Mga Kabataan
Pagbabahagi ng Walang-Hanggang Kaligayahan
Ang isa sa pinakamagagandang bagay tungkol sa ebanghelyo ay ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan. May napakagandang pagkakataon tayong makapiling nang walang hanggan ang ating pamilya. Ang kaalamang iyan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng pag-asa tuwing nahihirapan tayo sa mundo. Itinuro ni Pangulong Eyring, “Alam ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang nilalaman ng ating puso. Ang Kanyang layunin ay bigyan tayo ng kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Kaya nga inialay Niya ang Kanyang Anak para makapagpatuloy ang kagalakan na mabigkis ang mga pamilya magpakailanman. … Isang alay ito na maaaring kamtin ng bawat anak ng Diyos na pumaparito sa daigdig.”
Ang pagpapalang iyan ay angkop sa atin na nabubuhay ngayon at sa mga pumanaw na—ngunit sa pamamagitan lamang ng ating tulong. Ang ating mga ninuno ay nasa daigdig ng mga espiritu ngayon, at naghihintay na ihanda natin ang kanilang pangalan upang maisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila. Ngunit kung minsa’y maaaring mahirap itong gawin para sa kanila. Maaaring masyado tayong abala, o napakalayo ng ating tirahan sa templo para makapunta nang napakadalas.
Mabuti na lang, may iba pang mga paraan para matulungan natin ang ating mga ninuno, gaya ng paggawa ng family history, pag-index, o pag-babysit para sa ating mga magulang habang nasa templo sila. Sa pagtulong, naglilingkod tayo sa Panginoon at inihahatid ang pag-asa na magkaroon ng mga walang-hanggang pamilya ang mga nasa kabilang panig ng tabing.