2016
Ano ang Gagawin Natin?
Mayo 2016


Ano ang Gagawin Natin?

Itinatayo natin ang kaharian kapag pinangangalagaan natin ang iba. Itinatayo rin natin ang kaharian kapag nagsasalita tayo at pinatototohanan ang katotohanan.

Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli at Pag-akyat ni Jesus sa Langit, agad itinuro ni Apostol Pedro, “Pakatalastasin nga ng [lahat] … na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.” Nasaktan ang puso ng mga nakikinig at tinanong nila si Pedro at ang iba, “Mga kapatid, anong gagawin namin?”1 At pagkatapos ay sinunod nila ang mga turo ni Pedro nang may kagalakan.

Bukas ay Linggo ng Pagkabuhay, at sana’y nasaktan din ang ating puso upang tayo ay magpasalamat sa Tagapagligtas, magsisi, at sumunod nang may kagalakan.

Sa pangkalahatang kumperensyang ito maririnig natin ang inspiradong tagubiling ibibigay ng mga pinuno ng Simbahan, kapwa lalaki at babae. Batid na maaantig ang ating puso sa kanilang sasabihin, tatanungin ko kayo ngayong gabi, “Mga kapatid, ano ang gagawin natin?”

Ipinahayag ng Relief Society general president na si Eliza R. Snow sa kababaihan halos 150 taon na ang nakalilipas, “Nag-atang ng mabibigat na responsibilidad ang Panginoon sa atin.”2 Pinatototohanan ko na totoo pa rin ang kanyang pahayag sa panahong ito.

Kailangan ng Simbahan ng Panginoon ang mga babaeng may patnubay ng Espiritu na ginagamit ang kanilang kakaibang mga kaloob para mangalaga, magsalita, at ipagtanggol ang katotohanan ng ebanghelyo. Ang ating inspirasyon at mabilis na pag-unawa ay mahahalagang bahagi ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos, na ang talagang ibig sabihin ay gawin ang ating tungkulin sa pagdadala ng kaligtasan sa mga anak ng Diyos.

Pagtatayo ng Kaharian sa pamamagitan ng Pangangalaga

Itinatayo natin ang kaharian kapag pinangangalagaan natin ang iba. Gayunman, ang unang anak ng Diyos na kailangan nating patatagin sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay ang ating sarili. Sinabi ni Emma Smith, “Nais kong mapasaakin ang Espiritu ng Diyos upang malaman at maunawaan ang aking sarili, upang madaig ko ang anumang tradisyon o pag-uugali na hindi makatutulong sa aking kadakilaan.”3 Kailangang magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sumulong, na pinalalakas ng mga tipan sa templo, tungo sa kadakilaan.

Paano kung ang ilan sa ating mga tradisyon ay walang puwang sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo? Ang pagtalikod sa mga ito ay maaaring mangailangan ng pagdamay at pangangalaga ng iba, tulad ng nangyari sa akin.

Noong isilang ako, nagtanim ng punong magnolia ang mga magulang ko para may mga magnolia sa kasal ko, na gaganapin sa simbahang Protestante ng mga ninuno ko. Ngunit sa araw ng kasal ko, hindi ko kasama ang mga magulang ko at walang mga magnolia, dahil noong isang taon na akong miyembro ng Simbahan, nagpunta ako sa Salt Lake City, Utah, upang tanggapin ang temple endowment ko at mabuklod kay David, na nobyo ko.

Nang lisanin ko ang Louisiana at malapit na ako sa Utah, pakiramdam ko ay wala akong pamilya. Bago ang kasal, makikitira ako sa step-grandmother ni David, na magiliw nilang tinatawag na Aunt Carol.

Heto ako, isang estranghero sa Utah, na makikitira sa bahay ng isang estranghero bago mabuklod—para sa kawalang-hanggan—sa isang pamilyang halos hindi ko kilala. (Mabuti na lang at mahal ko at pinagkakatiwalaan ko ang mapapangasawa ko at ang Panginoon!)

