2016
Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad
Mayo 2016


Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad

Ang pagpapatawad ay maluwalhati at nakapagpapagaling na alituntunin. Hindi tayo kailangang maging biktima nang dalawang beses. Maaari tayong magpatawad.

Ang lahat ng ukol sa Diyos ay kinapapalooban ng pagmamahal, liwanag, at katotohanan. Gayunman bilang mga tao nabubuhay tayo sa mundong makasalanan, na kung minsan ay puno ng kadiliman at pagkalito. Hindi nakapagtataka na makagagawa ng mga pagkakamali, magkakaroon ng di-pagkakapantay-pantay, at magkakasala. Bilang bunga, walang kaluluwa na hindi maaapektuhan kahit paano, ng kawalang-ingat ng iba, nakasasakit na asal, o ng makasalanang pag-uugali. Nangyayari iyan sa ating lahat.

Salamat na lang at ang Diyos, sa Kanyang pagmamahal at awa sa Kanyang mga anak, ay naghanda ng daan para tulungan tayo sa paglalakbay sa kung minsan ay mahihirap na karanasan sa buhay. Naglaan Siya ng daan para makaiwas ang lahat ng maaapektuhan ng mga maling gawa ng ibang tao. Tinuruan Niya tayo na maaari tayong magpatawad! Kahit nabiktima na tayo minsan, hindi tayo kailangang maging biktima nang dalawang beses sa pamamagitan ng pagpasan ng poot, pait, sakit, galit, o maging ng paghihiganti. Maaari tayong magpatawad, at maaari tayong maging malaya!

Maraming taon na ang nakalipas, habang inaayos ang isang bakod, nasalubsob ang daliri ko. Sinubukan kong alisin ang salubsob at akala ko ay nagawa ko na, pero hindi pa pala. Sa paglipas ng oras, umalsa na ang balat sa salubsob, kaya naging maumbok ang daliri ko. Nakakainis ito at paminsan-minsang sumasakit.

Makalipas ang ilang taon nagpasiya akong kumilos na. Ang ginawa ko lang ay pinahiran ko ng ointment ang umbok at nilagyan ito ng benda. Inulit ko nang madalas ang prosesong ito. Nagulat na lang ako isang araw nang tanggalin ko ang benda ay lumabas ang salubsob mula sa daliri ko.

Pinalambot ng pamahid ang balat at lumabas ang mismong nagdulot ng sakit sa loob ng maraming taon. Nang maalis ang salubsob, kaagad na gumaling ang daliri, at sa ngayon, walang bakas ng anumang sugat.

Sa ganito ring paraan, ang pusong ayaw magpatawad ay nagkikimkim ng sakit na hindi naman kailangang kimkimin. Kapag ginamit natin ang nakapagpapagaling na pamahid ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, palalambutin Niya ang ating puso at tutulungan tayong magbago. Kaya Niyang pagalingin ang sugatang kaluluwa (tingnan sa Jacob 2:8).

Alam kong marami sa atin ang gustong magpatawad, pero nahihirapan tayong gawin ito. Kapag may di-makatarungang nangyari sa atin, mabilis nating nasasabing, “Mali ang ginawa ng taong iyon. Dapat silang maparusahan. Nasaan ang katarungan?” Nagkakamali tayo sa pag-iisip na kung nagpapatawad tayo, kahit paano ay hindi nagkakaroon ng hustisya at naiiwasan ang mga kaparusahan.

Hindi ito totoo. Ang Diyos ay magbibigay ng parusang makatwiran, sapagkat hindi maaagawan ng awa ang katarungan (tingnan sa Alma 42:25). Buong pagmamahal na tinitiyak ng Diyos sa atin: “Iwan ang paghahatol sa akin, sapagkat ito ay akin at ako ang gaganti. [At hayaang] kapayapaan ang mapasainyo” (D at T 82:23). Ang propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon ay nangako rin na “aaluin [kayo ng Diyos] sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan, at magpapataw ng katarungan sa mga yaong naghahangad ng inyong pagkalipol” (Jacob 3:1).

Bilang mga biktima, kung tayo ay matapat, mapapanatag tayo na malaman na ang Diyos ang maghihiganti para sa atin sa bawat kalupitan na nararanasan natin. Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Pinupunan ng Panginoon ang bawat kawalan ng matatapat. … Bawat luha ngayon ay papalitan kalaunan ng maka-isandaang ulit na luha ng kagalakan at pasasalamat.”1

Sa pagsisikap nating patawarin ang iba, sikapin din nating alalahanin na tayong lahat ay lumalakas sa espirituwal, ngunit magkakaiba ang ating antas. Bagamat madaling mapansin ang mga pagbabago at pag-unlad sa pisikal na katawan, mahirap makita ang paglakas sa ating mga espiritu.

Ang isang susi sa pagpapatawad ay ang tingnan sila gaya ng pagtingin sa kanila ng Diyos. Kung minsan, maaaring hawiin ng Diyos ang tabing at bigyan tayo ng kaloob na makita ang puso, kaluluwa, at espiritu ng isang taong nakasakit sa atin. Ang pananaw na ito ay maaaring humantong sa nag-uumapaw na pagmamahal para sa taong iyon.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay perpekto. Alam Niya ang kanilang potensyal sa kabutihan, anuman ang kanilang nakaraan. Kahit ano pa ang sabihin, wala nang mas agresibo o malupit na kaaway ang mga alagad ni Jesucristo maliban kay Saulo ng Tarsus. Ngunit nang minsang ipakita ng Diyos kay Saulo ang liwanag at katotohanan, wala nang mas matapat, masigasig, o walang-takot na disipulo ng Tagapagligtas maliban sa kanya. Si Saulo ang naging Apostol Pablo. Ang kanyang buhay ay napakagandang halimbawa na nakikita ng Diyos ang mga tao hindi lamang sa kung sino sila ngayon kundi kung ano ang kanilang kahihinatnan. Tayong lahat, sa ating buhay, ay may ugaling gaya ni Saulo na may potensyal na gaya ni Pablo. Naiisip ba ninyo ang malaking pagbabago ng ating mga pamilya, komunidad, at ng daigdig sa kabuuan kung sisikapin nating tingnan ang bawat isa na gaya ng pagtingin sa atin ng Diyos?

