Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon
Mula sa debosyonal ng Church Educational System na, “That We Might ‘Not … Shrink,’” na ibinigay sa University of Texas sa Arlington noong Marso 3, 2013.
Ang matatag na pananampalataya sa Tagapagligtas ay mapagpakumbabang pagtanggap sa Kanyang kalooban at takdang panahon sa ating buhay—kahit na ang kalabasan ay hindi ang siyang inasahan o nais natin.
Si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ay isang minamahal na disipulo ng Panginoong Jesucristo. Naglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng 23 taon, mula 1981 hanggang 2004. Ang espirituwal na bisa ng kanyang mga turo at halimbawa ng matapat na pagkadisipulo ay nagpala at patuloy na nagpapala sa kamangha-manghang mga paraan sa mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga tao sa buong mundo.
Noong Oktubre 1997, kami ni Sister Bednar ang nag-asikaso kina Elder at Sister Maxwell sa Brigham Young University–Idaho (na noon ay Ricks College). Magsasalita noon si Elder Maxwell sa mga estudyante, kawani, at mga guro sa isang debosyonal.
Sa simula ng taon ding iyon, si Elder Maxwell ay sumailalim sa nakapanghihinang chemotherapy para sa leukemia na tumagal nang 46 na araw at gabi. Maganda ang kinalabasan ng kanyang pagpapagamot at patuloy na therapy sa buong tagsibol at tag-init, ngunit ang pisikal na lakas at sigla ni Elder Maxwell ay limitado nang magbiyahe siya papuntang Rexburg. Matapos salubungin sina Elder at Sister Maxwell sa airport, isinama na namin sila ni Susan sa bahay namin para makapagpahinga at makapananghali nang kaunti bago ang debosyonal.
Tinanong ko si Elder Maxwell kung ano ang natutuhan niya sa kanyang pagkakasakit. Hindi ko malilimutan ang maikli at nakaaantig na sagot niya. “Dave,” sabi niya, “natutuhan ko na ang hindi pagsuko ay mas mainam kaysa pananatiling buhay.”
Ang sagot niya sa tanong ko ay isang prinsipyong natutuhan niyang mabuti sa kanyang pagpapa-chemotherapy. Noong Enero 1997, sa araw na nakatakdang simulan ang unang panggagamot sa kanya, tumingin si Elder Maxwell sa kanyang asawa, inabot ang kamay nito, bumuntong-hininga, at sinabing, “Ayaw ko lang sumuko.”
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1997, itinuro ni Elder Maxwell nang buong pananalig: “Sa pagharap natin sa sarili nating … mga pagsubok at pagdurusa, tayo man ay maaaring makiusap sa Ama, tulad ng ginawa ni Jesus, na ‘hindi [tayo] … manliit’—ibig sabihin ay umatras o umurong (D at T 19:18). Mas mahalagang hindi sumuko kaysa manatiling buhay! Bukod pa riyan, ang pag-inom sa mapait na saro nang hindi sumasama ang loob ay bahagi rin ng pagtulad kay Jesus.”1
Ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas nang ialay Niya ang walang-katapusan at walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ay naging mas mahalaga at makabuluhan sa akin.
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.” (D at T 19:16–19).
Hindi nanliit ang Tagapagligtas sa Getsemani o sa Golgota.
Hindi rin nanliit si Elder Maxwell. Ang magiting na Apostol na ito ay buong tatag na sumulong at nabiyayaan ng dagdag na panahon sa buhay na ito upang magmahal, maglingkod, magturo, at magpatotoo. Ang mga huling taon ng kanyang buhay ay malinaw na nagpakita ng halimbawa ng kanyang katapatan bilang disipulo—kapwa sa kanyang mga salita at gawa.
Naniniwala ako na aasahan ng karamihan sa atin na ang isang taong may espirituwal na kakayahan, karanasan, at pagkataong gaya ni Elder Maxwell ay mahaharap sa malubhang karamdaman at kamatayan nang nauunawaan ang plano ng kaligayahan ng Diyos, nang may katiyakan at biyaya, at may dignidad. Ngunit pinatototohanan ko na ang gayong mga pagpapala ay hindi lamang para sa mga General Authority o sa ilang piling miyembro ng Simbahan.
