2016
Ako ay Anak ng Diyos
Mayo 2016


Ako ay Anak ng Diyos

Ang wastong pang-unawa sa ating makalangit na pamana ay mahalaga sa kadakilaan.

Kabilang sa ating pinakapangunahing doktrina ang kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos na buhay. Kaya nga ang isa sa Kanyang mga pinakasagradong pangalan ay Ama—Ama sa Langit. Ang doktrinang ito ay malinaw na itinuro ng mga propeta sa paglipas ng mga panahon:

  • Nang tuksuhin ni Satanas, ipinagtabuyan siya ni Moises, na nagsasabing: “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos.1

  • Sa pagsasalita sa Israel, ipinahayag ng Mang-aawit, “Kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.2

  • Itinuro ni Pablo sa mga taga-Athens sa Mars Hill na sila ay “lahi ng Dios.”3

  • Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumanggap ng pangitain kung saan nakita nila ang Ama at ang Anak, at isang tinig mula sa langit ang nagpahayag na ang mga naninirahan sa mga daigdig “ay mga isinilang na anak na lalaki at babae sa Diyos.4

  • Noong 1995, pinagtibay ng 15 nabubuhay na mga apostol at propeta na: “Lahat ng tao … ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.5

  • Nagpatotoo si Pangulong Thomas S. Monson na: “Tayo ay mga anak ng isang buhay na Diyos. … Hindi natin ito lubusang mapaniniwalaan nang hindi nakadarama ng panibagong lakas at kapangyarihan.”6

Ang doktrinang ito ay napakahalaga, napakadalas banggitin, at dahil ito ay napakasimple kaya parang karaniwan na ito, samantalang ang totoo kabilang ito sa pinakapambihirang kaalaman na maaari nating matamo. Ang wastong pang-unawa sa ating makalangit na pamana ay mahalaga sa kadakilaan. Ito ang batayan sa pag-unawa sa maluwalhating plano ng kaligtasan at sa pagpapayabong ng pananampalataya sa panganay na Anak ng Ama na si Jesucristo, at sa Kanyang mahabaging Pagbabayad-sala.7 Dagdag pa rito, patuloy tayong nahihikayat nito na gawin at tuparin ang ating napakahalagang mga walang hanggang tipan.

Sa iilang eksepsyon, lahat ng kasama sa miting na ito ngayon, kahit walang nakasulat na titik o musika, ay maaawit ang, “Ako ay Anak ng Diyos.”8 Ang minamahal na himnong ito ay isa sa mga pinakamadalas kantahin sa Simbahan. Ngunit ang kritikal na tanong ay, talaga bang alam natin ito? Alam ba natin ito sa ating puso at isipan at kaluluwa? Ang pagkakaroon ba natin ng mga magulang sa langit ang una at pinakamahalaga nating identidad?

Dito sa lupa, tinutukoy natin ang ating sarili sa iba-ibang paraan, kabilang ang lugar ng ating kapanganakan, ating nasyonalidad, at ating wika. Ang ilan ay tinutukoy ang kanilang sarili batay sa kanilang trabaho o kinawiwilihan. Ang mga identidad nating ito sa mundo ay hindi mali maliban kung nakahihigit o sagabal na ito sa ating walang hanggang identidad—ang pagiging anak ng Diyos.

Noong ang bunso namin ay anim na taong gulang at nasa unang baitang sa paaralan, pinasulat ng kanyang titser ang mga bata sa klase. Oktubre noon, buwan ng Halloween, isang pista-opisyal na ipinagdiriwang sa ilang panig ng daigdig. Kahit hindi ito ang paborito kong pista-opisyal, siguro naman may ilang aspeto ang Halloween na inosente at nakatutubos.

Ipinasa ng titser ang isang papel sa mga batang estudyante. Sa itaas ay may nakaguhit na larawan ng isang mangkukulam (sabi na sa inyo hindi ito ang paborito ko) na nakatunghay sa kumukulong sabaw sa kaldero. Ang tanong na nakalagay sa pahina, para mapukaw ang imahinasyon ng mga bata at masubok ang kanilang galing sa pagsulat, ay “Nakainom ka ng isang tasang sabaw na niluto ng mangkukulam. Ano ang nangyari sa iyo?” Sana alam ninyo na ang kuwentong ito ay hindi inirerekomenda sa mga titser.