Habang nakatayo ako sa pintuan sa harapan ng bahay ni Aunt Carol, gusto kong manliit. Bumukas ang pinto—nakatayo ako roon na parang takot na kuneho—at walang imik na sinalubong ako at niyakap ni Aunt Carol. Alam niya, siya na walang sariling mga anak—alam ng kanyang mapag-arugang puso—na kailangan ko ng matitirhan. Napakasaya at napakatamis ng sandaling iyon! Nawala ang takot ko, at nadama ko na napunta ako sa isang espirituwal at ligtas na lugar.

Ang pag-ibig ay lumilikha ng puwang sa buhay ninyo para sa iba, tulad ng ginawa ni Aunt Carol sa akin.

Ang mga ina ay talagang may puwang sa kanilang katawan upang pangalagaan ang isang sanggol sa kanilang sinapupunan—at sana may puwang din ng pagmamahal sa kanilang puso habang sila ay pinalalaki—ngunit ang pag-aaruga ay hindi lamang natatapos sa pagdadalantao. Tinawag na “ina” si Eva bago pa siya nagkaanak.4 At naniniwala ako na ang ibig sabihin ng “maging ina” ay “magbigay-buhay.” Isipin ang maraming paraan na kayo ay nagbibigay-buhay. Maaaring ang ibig sabihin niyan ay nagbibigay kayo ng lakas ng loob sa taong nawalan ng pag-asa o espirituwal na buhay sa taong walang pananalig. Sa tulong ng Espiritu Santo, pinapanatag natin ang mga damdaming nasaktan, ang naapi, tinanggihan, at estranghero. Sa magigiliw ngunit mabibisang paraang ito, itinatayo natin ang kaharian ng Diyos. Mga kapatid, lahat tayo ay naparito sa lupa na pinagkalooban ng damdaming-ina, nagbibigay-buhay at nangangalaga, dahil iyan ang plano ng Diyos.

Sa pagsunod sa Kanyang plano at pagiging tagapagtayo ng kaharian, kailangan ang di-makasariling sakripisyo. Isinulat ni Elder Orson F. Whitney: “Lahat ng pagdurusa at lahat ng tinitiis natin, lalo na kapag matiyaga natin itong tiniis, … ay nagpapadalisay ng ating puso … at ginagawa tayong mas magiliw at mapagbigay, … at sa pamamagitan ng … hirap at pighati, natututo tayo … at magiging mas katulad tayo ng ating Ama at Ina sa langit.”5 Ang nagpapadalisay na mga pagsubok na ito ay naglalapit sa atin kay Cristo, na mapapagaling tayo at magagawa tayong kapaki-pakinabang sa gawain ng kaligtasan.

Pagtatayo ng Kaharian sa Pamamagitan ng Pagsasalita at Pagpapatotoo

Itinatayo rin natin ang kaharian kapag nagsasalita tayo at pinatototohanan natin ang katotohanan. Sinusunod natin ang huwaran ng Panginoon. Nagtuturo at nagsasalita Siya nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Mga kapatid, magagawa rin natin iyan. Karaniwa’y mahilig magsalita at magtipun-tipon ang kababaihan! Kapag tayo ay gumagawa sa patnubay ng priesthood, ang ating pagsasalita at pagtitipon ay nagiging pagtuturo ng ebanghelyo at pamumuno.

Itinuro ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society general president: “Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos [ayon] sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito. … Kailangan dito ang sadyang pagsisikap.”6

Hihikayatin tayo ng personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo na matuto, magsalita, at kumilos ayon sa walang-hanggang katotohanan—ang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas. Kapag mas sinunod natin si Cristo, mas madarama natin ang Kanyang pagmamahal at patnubay; kapag mas nadama natin ang Kanyang pagmamahal at patnubay, mas ginugusto nating sabihin at ituro ang katotohanan na katulad ng Kanyang ginawa, kahit sa harap ng oposisyon.

Ilang taon na ang nakararaan, ipinagdasal ko na malaman ang sasabihin para ipagtanggol ang pagiging ina nang tumawag sa telepono ang isang taong hindi nagpakilala.