Mula nang tawagin ako sa Korum ng Labindalawa, nagawa kong makilala ang matatapat, matatapang, at magigiting na Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo. Nais kong ikuwento sa inyo ang isang binata at isang dalaga na nagpala sa buhay ko at kasama kong natuto ng espirituwal at mahahalagang aral tungkol sa hindi panliliit o pagsuko at pagtutulot sa ating sari-sariling kalooban na “[mapasakop] sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7).
Totoo ang kuwento, at totoong tao ang mga tauhan. Gayunman, hindi ko gagamitin ang tunay na pangalan ng mga taong kabilang dito. Gagamitin ko nang may pahintulot ang mga piling pahayag mula sa kanilang mga personal journal.
“Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo”
Si John ay isang karapat-dapat na maytaglay ng priesthood at matapat na naglingkod bilang full-time missionary. Nang makauwi na mula sa kanyang misyon, nakipagdeyt siya at pinakasalan niya ang mabuti at kahanga-hangang dalagang si Heather. Si John ay 23 at si Heather ay 20 nang ibuklod sila para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon.
Mga tatlong linggo matapos silang ikasal sa templo, napag-alaman na si John ay may kanser sa buto. Dahil may natuklasan ding mga bukol sa kanyang baga, hindi naging maganda ang resulta ng pagsusuri.
Isinulat ni John sa kanyang journal: “Ito ang pinaka-nakakatakot na araw sa buhay ko. Hindi lamang dahil sinabihan ako na may kanser ako, kundi dahil din sa bagong kasal ako at kahit paano’y nadama ko na bigo ako bilang asawa. Ako ang tutustos at poprotekta sa aming bagong pamilya, at ngayon—tatlong linggo pa lang ako sa tungkuling ito—parang bigo na ako.
Sabi ni Heather: “Nakapanlulumo ang balitang ito, at naaalala ko kung gaano nito binago ang aming pananaw. Nasa isang waiting room ako noon sa ospital at sumusulat ng mga thank-you note sa kasal namin habang hinihintay ang resulta ng mga pagsusuri kay John. Ngunit nang malaman ko na may kanser si John, parang wala nang halaga ang mga Crock-Pot at lutuang regalo sa kasal namin. Ito ang pinakamasaklap na araw sa buhay ko, ngunit naaalala kong natulog ako nang gabing iyon na may pasasalamat na nabuklod kami sa templo. Bagama’t sinabi na ng mga doktor na 30 porsiyento na lang ang pag-asa ni John na mabuhay, alam ko na kung mananatili kaming tapat ay 100 porsiyento ang tsansa kong makapiling siya magpakailanman.”
Pagkaraan ng mga isang buwan nagsimula na si John sa chemotherapy. Inilarawan niya ang karanasang iyon: “Dahil sa chemotherapy, lalong lumala ang sakit ko. Nakalbo ako, bumaba nang 41 libra ang timbang ko, at parang nagkakahiwa-hiwalay ang katawan ko. Naapektuhan din ng chemotherapy ang aking damdamin, isipan, at espiritu. Parang roller coaster ang buhay noong mga buwan na nagpa-chemo ako; masayang-malungkot, at lahat-lahat na. Ngunit sa kabila ng lahat, nanalig pa rin kami ni Heather na pagagalingin ako ng Diyos. Sigurado kami roon.”
