na nasa hustong gulang na hindi nakatira sa bahay ng mga magulang. Kahit nakatira sa malayo ang mga lolo’t lola o mga anak na nasa hustong gulang, maaari silang makibahagi sa mga family council gamit ang telepono, Skype, o FaceTime.
Maaari kayong magdaos ng general family council sa araw ng Linggo, na siyang unang araw ng linggo; maaaring suriin ng mga pamilya ang nakaraang linggo at magplano para sa darating na linggo. Maaaring ito mismo ang kailangan ng inyong pamilya para maging masayang karanasan ang araw ng Sabbath.
Ang ikalawang uri ng family council ay ang executive family council na mga magulang lang ang kasali. Sa oras na ito na magkasama sila, maaaring suriin ng mga magulang ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan at pag-unlad ng bawat anak nila.
Magandang oras din ang executive family council para pag-usapan ng mga mag-asawa ang kanilang personal na relasyon sa isa’t isa. Nang ibuklod kami ni Elder Harold B. Lee, tinuruan niya kami ng isang alituntunin na palagay ko ay makakatulong sa lahat ng mag-asawa. Sinabi niya, “Huwag matulog nang hindi kayo magkasamang lumuluhod, na magkahawak-kamay, at nagdarasal. Ang gayong mga panalangin ay nag-aanyaya sa Ama sa Langit na payuhan tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu.”
Ang ikatlong uri ng family council ay ang limited family council. Dito, kapwa gumugugol ng oras ang mag-asawa sa bawat anak sa pormal o di-pormal na paraan. Isang pagkakataon ito para matalakay ang maagang pagdedesisyon tungkol sa mga bagay na kanilang gagawin o hindi gagawin sa hinaharap. Kapag ginawa ang mga desisyong iyon, maaari nilang isulat ang mga ito para maging reperensya sa hinaharap kung kailangan. Kung nakikita ng inyong anak na matibay ang suporta ninyo sa kanya, ang council meeting na ito ay maaaring magtakda ng mga mithiin at layunin para sa hinaharap. Oras din ito para pakinggang mabuti ang mabibigat na problema at hamon na maaaring nakaharap ng isang anak tulad ng kawalan ng tiwala sa sarili, pang-aabuso, pang-aapi, o takot.
Ang ikaapat na uri ng family council ay ang one-on-one family council ng isang magulang at isang anak. Ang uring ito ng family council ay karaniwang basta na lang nangyayari. Halimbawa, maaaring samantalahin ng magulang at anak ang di-pormal na mga pagkakataon habang nakasakay sila sa kotse o gumagawa sa bahay. Ang paglabas na kasama ng ama o ina ang isang anak ay maaaring maglaan ng espesyal na espirituwal at emosyonal na sandali para magkasama. Maaga itong markahan sa kalendaryo para maabangan at asamin ng mga anak ang espesyal na sandaling makakasama si Inay o Itay.
Ngayon, mga kapatid, noong araw nasa loob ng ating tahanan ang lahat ng depensang kailangan natin laban sa mga panghihimasok at impluwensya sa labas. Nagkandado tayo ng mga pintuan, nagsara ng mga bintana; nagpinid tayo ng mga tarangkahan; at nadama nating ligtas, may katiwasayan, at protektado na tayo sa sarili nating munting kanlungan mula sa mundo sa labas.
Lipas na ang panahong iyon. Ang pisikal na mga pader, pintuan, bakod, at tarangkahan ng ating tahanan ay hindi kayang pigilan ang di-nakikitang pagpasok ng Internet, Wi-Fi, mga mobile phone, at network. Mapapasok ng mga ito ang ating tahanan sa pag-klik at pag-type lamang sa computer.
Mabuti na lang, naglaan ng paraan ang Panginoon para malabanan ang pagpasok ng negatibong teknolohiya na maaaring gumambala sa atin mula sa makabuluhang paggugol ng oras sa isa’t isa. Nagawa Niya ito nang ilaan Niya ang sistema ng mga council para palakasin, protektahan, iligtas, at pangalagaan ang ating pinakamahahalagang relasyon.
Kailangang-kailangan ng mga anak ang mga magulang na handang makinig sa kanila, at ang family council ang oras upang matuto ang mga miyembro ng pamilya na unawain at mahalin ang isa’t isa.
Itinuro ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan.”3 Ang pag-anyaya sa Panginoon sa panalangin na maging bahagi ng ating family council ay magpapaigi sa ating relasyon sa isa’t isa. Kaya natin, sa tulong ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas, na maging mas mapagpasensya, maalalahanin, matulungin, mapagpatawad, at maunawain kapag humingi tayo ng tulong sa panalangin. Sa tulong Nila, magagawa nating munting langit sa lupa ang ating tahanan.
Ang family council na kahalintulad ng mga council sa langit, na puspos ng pagmamahal ni Cristo, at ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon ay tutulungan tayong protektahan ang ating pamilya mula sa mga panggagambalang sasayang sa mahalagang oras na magkakasama tayo at poprotektahan tayo mula sa mga kasamaan ng mundo.
Kapag sinamahan ng panalangin, dadalo sa family council ang Tagapagligtas, tulad ng ipinangako Niya: “Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”4 Ang pag-anyaya sa Espiritu ng Panginoon na maging bahagi ng inyong mga family council ay nagdudulot ng mga pagpapalang hindi kayang ilarawan.
Sa huli, tandaan lamang na ang family council na palagiang idinaraos ay tutulungan tayong mapansin nang maaga ang mga problema ng pamilya at malutas ang mga ito bago pa ito lumala; madarama ng bawat miyembro ng pamilya na sila ay may kahalagahan at mahalaga; at higit sa lahat matutulungan tayo nito na maging mas matagumpay at masaya sa ating mahahalagang relasyon, sa loob ng ating tahanan. Nawa’y pagpalain ng Ama sa Langit ang ating pamilya kapag nagsanggunian tayo, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.