Itinanong ng tumawag, “Ikaw ba si Neill Marriott, ang ina na may maraming anak?”

Masaya akong sumagot ng, “Oo!” na inaasahang marinig na sabihin niyang, “Maganda ‘yan!”

Pero hindi iyon ang sinabi niya! Hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi niya dahil ang lakas ng boses niya sa telepono: “Naiinis ako dahil nagsilang ka ng mga anak sa masikip na planetang ito!”

“Ah,” pautal kong nasabi, “Naiintindihan kita.”

Paangil niyang sagot, “Hindi—hindi mo naiintindihan!”

Sa gayo’y sinabi ko, “Siguro nga.”

Nagsimula siyang sumigaw tungkol sa hangal na pasiya kong maging ina. Habang sumisigaw siya, nagdasal ako na tulungan ako, at pumasok sa isip ko ang isang magandang ideya: “Ano ang sasabihin ng Panginoon sa kanya?” Pagkatapos ay nakadama ako ng katatagan at nagkaroon ako ng lakas ng loob nang maisip ko si Jesucristo.

Sumagot ako, “Masaya akong maging ina, at nangangako ako sa iyo na gagawin ko ang lahat nang makakaya ko para mapalaki ang aking mga anak sa paraan na mas mapapaganda nila ang mundo.”

Sagot niya, “Aba, sana nga!” at ibinaba niya ang telepono.

Maliit na bagay iyon—tutal nakatayo ako nang ligtas sa sarili kong kusina! Ngunit sa sarili kong maliit na paraan, nagawa kong ipagtanggol ang pamilya, mga ina, at mga tagapag-aruga dahil sa dalawang bagay: (1) Nauunawaan at pinaniniwalaan ko ang doktrina ng Diyos tungkol sa pamilya, at (2) nagdasal ako na tulungan ako sa sasabihin ko para maibahagi ang mga katotohanang ito.

Napipintasan tayo minsan sa pagiging kakaiba sa mundo, ngunit kailangan nating patatagin ang ating sarili sa mga walang-hanggang alituntunin at patotohanan ito, anuman ang itugon ng mundo.

Kapag itinanong natin sa ating sarili, “Ano ang gagawin natin?” pagnilayan natin ang tanong na ito: “Ano ang patuloy na ginagawa ng Tagapagligtas?” Siya ay nangangalaga. Siya ay lumilikha. Siya ay naghihikayat ng pag-unlad at kabutihan. Mga kapatid, magagawa natin ang mga bagay na ito! Mga batang babaeng Primary, may isa ba kayong kapamilya na nangangailangan ng inyong pagmamahal at kabaitan? Itinatayo din ninyo ang kaharian sa pamamagitan ng pangangalaga sa iba.

Ang paglikha ng Tagapagligtas sa daigdig, sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, ay isang makapangyarihang pangangalaga. Naglaan Siya ng lugar para tayo umunlad at magkaroon ng pananampalataya sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan. Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang pangunahing saligan na nagpapagaling at nagbibigay ng pag-asa, pag-unlad at layunin. Kailangang madama nating lahat na kabilang tayo sa espirituwal at pisikal na lugar. Tayo, mga kapatid, anuman ang edad natin, ay makalilikha nito; maging ng isang banal na lugar.

Ang ating malaking responsibilidad ay maging kababaihan na sumusunod sa Tagapagligtas, nangangalaga nang may inspirasyon, at walang takot na namumuhay sa katotohanan. Kapag hiniling natin sa Ama sa Langit na gawin tayong mga tagapagtayo ng Kanyang kaharian, dadaloy ang Kanyang kapangyarihan sa atin at malalaman natin kung paano mangalaga, at sa huli ay maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Gawa 2:36–37.

  2. Eliza R. Snow, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 50.

  3. Emma Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 14.

  4. Tingnan sa Genesis 3:20.

  5. Orson F. Whitney, sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle (1972), 98.

  6. Julie B. Beck, “At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Liahona, Mayo 2010, 11.