Isinulat ni Heather ang mga iniisip at nadarama niya: “Hindi ko kayang hayaang mag-isa si John sa ospital sa gabi, kaya gabi-gabi akong natutulog sa munting sopa sa kanyang silid. Marami kaming mga kaibigan at kapamilyang dumadalaw sa araw, ngunit sa gabi ang pinakamahirap. Nakatitig lang ako sa kisame at nag-iisip kung ano ang plano ng Ama sa Langit para sa amin. Kung minsan naglalaro sa isipan ko ang madidilim na lugar, at takot na takot akong mawala sa akin si John. Ngunit alam ko na ang mga ideyang ito ay hindi mula sa Ama sa Langit. Naging mas madalas ang pagdarasal ko para mapanatag ako, at binigyan ako ng Panginoon ng lakas na magpatuloy.”
Pagkaraan ng tatlong buwan, sumailalim si John sa isang operasyon para alisin ang malaking bukol sa kanyang binti. Dalawang araw matapos ang operasyon, dinalaw ko sina John at Heather sa ospital. Pinag-usapan namin ang unang pagkakataon na nakilala ko si John sa mission field, ang kanilang kasal, ang kanser, at ang mga aral na walang hanggan ang kahalagahan na natututuhan natin sa mga pagsubok sa buhay na ito. Pagkatapos naming mag-usap, hiniling ni John na bigyan ko siya ng basbas ng priesthood. Sinabi ko na ikagagalak kong basbasan siya, ngunit kailangan ko munang magtanong ng ilang bagay.
Pagkatapos ay nagtanong ako ng mga bagay na wala akong planong itanong at hindi ko naisip itanong kailanman: “John, nananampalataya ka ba na hindi ka gagaling? Kung kalooban ng ating Ama sa Langit na kunin ka sa iyong kabataan at dalhin ka sa daigdig ng mga espiritu para ituloy ang iyong paglilingkod, may pananampalataya ka bang sumuko sa Kanyang kalooban at hindi gumaling?”
Madalas sa mga banal na kasulatan, ginamit ng Tagapagligtas o ng Kanyang mga lingkod ang espirituwal na kaloob na magpagaling (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:9; D at T 35:9; 46:20) at nahiwatigan na ang isang tao ay may pananalig na gagaling siya (tingnan sa Mga Gawa 14:9; 3 Nephi 17:8; D at T 46:19). Ngunit habang nag-uusap-usap kami nina John at Heather at naghahanap ng sagot sa mga tanong na ito, lalo naming naunawaan na kung kalooban ng Diyos na gumaling ang butihing lalaking ito, matatanggap lamang ang pagpapalang iyan kung mananampalataya muna ang matapang na mag-asawang ito na hindi siya gagaling. Sa madaling salita, kailangang madaig nina John at Heather, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, ang “likas na tao” (Mosias 3:19) ang tendensiya nating lahat na walang tiyagang hilingin at patuloy na ipilit ang mga pagpapalang gusto natin at inaakala nating marapat nating tanggapin.
Natanto namin ang isang alituntuning akma sa bawat tapat na disipulo: ang matatag na pananampalataya sa Tagapagligtas ay mapagpakumbabang pagtanggap sa Kanyang kalooban at kagustuhan sa ating buhay—kahit na ang kalabasan ay hindi ang ating inasahan o ninanais. Tiyak na nanaisin, hahangarin, at ipagdarasal nina John at Heather nang buo nilang kakayahan, isipan, at lakas na gumaling si John. Ngunit ang mas mahalaga, sila ay “nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [kanila], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19). Tunay ngang handa silang “ialay ang [kanilang] buong kaluluwa bilang handog sa kanya” (Omni 1:26) at mapagpakumbabang ipagdarasal na, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42).
Ang sa una’y tila nakalilitong mga tanong para sa amin nina John at Heather ay naging bahagi ng maraming kabalintunaan ng ebanghelyo. Isipin ang payo ng Tagapagligtas: “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Sinabi rin Niya, “Datapuwa’t maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna” (Mateo 19:30). At pinayuhan ng Panginoon ang kanyang mga disipulo sa mga huling araw, “Sa pamamagitan ng iyong salita maraming mapagmataas ang ibababa, at sa pamamagitan ng iyong salita maraming mabababa ang itataas” (D at T 112:8). Kaya nga, ang pagkakaroon ng pananampalatayang hindi gumaling ay tila akma sa makapangyarihang huwaran ng pag-unawa sa mga kabalintunaan kung saan kailangan tayong humingi, maghanap, at kumatok upang matanggap natin ang kaalaman at pang-unawa (tingnan sa 3 Nephi 14:7).
