Elder Massimo De Feo
General Authority Seventy
Bago niya tinanggap ang kanyang full-time mission call, natuto si Elder Massimo De Feo ng mahahalagang aral sa pagsasakripisyo at pagmamahal mula sa kanyang amang si Vittorio De Feo.
Nagkaroon ng kaunting problema sa pera ang pamilya De Feo, at parehong hindi miyembro ng Simbahan si Vittorio at ang kanyang asawang si Velia. Ngunit iginalang ng nakatatandang De Feo ang pagnanais ng kanyang anak na ibahagi ang ebanghelyo.
“Tinanong ako ng tatay ko, ‘Gusto mo ba talagang gawin ito?’” paggunita ni Elder De Feo. “Sinabi kong, ‘Opo, buong puso kong nais maglingkod sa Panginoon.’”
Nangako si Vittorio na gagawin niya ang lahat para mabayaran ang dalawang taong paglilingkod ng kanyang anak sa Italy Rome Mission.
“Itinuring kong sagrado ang perang iyon—bunga iyon ng malaking sakripisyo ng isang taong hindi naniniwala sa Simbahan,” sabi ni Elder De Feo. “Kaya nagmisyon ako nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas dahil minahal ko ang Panginoon at ang tatay ko.”
Ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tulad ng sakripisyo, kasipagan, pamilya, at paglilingkod ay nakatulong sa paghubog ng pagkatao ni Elder De Feo.
Isinilang sa Taranto, Italy, noong Disyembre 14, 1960, nalaman ni Massimo De Feo ang tungkol sa Simbahan sa edad na siyam na taong gulang nang kumatok ang dalawang missionary sa pintuan ng kanilang tahanan. Hindi nagtagal ay nabinyagan si Massimo at ang kuya niyang si Alberto.
Natamasa ng magkapatid na De Feo ang pagmamahal at suporta ng matatapat na branch leader nang dumalo sila sa Primary at, kalaunan, sa Mutual. Naging matagal na mga kaibigan din ni Massimo ang iba pang mga kabataan sa branch—pati na ang kapwa nila convert na si Loredana Galeandro, na pakakasalan niya pagkatapos ng kanyang misyon. Nabuklod sila noong Agosto 14, 1984, sa Bern Switzerland Temple. Ang mga De Feo ay may tatlong anak.
Bago naging General Authority Seventy, nakatira si Elder De Feo sa Rome at nagtrabaho nang mahigit 30 taon para sa US State Department. Naglingkod siya bilang branch president, district president, stake president, at Area Seventy.