Mga Pagninilay
Sampung Dahilan Kung Bakit Mahal Ko ang Aklat ni Mormon
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Bilang pangalawang saksi ni Jesucristo, ang kahanga-hangang aklat na ito ay nagtuturo ng mga konsepto at doktrinang hindi matatagpuan saanman.
Mahal ko ang Aklat ni Mormon. Sa pangkalahatan, mahal ko ito dahil sa kapangyarihan nitong dalhin ang mga mambabasa nito nang “[mas malapit] sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.” Marahil iyan ang dahilan kaya ito tinukoy ni Propetang Joseph Smith na “saligang bato ng ating relihiyon” at “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo.”1
Ngunit mahal ko ang aklat dahil din sa mga partikular na dahilan. Narito ang 10 sa maraming dahilan:
Ang Aklat ni Mormon ay …
-
Itinala sa isang panahon ng kasaysayan para magamit ng mga mambabasa sa ibang panahon—sa panahon natin. Tingnan sa Mormon 8:16, 34–35.
-
Malinaw na naglalarawan ng mga paraan ni Lucifer sa pagpapalaganap ng kaguluhan sa mga huling araw. Tingnan sa 2 Nephi 28:3–29.
-
Nagpapahayag na ang kahinaan ng tao ay pagkakataon para mapalakas, na nangangailangan ng pagpapakumbaba sa paglapit kay Cristo. Tingnan sa Eter 12:27.
-
Binigyang-kahulugan ang pag-ibig sa kapwa-tao bilang dalisay na pag-ibig ni Cristo at isang banal na kaloob na makakamtan natin sa pagsunod sa partikular na mga hakbang. Tingnan sa Moroni 7:43–48.
-
Nililinaw na kailangang may pagsalungat sa lahat ng bagay. Tingnan sa 2 Nephi 2:11–13.
-
Malinaw na nagtatala ng mga sitwasyon kung saan maaaring matugunan ng awa ang hinihingi ng katarungan. Tingnan sa Alma 34:11–30.
-
Nagtatala ng dalawang grupo ng mga tao na binigyan ng partikular na mga tagubilin na pag-aralan ang mga salita ni Isaias, at isa na tayo roon. Tingnan sa 2 Nephi 25:4–8; Mormon 8:23.
-
Nagsisilbing katuwang ng Biblia sa pagsaksi sa kaugnayan ng Diyos sa sangkatauhan, ayon sa inilahad sa isang propesiya sa Lumang Tipan. Tingnan sa Ezekiel 37:15–20; 2 Nephi 28:29; 29:3–8.
-
Naglalaman ng pangako na kung babasahin at ipagdarasal natin ito nang taos-puso, nang may pananampalataya kay Cristo, ihahayag sa atin ng Panginoon na ito ang Kanyang salita. Tingnan sa Moroni 10:4–5.
-
Nagtuturo na ang pagdurusa ng Tagapagligtas ay nagbigay sa Kanya ng lubos na pagdamay at habag sa ating mga pagsubok at ng kakayahang tulungan tayo kapag nahihirapan tayo sa mga ito. Tingnan sa Alma 7:11–13.
Higit sa lahat, mahal ko ang Aklat ni Mormon dahil sa malinaw na patotoo nito na si Jesus ang Cristo. Mahal ko ito dahil sa pangako nito na kalaunan ay tutubusin ng Panginoon ang buong sambahayan ni Israel kapag sila ay gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya. Ang Aklat ni Mormon ay isang makabagong himala—isang handog ng pagmamahal sa atin ng Diyos mismo.