Matapos pag-isipang mabuti ang mga tanong ko at makausap ang kanyang asawa, sinabi sa akin ni John: “Elder Bednar, ayaw ko pong mamatay. Ayaw kong iwan si Heather. Ngunit kung kalooban ng Panginoon na dalhin ako sa daigdig ng mga espiritu, palagay ko payag ako riyan.”
Napuspos ng pasasalamat at paghanga ang puso ko nang masaksihan kong harapin ng bata pang mag-asawang ito ang pinakamabigat na espirituwal na hamon sa lahat—ang mapagpakumbabang isuko ang kanilang kalooban sa kalooban ng Diyos. Tumatag ang aking pananampalataya nang masaksihan ko na pinayagan ng mag-asawang ito ang kanilang matindi at malinaw na mga hangaring gumaling na “[mapasakop] sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7).
Inilarawan ni John ang kanyang reaksyon sa aming pag-uusap at ang basbas na natanggap niya: “Ibinahagi sa amin ni Elder Bednar ang sinabi ni Elder Maxwell na mas mabuting hindi manliit (o sumuko) kaysa manatiling buhay. Pagkatapos ay tinanong kami ni Elder Bednar, ‘Alam ko na may pananampalataya kang gumaling, ngunit may pananampalataya ka bang hindi gumaling?’ Kakaiba ang konseptong ito sa akin. Ang itinatanong pala niya ay may pananampalataya ba akong tanggapin ang kalooban ng Diyos kung loobin Niyang hindi ako gumaling? Kung malapit na ang oras kong pumasok sa daigdig ng mga espiritu sa pagkamatay ko, handa ba akong pasakop at tanggapin ito?”
Sabi pa ni John: “Ang magkaroon ng pananampalatayang hindi gumaling ay tila salungat sa likas na inaasahan; ngunit binago ng pananaw na iyan ang paraan ng pag-iisip naming mag-asawa at tinulutan kaming magtiwala nang lubusan sa plano ng Ama para sa amin. Nalaman namin na kailangan naming magkaroon ng pananampalataya na ang Panginoon ang bahala anuman ang kalabasan nito, at gagabayan Niya kami mula sa aming kinaroroonan tungo sa kailangan naming kalagyan. Nang manalangin kami, ang pagsamong ‘Pagalingin po Ninyo ako’ ay naging ‘Bigyan po Ninyo ako ng pananampalatayang tanggapin anuman ang kalabasan ng naiplano Ninyo para sa akin.’
“Natiyak ko na dahil si Elder Bednar ay isang Apostol, babasbasan niya ang mga sangkap ng aking katawan para muling umayos ito, at tatalon ako mula sa kama at magsisimulang sumayaw o ano pa mang tulad nito! Ngunit nang basbasan niya ako nang araw na iyon, nagulat ako na ang mga salitang binigkas niya ay halos katulad ng sinabi ng aking ama, ng aking biyenan, at ng mission president ko. Natanto ko na sa huli ay hindi mahalaga kung kaninong mga kamay ang nakapatong sa aking ulo. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi nagbabago, at ang Kanyang kalooban ay ipinaaalam sa bawat isa sa atin at sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod.”