“Nakainom ka ng isang tasang sabaw na niluto ng mangkukulam. Ano ang nangyari sa iyo?” Sa pinakamainam na magagawa ng bagong nagsusulat, isinulat ng bunso namin, “Mamamatay ako at mapupunta ako sa langit. Magugustuhan ko roon. Magugustuhan ko ito dahil ito ang pinakamagandang lugar na mapupuntahan dahil makakasama mo ang iyong Ama sa Langit.” Ang sagot na ito marahil ay ikinagulat ng kanyang titser; gayunman, nang iuwi ng aming anak ang nakumpletong assignment, napansin namin na binigyan siya ng star, ang pinakamataas na marka.

Sa tunay na buhay, dumaranas tayo ng tunay, hindi inaakala lang na mga kahirapan. Nasasaktan tayo—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. Nalulungkot tayo kapag ang kalagayan natin ay kaiba sa inaasahan natin. Nariyan ang kawalan ng katarungan kapag tila hindi naman ukol sa atin ang ating situwasyon. Nalulungkot tayo kapag binigo tayo ng taong ating pinagkakatiwalaan. May mga problema sa kalusugan at pananalapi na nakalilito sa atin. Maaaring may pagtatanong kapag ang isang bagay ukol sa doktrina o kasaysayan ay hindi natin maunawaan sa ngayon.

Kapag dumaranas tayo ng hirap sa buhay, ano ang kaagad na tugon natin? Pagkalito ba o pagdududa o espirituwal na pagtalikod? Dagok ba ito sa ating pananampalataya? Sinisisi ba natin ang Diyos o ang ibang tao sa ating kalagayan? O ang unang tugon natin ay alalahanin kung sino tayo—na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Diyos? May kasama ba iyan na lubusang pagtitiwala na hinahayaan Niyang mangyari ang ilang pagdurusa sa mundo dahil alam Niyang pagpapalain tayo nito, gaya ng apoy na dumadalisay, upang maging tulad Niya at makamit ang ating walang hanggang mana?9

Kamakailan ay nasa isang miting ako kasama si Elder Jeffrey R. Holland. Sa pagtuturo na ang buhay sa lupa ay maaaring puno ng dusa ngunit ang ating mga paghihirap ay may walang hanggang layunin—kahit hindi natin ito nauunawaan sa oras na iyon—sinabi ni Elder Holland, “Maaaring mapasaiyo ang gusto mo, o maaari mong makamit ang higit pa rito.”

Limang buwan na ang nakalipas, kami ng asawa kong si Diane ay nagpunta sa Africa na kasama nina Elder at Sister David A. Bednar. Ang ikaanim at huling bansang binisita namin ay ang Liberia. Ang Liberia ay napakagandang bansa na may mararangal na mamamayan at mayamang kasaysayan, ngunit hindi madali ang buhay doon. Ang mga dekada ng kaguluhan sa pulitika at mga digmaang sibil ay nagpalala sa salot ng kahirapan. Higit sa lahat, ang kinatatakutang Ebola disease ay pumatay nang halos 5,000 katao nang huling maminsala ito. Kami ang unang grupo ng mga lider ng Simbahan mula sa labas ng bansa na bumisita sa Monrovia, ang kabiserang lungsod, simula nang ideklara ng World Health Organization na ligtas nang magpunta doon matapos ang Ebola crisis.

Isang napakainit at maalinsangang umaga ng Linggo, nagpunta kami sa inuupahang pasilidad sa gitna ng lungsod. Bawat silya ay inilagay doon, na may kabuuang 3,500 na upuan. Ang huling bilang ng mga dumalo ay 4,100. Halos lahat ng dumating ay naglakad lang o kaya ay sumakay sa di komportableng pampublikong sasakyan; hindi madali para sa mga Banal ang magtipon. Ngunit dumating sila. Karamihan ay dumating ilang oras pa bago ang takdang oras ng pulong. Pagpasok namin sa bulwagan, damang-dama ang pananabik ng lahat! Ang mga Banal ay handang maturuan.