Kadalasan tinitingnan natin ang nagkakasala na gaya ng pagtingin natin sa iceberg—ang ibabaw lang ang nakikita natin at hindi ang nasa ilalim ng tubig. Hindi natin alam ang lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao. Hindi natin alam ang kanilang nakaraan; di natin alam ang kanilang mga pakikibaka; di natin alam ang hirap o sakit na kanilang pinapasan. Mga kapatid huwag sana kayong magkamali sa pag-unawa. Ang pagpapatawad ay hindi pagkunsinti sa ginawa ng tao. Hindi natin pinangangatwiranan ang masamang ugali o hinahayaang pagmalupitan tayo ng iba dahil sa kanilang pinagdaraanan, hirap, o mga kahinaan. Ngunit maaari tayong magkaroon ng mas malawak na pang-unawa at kapayapaan kapag nilawakan natin ang ating pananaw.

Tiyak na ang kulang pa sa espirituwalidad ay makagagawa ng mabibigat na pagkakamali—gayunman wala ni isa atin na nararapat na mahatulan dahil lamang sa pinakamasamang nagawa natin. Ang Diyos ang perpektong hukom. Nakikita Niya ang nasa kaloob-looban. Alam Niya ang lahat at nakikita Niya ang lahat (tingnan sa 2 Nephi 2:24). Sinabi Niya, “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:10).

Si Cristo mismo, nang Siya ay paratangan nang mali, at pinagmalupitan, sinaktan, at iniwang nagdurusa sa krus, sa sandaling iyon ay sinabi Niyang, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Sa kakitiran ng ating pananaw, minsan ay maaaring madali tayong magalit sa iba na hindi natin katulad mag-isip o kumilos. Maaaring mawalan tayo ng pasensya sa mababaw na mga bagay gaya ng pagsuporta sa mga magkatunggaling koponan, pagkakaiba ng pananaw sa pulitika, o pagkakaiba sa paniniwala ukol sa relihiyon.

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang matalinong payo nang sabihin niyang, “Ang pagkakataong makinig sa magkakaibang paniniwala sa relihiyon o pulitika ay maaaring humantong sa pagpaparaya at pagkatuto.”2

Binanggit ng Aklat ni Mormon ang panahon nang “ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang iangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, at … magsimulang maging mapanlibak sa isa’t isa, at … sinimulan nilang usigin yaong hindi naniniwala alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan at kasiyahan” (Alma 4:8). Dapat alalahanin ng lahat na ang Diyos ay hindi tumitingin sa kulay ng suot na panlaro o ng partido sa pulitika. Sa halip, gaya ng sinabi ni Ammon, “[ang Diyos ay] pinagmamasdan ang lahat ng anak ng tao; at nalalaman niya ang lahat ng saloobin at layunin ng puso” (Alma 18:32). Mga kapatid, sa paligsahan ng buhay, kung mananalo tayo, manalo tayo nang may kabaitan. Kung matatalo tayo, matalo tayo nang may kabaitan. Dahil kung mamumuhay tayo nang may kabaitan sa isa’t isa, kabaitan ang ating gantimpala sa huling araw.

Gaya ng tayong lahat ay mga biktima ng masasamang gawain ng iba, kung minsan tayo rin naman ay nakasasakit ng loob. Tayong lahat ay nagkukulang at kailangan natin ng biyaya, awa, at pagpapatawad. Kailangan nating tandaan na ang kapatawaran ng ating sariling mga kasalanan at kamalian ay batay sa ating pagpapatawad sa iba. Sinabi ng Tagapagligtas:

“Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan:

“Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan” (Mateo 6:14–15).

Sa lahat ng mabibigkas ng Tagapagligtas sa Kanyang Panalangin, na napakaikli, mahalagang pansinin na pinili Niyang isama ang “At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:12; 3 Nephi 13:11).

Pagpapatawad ang mismong dahilan kaya isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, kaya magalak tayo sa Kanyang alok na pagalingin tayong lahat. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang para sa mga taong kailangang magsisi; ito ay para rin sa mga taong kailangang magpatawad. Kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao o maging ang sarili mo, hilingin na tulungan ka ng Diyos. Ang pagpapatawad ay maluwalhati at nakapagpapagaling na alituntunin. Hindi tayo kailangang maging biktima nang dalawang beses. Maaari tayong magpatawad.

Saksi ako sa walang-maliw na pagmamahal at tiyaga ng Diyos para sa ating lahat na Kanyang mga anak at sa hangarin Niyang mahalin natin ang isa’t isa gaya ng pagmamahal Niya sa atin (tingnan sa Juan 15:9, 12). Sa paggawa nito, makakaalpas tayo sa kadiliman ng mundong ito tungo sa kaluwalhatian at karingalan ng Kanyang kaharian sa langit. Magiging malaya tayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona, Nob. 2008, 28.

  2. Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 23.