Pagsulat ni Heather: “Magkakahalong damdamin ang nadama ko sa araw na ito. Nakumbinsi ako na ipapatong ni Elder Bednar ang kanyang mga kamay sa ulo ni John at lubusan siyang pagagalingin mula sa kanser. Alam ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood ay maaari siyang gumaling, at iyan talaga ang gusto kong mangyari. Matapos niya kaming turuan tungkol sa pananampalatayang hindi gumaling, takot na takot ako. Hanggang sa puntong iyon, hindi ko natanggap kailanman na maaaring kasama sa plano ng Panginoon ang pagpanaw ng aking asawa. Ang pananampalataya ko ay nakabatay sa mga nais kong kalabasan nito. Sa isang banda, hindi matalinong gawin ito. Bagama’t nakakatakot noong una, ang ideya na magkaroon ng pananampalatayang hindi gumaling ay pumawi sa aking pag-aalala. Dahil dito nagkaroon ako ng lubos na tiwala na mas kilala ako ng Ama sa Langit kaysa sa pagkakakilala ko sa aking sarili at gagawin Niya ang pinakamabuti para sa amin ni John.”
Ibinigay ang basbas, at lumipas ang mga linggo, buwan, at taon. Himalang gumaling ang kanser ni John. Nakatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho. Patuloy na pinatatag nina John at Heather ang kanilang relasyon at masayang nagsama.
Kalaunan ay nakatanggap ako ng isang liham mula kina John at Heather na nagsasabing umulit ang kanser. Nagpasimulang muli ang chemotherapy at itinakda ang operasyon. Paliwanag ni John: “Ang balitang ito ay hindi lamang namin ikinalungkot ni Heather, kundi nagulumihanan pa kami rito. Mayroon ba kaming hindi nalaman noong una? May iba pa bang inasahan ang Panginoon mula sa amin?
“Kaya’t nagdasal ako at humingi ng kalinawan at tulong sa Panginoon na ipaunawa sa akin kung bakit umulit ang kanser. Isang araw habang binabasa ko ang Bagong Tipan ay natanggap ko ang sagot. Binasa ko ang salaysay tungkol kay Cristo at sa Kanyang mga Apostol sa dagat nang dumating ang bagyo. Sa takot na tumaob ang bangka, lumapit ang mga disipulo sa Tagapagligtas at nagtanong, ‘Guro, wala bagang anuman sa iyo na mapahamak tayo?’ Ganito mismo ang nadama ko! Wala bagang anuman sa iyo na may kanser ako? Wala bagang anuman sa iyo na gusto naming bumuo ng isang pamilya? Ngunit habang binabasa ko ang kuwento, natagpuan ko ang sagot. Tumingin sa kanila ang Panginoon at sinabing, ‘Oh kayong kakaunti ang pananampalataya,’ at iniunat ang Kanyang kamay at pinayapa ang mga tubig.
“Sa sandaling iyon ay kinailangan kong itanong sa aking sarili, ‘Naniniwala nga ba ako rito? Naniniwala nga ba ako na pinayapa Niya ang mga tubig nang araw na iyon? O maganda lang basahin ang kuwentong ito?’ Ang sagot ay: Naniniwala ako, at dahil alam kong pinayapa niya ang mga tubig, agad kong nalaman na mapapagaling Niya ako. Hanggang sa sandaling ito, nahirapan akong tanggapin na kailangan kong manampalataya kay Cristo at na mangyayari ang Kanyang kalooban. Magkahiwalay ang tingin ko sa mga ito, at kung minsan pakiramdam ko ay magkasalungat ang dalawang ito. ‘Bakit ako dapat manampalataya kung sa huli ay kalooban Niya ang mananaig,’ tanong ko? Pagkatapos ng karanasang ito, nalaman ko na ang pagkakaroon ng pananampalataya—sa kalagayan ko man lang—ay hindi ang pagkaalam na pagagalingin Niya ako, kundi na mapapagaling Niya ako. Kinailangan kong maniwala na magagawa Niya, at nasa Kanya na kung mangyari man ito.
“Nang manalig ako sa dalawang ideyang iyon, pananampalatayang nakatuon kay Jesucristo at lubusang pagtanggap sa Kanyang kalooban, mas napanatag at napayapa ako. Talagang kagila-gilalas na makita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay. Naging maayos ang lahat, nangyari ang mga himala, at patuloy kaming nakadarama ng pagpapakumbaba na makita ang plano ng Diyos para sa amin.”