Kapag may binanggit na talata ang tagapagsalita, bibigkasin ito nang malakas ng mga miyembro. Hindi na mahalaga—maikli man o mahaba ito, ang buong kongregasyon ay nagkakaisa sa pagtugon. Ngayon, hindi namin inirerekomenda ito, ngunit kahanga-hanga na kaya nilang gawin ito. At ang koro—napakagaling nila. Sa masiglang pagkumpas ng direktor at pagtugtog ng 14-na-taong gulang na binatilyo, buong sigla at lakas na umawit ang mga miyembro.

At nagsalita si Elder Bednar. Siyempre, ito ang pinakahihintay sa pagtitipon—ang marinig ang isang Apostol na magturo at magpatotoo. Malinaw na may espirituwal na patnubay, habang nagsasalita siya, si Elder Bednar ay huminto at nagsabing, “Alam ba ninyo ang ‘Saligang Kaytibay’?”

Parang 4,100 tinig ang sumagot ng, “OPO!”

At itinanong niya, “Alam ba ninyo ang talata 7?”

Muling sumagot ang buong grupo, “OPO!”

Ang areglo ng makapangyarihang himnong “Saligang Kaytibay” na inaawit ng Mormon Tabernacle Choir sa huling 10 taon ay kinabibilangan ng talata 7, na hindi gaanong kinakanta noon. Sinabi ni Elder Bednar, “Awitin natin ang mga talata 1, 2, 3, at 7.”

Walang pag-aatubiling tumayo agad ang tagakumpas at ang Aaronic Priesthood na tagatugtog ay kaagad sinimulang tugtugin nang buong sigla ang pambungad na chords. Dama ang matinding pananalig na noon ko lang nadama sa himnong pangkongregasyon, inawit namin ang mga talata 1, 2, at 3. At lumakas pa ang tunog at espirituwal na damdamin nang kantahin ng 4,100 tinig ang pampitong talata at nagpahayag:

Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala.

Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.

Pilitin mang s‘ya‘y yanigin ng kadiliman.

Hinding-hindi magagawa, hinding-hindi magagawa,

‘Di magagawang talikuran kailanman!10

Sa isa sa mga pinaka-espirituwal na pangyayari sa buhay ko, naturuan ako ng matinding aral nang araw na iyon. Nabubuhay tayo sa mundong makapagpapalimot sa kung sino tayo talaga. Kapag mas maraming gumagambala sa atin, mas madaling maging karaniwan ang pagtrato, tapos ay balewalain, at kalimutan ang ating kaugnayan sa Diyos. Kaunti lang ang materyal na pag-aari ng mga Banal sa Liberia, gayunman tila nasa kanila ang lahat ng espirituwal na bagay. Ang nasaksihan namin nang araw na iyon sa Monrovia ay isang grupo ng mga anak ng Diyos na nakaaalam sa bagay na ito!

Sa mundo ngayon, saan man tayo nakatira at anuman ang ating kalagayan, kailangan na ang pinakamahalaga nating identidad ay bilang anak ng Diyos. Kapag alam natin iyan, lalago ang ating pananampalataya, mahihikayat tayong patuloy na magsisi, at bibigyan tayo ng lakas na maging “matatag at [hindi] matitinag” sa ating mortal na paglalakbay.11 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Moises 1:13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Awit 82:6; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Ang Mga Gawa 17:29; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Doktrina at mga Tipan 76:24; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Thomas S. Monson, “Mga Kanaryong May Kulay-Abo sa Kanilang mga Pakpak,” Liahona, Hunyo 2010, 4; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. Tingnan sa Mga Taga Colosas 1:13–15.

  8. “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  9. Tingnan sa Malakias 3:2.

  10. “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  11. Mosias 5:15.