Elder Gary B. Sabin
General Authority Seventy
Malinaw pa sa alaala ni Elder Gary B. Sabin ang tatlong Christmas tree.
Ang una ay isang magandang Christmas tree noong kanyang kabataan. Nang akyatin ni Gary ang puno para abutin ang isang candy cane, bumagsak ang buong puno sa lupa.
Ang pangalawa ay isang evergreen branch na natagpuan niya noong missionary siya sa Belgium at sa Netherlands mula 1973 hanggang 1975. Iniuwi ni Elder Sabin at ng kanyang kompanyon ang branch sa apartment nila at itinayo ito sa gitna ng mga Christmas card na natanggap nila mula sa kanilang pamilya.
Ang pangatlo ay isang puno na yari sa mga Christmas light na nakaikot sa isang IV stand sa tabi ng kama ng anak niyang babae sa ospital. Isa sa tatlong anak ng mga Sabin na may cystic fibrosis ang nabigyan ng double-lung transplant isang taon pagkamatay ng kapatid nito sa sakit ding iyon.
“Mas marami kaming natutuhan sa aming mga anak kaysa natutuhan nila mula sa amin,” sabi ni Elder Sabin.
Bilang General Authority maaalala niya ang mga Christmas tree at ang mga aral na natutuhan niya mula rito. Bawat Christmas tree ay nagtatampok ng mga bahagi sa kanyang paglalakbay sa buhay—mula sa isang batang lalaki na gustong abutin ang candy cane hanggang sa isang missionary na nagtuturo ng plano ng kaligtasan sa isang ama na umasa sa plano at sa pagmamahal ng Tagapagligtas upang mapalakas ang kanyang pamilya sa mga pagsubok sa buhay.
Si Gary Byron Sabin ay isinilang sa Provo, Utah, USA, noong Abril 7, 1954, kina Marvin E. at Sylvia W. Sabin. Pinakasalan niya si Valerie Purdy noong Agosto 1976. Sila ay may limang anak; ang pang-anim nilang anak ay patay nang isilang.
Nang makatapos sa Brigham Young University sa Provo, nagtamo si Elder Sabin ng master’s degree sa management mula sa Stanford University.
Si Elder Sabin ay naglingkod sa maraming tungkulin sa Simbahan, kabilang na ang pagiging bishop, stake president, at Area Seventy. Nakapagtrabaho na siya bilang founder, chairman, at CEO ng ilang kumpanya, kabilang na ang Excel Realty Trust, Price Legacy, Excel Realty Holdings, at Excel Trust.
Noong 1993, binuo nina Elder at Sister Sabin ang Sabin Children’s Foundation, isang organisasyong nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga bata.