Elder K. Brett Nattress
General Authority Seventy
Inilarawan ni Elder K. Brett Nattress at ng kanyang asawang si Shauna Lee Adamson Nattress ang kanilang sarili bilang “di-perpektong mga tao na naghahanap ng mga perpektong sandali.”
Natagpuan nila ang gayong mga sandali ng buhay nila—lahat ay may kaugnayan sa Tagapagligtas at sa Pagbabayad-sala, sabi ni Elder Nattress.
Sinasabi ni Elder Nattress na isinilang siya sa butihing mga magulang, sina David at Judy Sorensen Nattress, at naaalala niya na binabasahan ng kanyang ina ng Aklat ni Mormon ang kanilang pamilya araw-araw.
Minsa’y nasa bahay siya noong bakasyon na sa kolehiyo. Nakatuon siya sa parating na finals at masama ang pakiramdam niya, bagama’t walang masakit sa kanyang katawan.
“Kung wala kang sakit at masama ang pakiramdam mo,” sabi sa kanya ng kanyang ina, “kailangan mong maglingkod sa isang tao.”
Inilagay ni Brett ang pampala ng snow sa likod ng pickup ng pamilya at naglibot para palahin ang mga driveway ng mga balo sa ward. Bumuti ang pakiramdam niya.
“Masyado akong nakatuon sa sarili ko at sa finals, kaya nalimutan ko na ang tunay na layunin ng buhay ay maglingkod sa iba,” sabi niya.
Si Elder Nattress ay isinilang noong Marso 4, 1965, sa Pocatello, Idaho, USA. Lumipat ang pamilya sa Lehi, Utah, USA, kung saan naranasan niya at ng kanyang limang kapatid ang buhay sa maliit na bukirin ng pamilya.
Nakilala niya ang kanyang mapapangasawa noong pareho silang nasa senior high school sa magkalapit na eskuwela. Nang makauwi na siya mula sa paglilingkod sa California Sacramento Mission mula 1984 hanggang 1986, ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Abril 24, 1987. Sila ay may pitong anak.
Nag-aral siya sa Brigham Young University sa Provo, Utah, at nagtapos sa University of Utah noong 1990 na may degree sa physical therapy. Kasama ang kapatid niyang si David, itinatag nila ang Advanced Health Care Corp. noong 2000.
Si Elder Nattress ay nakapaglingkod na sa maraming katungkulan sa Simbahan, pati na bilang ward Young Men president, bishop, stake Young Men president, stake president, at Area Seventy. Noong tawagin siya, siya ang namumuno sa kabubukas na Arizona Gilbert Mission.