Ang kabutihan at pananampalataya ay mga kasangkapan sa pag-aalis ng mga balakid—kung ang pag-aalis ng mga balakid ay nagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, at lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Sa gayon, kahit malakas ang ating pananampalataya, maraming balakid ang hindi maaalis. At hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay gagaling. Kung lahat ng oposisyon ay lilimitahan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.
Marami sa mga aral na dapat nating matutuhan sa mortalidad ang matatanggap sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nararanasan at pinagdurusahan natin kung minsan. At umaasa at nagtitiwala ang Diyos na haharapin natin ang pansamantalang paghihirap sa buhay sa tulong Niya upang matutuhan natin ang dapat nating matutuhan at sa huli ay marating ang dapat nating marating sa kawalang-hanggan.
Ang Ibig Sabihin ng Lahat ng Bagay
Ang kuwentong ito nina John at Heather ay kapwa karaniwan at di-pangkaraniwan. Kinakatawan ng bagong mag-asawang ito ang milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw na matatapat at tumutupad ng mga tipan sa iba’t ibang panig ng mundo na sumusulong sa makipot at makitid na landas nang may matatag na pananampalataya kay Cristo at may ganap na kaliwanagan ng pag-asa (tingnan sa 2 Nephi 31:19–20). Sina John at Heather ay hindi naglilingkod sa mataas na katungkulan sa Simbahan, hindi sila kamag-anak ng mga General Authority, at kung minsan ay mayroon silang mga pag-aalinlangan at pangamba. Sa marami sa mga aspetong ito, karaniwan lang ang kasaysayan nila.
Ngunit ang lalaki at babaeng ito ay pinagpala sa pambihirang mga paraan upang matuto ng mahahalagang aral para sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng hirap at pasakit. Ibinahagi ko ang kuwentong ito sa inyo dahil naunawaan nina John at Heather, na katulad lang ng napakarami sa inyo, na mas mahalagang hindi manliit o sumuko kaysa manatiling buhay. Dahil dito, ang karanasan nila ay hindi lang tungkol sa buhay at kamatayan; sa halip, tungkol ito sa pagkatuto, pamumuhay, at pagiging uri ng tao na dapat nilang kahinatnan.
Para sa marami sa inyo, ang kasaysayan nila ay nangyari na o maaaring mangyari sa inyo. Kayo ay nahaharap, naharap, o haharap pa lang sa gayunding mga hamon sa buhay nang may tapang at espirituwal na pananaw na tulad nila John at Heather. Hindi ko alam kung bakit natututuhan ng ilang tao ang mga aral ng walang-hanggan sa pamamagitan ng pagsubok at pagdurusa—habang ang iba naman ay natutuhan din ang mga aral na ito sa pagkaligtas at paggaling. Hindi ko alam ang lahat ng dahilan, ang lahat ng layunin, at hindi ko alam ang lahat tungkol sa takdang panahon ng Panginoon. Tulad ni Nephi, masasabi nating “hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).
Ngunit may ilang bagay na tiyak na alam ko. Alam ko na tayo ay mga espiritung anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Alam ko na ang Amang Walang Hanggan ang may-akda ng plano ng kaligayahan. Alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam kong isinagawa ni Jesus ang plano ng Ama sa pamamagitan ng Kanyang sukdulan at walang-hanggang Pagbabayad-sala. Alam ko na ang Panginoon, na “naghirap sa burol ng kalbaryo”2 ay matutulungan at mapapalakas ang “kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). At alam ko na ang isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng mortalidad ay ang hindi manliit o sumuko at pagpayag na ang ating kalooban ay “[mapasakop] sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7).
Kahit hindi ko alam ang lahat tungkol sa kung paano at kailan at saan at bakit nangyayari ang mga pagpapalang ito, pinatototohanan ko na tunay ang mga ito. At alam ko na kapag sumulong kayo sa inyong buhay na may matatag na pananampalataya kay Cristo, magkakaroon kayo ng kakayahan upang hindi manliit o sumuko.