Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Trabaho: Malaking Pananampalataya, Kaunting Kagamitan
Lenine Santiago Duarte Nazareno, Salvador, Bahia, Brazil
Nang ikasal kaming mag-asawa, wala akong trabaho. Kakaunti ang kagamitan namin, pero nag-iibigan kami at malaki ang aming pananampalataya.
Nang magkatrabaho ako sa wakas, kinailangan kong magtrabaho tuwing Linggo ng hapon. Nangako ako sa Panginoon na hindi ako magtatrabaho sa Kanyang araw. Ngunit responsibilidad ko pa ring buhayin ang aking pamilya. Magkagayunman, hindi nawaglit sa isipan ko ang pangakong ginawa ko.
Dumating ang sagot nang sumunod na Linggo habang kinakanta ang “Salubungin, Araw ng Pangilin” (Mga Himno, blg. 17) at natanto ko ang kahalagahan ng araw ng Sabbath. Nang malaman ko na hindi ako puwedeng magpapalit ng iskedyul, nagbitiw ako sa trabaho. Patuloy kaming nabuhay, na naniniwala na hindi kami pababayaan ng Panginoon. Nagtrabaho ang asawa ko para buhayin kami, at isinilang ang unang anak naming si Saria. Samantala, nag-aral ako ng kursong electronic mechanics, gamit ang Perpetual Education Fund. Wala pa ring dumating na trabaho.
Kinailangang magtrabahong muli ng asawa ko tatlong buwan matapos isilang si Saria, ngunit masyadong nangulila sa kanya ni Saria. Nanalangin kami upang malaman kung ano ang gagawin at nagpasiya siyang magbitiw sa trabaho. Parang pabigla-bigla, pero nadama namin na iyon ang nararapat naming gawin. May apat na buwan kaming unemployment insurance para makapaghanap ako ng ibang trabaho, at pinagpala ako ng Panginoon na makakita ng pansamantalang trabaho.
Nang isilang ang pangalawa naming anak na si Amanda, sa wakas ay nakakuha ako ng technical apprenticeship, ngunit hirap pa rin kami. Kakaunti pa rin ang kagamitan namin at wala pa ring matatag na trabaho. Kinuha ko ang professional self-sufficiency course na inalok ng Simbahan nang dalawang beses. Ginawa ko ang lahat, bagama’t hindi sapat ang kaunting kita ko para sa mga pangunahing pangangailangan namin.
Makalipas ang labinlimang buwan matapos kong simulan ang aking apprenticeship, napasok ako sa trabaho ko ngayon. Isa na akong technician ngayon sa electrical energy measurement sa isang malaking shopping center. Nagtatrabaho ako mula Lunes hanggang Biyernes, na itinuturing kong isang himala sa industriyang ito. Lahat ng ibang kasamahan ko ay nagtatrabaho tuwing Linggo at pista-opisyal. May health insurance at mga kagamitan na kami! Alam ko na napunta ako rito sa tulong ng Panginoon at ng Perpetual Education Fund. Alam ko na kung gagawin natin ang ating bahagi, laging gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi, at patuloy nating matutustusan ang ating sarili.