Paglilingkod sa Simbahan
Isang Mas Magandang Regalo
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Hindi lang kami tinuruan ni Brother Reynolds—minahal niya kami.
Sa huling taon ko sa Primary nagkaroon kami ng bagong guro: si Brother Reynolds. May puting-buhok na siya at mga kulubot, at nagkuwento siya tungkol sa panahon ng Depression at sa paglilingkod niya sa U.S. military noong World War II. Noong una hindi ko gaanong inintindi ang mga kuwento niya—nakakainip ang mga ito at napakatagal nang nangyari.
Minsan magulo kami ng mga kaibigan ko sa klase. Hinila ako ni Brother Reynolds sa tabi at diretsahan akong kinausap. Pinakiusapan lang niya ako na magpakabait at sinabihan ako na gusto niya ang pinakamabuti para sa akin. Bago iyon, hindi kami gaanong nakikinig ng mga kaibigan ko. Pero hindi nagtagal may nalaman kaming espesyal tungkol kay Brother Reynolds—napakalaki ng malasakit niya sa amin, at gusto lang niyang mahalin kami.
Palaging nagpapatotoo si Brother Reynolds tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagniningning ang kanyang mga mata kapag tinuturuan niya kami tungkol sa kapangyarihan ng pamumuhay na nakasentro kay Cristo. Ang mga kuwento niya ay naging tunay na mga pakikipagsapalaran na nagbigay-inspirasyon sa aming imahinasyon at ginusto naming maglingkod sa Panginoon.
Naaalala ko pa ang isang araling itinuro niya tungkol kay Propetang Joseph Smith at kung paano siya nagpatotoo na minsa’y naging bata rin si Joseph na katulad namin. May luha sa kanyang mga mata, sinabi niya sa amin na malaki ang inaasahan ng Panginoon sa amin, tulad ng inasahan Niya kay Joseph. Sinabi ni Brother Reynolds na gagawa tayong lahat ng mahahalagang bagay sa ating buhay, at mababago pa natin ang mundo, kung magiging katulad tayo ni Joseph at mananatiling malapit sa Tagapagligtas.
Makalipas ang ilang taon noong hayskul na kami ng mga kaibigan ko, nalaman namin na kailangang tabasan ang mga puno ng apricot ni Brother Reynolds. Masaya naming tinabasan ang mga puno, na inabot ng ilang oras na pag-akyat sa hagdanan at pagpuputol. Mahirap na trabaho, pero alam namin na mahalaga iyon kay Brother Reynolds.
Noong taon na iyon nalaman din namin na nangailangan si Brother Reynolds ng bagong kopya ng mga banal na kasulatan. Luma na ang kanyang aklat, lukut-lukot, at tanggal-tanggal na ang mga pahina. Pinagsama-sama namin ang aming pera at ibinili siya ng magandang leather quad na may nakaukit na pangalan niya. Ibinigay namin iyon sa kanya sa ward Christmas party namin. Hinding-hindi ko malilimutan na nagliwanag ang kanyang mukha at kumislap ang luha sa kanyang mga mata at natuwa siya nang makita na may ginawa kaming mga bata na napakahalaga sa kanya.
Nang magkolehiyo na ako makaraan ang ilang taon, nalaman ko na pumanaw na si Brother Reynolds. Binisita ko ang kanyang asawa at pamilya para ipadama ang malaking paggalang at pasasalamat ko sa kanya. Nang makita ko ang lahat ng masasaya niyang anak at apo, natanto ko kung gaano ako kapalad na makilala ang magiting na lalaking ito.
“Minahal niya kayong mga bata,” sabi ni Sister Reynolds na lumuluha at nakangiti. “Minahal niya kayo talaga.”
Sa isang mundo kung saan mahirap magtuon sa mga tamang bagay, ipinakita sa amin ni Brother Reynolds na ang aming kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak ang pinakamahalaga. Maaaring natabasan namin ang mga puno ni Brother Reynolds at nabigyan siya ng bagong kopya ng mga banal na kasulatan, pero mas maganda ang ibinigay niya sa amin: isang walang-kupas na pagmamahal para sa Tagapagligtas na si Jesucristo.