Iniligtas Ako ng Aking Kapatid
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Nang mag-12 anyos ang kapatid kong si Tanner, niyaya ko siyang sumama sa akin sa templo. Hindi ko alam na kakailanganin namin nang husto ang suporta ng bawat isa sa darating na mga taon.
Malapit na akong mag-12 anyos nang ilaan ang Twin Falls Idaho Temple. Nasabik ako nang tanungin ako ng ate ko kung gusto kong magsimulang sumama nang regular sa kanila ng kaibigan niya sa templo.
Masaya ako nang mag-12 anyos si Tanner pagkaraan ng tatlong taon dahil sa wakas ay mayayaya ko na siyang sumama sa akin sa templo.
Bawat umaga noon na nagpupunta kami sa templo, nagtutulungan kami sa paggising at paghahanda, at kapag pagod na kami ay binibiro kami ni Tanner para tulungan kaming bumangon. Pagkatapos naming pumunta sa templo, pinag-uusapan namin kung ano ang pakiramdam namin sa loob ng templo at ano ang naisip namin.
Ang pagpunta namin ni Tanner sa templo ang nagpapasaya sa buong linggo ko. Sa regular naming pagpunta sa templo naging mas matalik kaming magkaibigan, na nagpalakas sa akin nang higit pa sa inaakala ko nang magdaan ako sa mga pagsubok. Umalis na sa bahay namin ang dalawang ate namin para mag-aral sa kolehiyo at kahahati pa lang ng ward namin, kaya kami na lang ni Tanner ang kabilang sa aktibong mga kabataan sa ward namin.
Gumugol kami ni Tanner ng maraming oras sa katatawag at kakaimbita sa di-gaanong aktibong mga kabataan sa simbahan at Mutual. na magsimba at dumalo sa Mutual. Pero madalas ay parang walang pag-asa ang pagsisikap namin dahil walang dumating ni isa kahit marami pa akong kinaibigang babae.
Sinubukan kaming tulungan ng mga magulang namin. Nagpapatotoo sila sa amin kapag pinanghihinaan kami ng loob, at hinahayaan nila kaming maglabas ng sama-ng-loob kapag umuwi kaming galit. Magkagayunman, hindi kami madaling nagkaroon ng maraming kaibigan sa simbahan, at mas lalo akong nahirapang gustuhing dumalo na ako lang mag-isa ang naroon. Nagsimulang dumalang ang pagpunta namin sa templo dahil naging abala kami sa eskuwela.
Gumugol ako ng maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagsamo sa Diyos na patatagin ako. Malungkot ako at pagod na—pagod na sa pag-iisa, pagod na sa mga pagsisikap ko na hindi naman nakakagawa ng kaibhan, pagod na sa espirituwal at emosyonal na paghihirap.
Sa panahong ito, nagtatrabaho ako bilang lifeguard sa city pool. Mas gusto ko pang naroon ako kaysa nasa simbahan dahil kaibigan ko ang mga katrabaho ko at palagi silang natutuwang makita ako. Isang araw nagpasiya akong huwag nang dumalo sa Mutual dahil mas masaya sa trabaho at mas nagkakapera ako rito.
Inisip ko na hindi naman ito masama hanggang sa mapansin ko na bumababa na ang mga pamantayan ko. Wala akong sinabi tungkol sa pagmumura ng mga kaibigan ko, at isang araw ay nagulantang ako nang hindi sinasadyang makapagmura ako samantalang hindi ko pa nagawa iyon kahit kailan. Nanood pa nga ako ng malaswang pelikula isang gabi sa isang party kasama ang mga kaibigan kong lifeguard. Hiyang-hiya ako sa sarili ko at nagtaka ako sa ginawa ko.
Samantala, sinabi na sa akin ng mga magulang ko kung gaano mas nalungkot si Tanner mula nang tumigil ako sa pagdalo sa Mutual. Linggu-linggo tinatanong niya ako, “Hoy, pupunta ka ba sa Mutual ngayong gabi?” Kapag umuuwi siya mula sa Mutual, dumidiretso siya kaagad sa kuwarto niya at nagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan nang matagal. Hindi na siya gaanong nagsasalita, at kapag tinatanong ko kung OK siya, sinasabi lang niyang, “Hindi” at umaalis na.
Isang gabi umuwi siyang umiiyak dahil pakiramdam niya ay nag-iisa siya.
Noon ako nagpasiya na kailangan kong bumalik. Hindi na bale kung gaano ako nahirapang mapag-isa; kailangan ako ni Tanner.
Dumadalo si Tanner sa family history class sa simbahan, at ipinasiya kong dumalo rin para magkasama kami. Gusto naming simulang muli ang pagpunta sa templo nang regular, at ngayon ay kami na mismo ang maghahanap ng mga pangalan.
Masaya kaming magkasama sa klase tuwing Linggo. Matapos ang simba, sabay kaming naghahanap ng mga pangalan ng aming mga ninuno. Ang pinakamaganda sa pagdadala sa templo ng nahanap namin mismong mga pangalan ay na magkasama namin iyong nahanap, at ang mas maganda, nasuportahan namin ang isa’t isa sa simbahan at masaya pa kami sa simbahan dahil ginagawa namin ang gawain ng Panginoon.
Ang masigasig na pagsisimba at pagdalo ni Tanner sa Mutual ay naging mabisang halimbawa sa akin. May patotoo ako sa ebanghelyo, pero tinulungan niya akong magkaroon ng patotoo tungkol sa pagdalo sa mga miting at aktibidad ng simbahan.
Nagawa naming panatagin ang isa’t isa at ginamit namin ang aming patotoo tungkol sa templo para tulungan ang isa’t isa na maging matatag sa Simbahan. Dumami ang mga kabataang nagsisimba at dumadalo sa Mutual, pero naging mas matatag kami ni Tanner at mas nakayanan naming pasanin ang aming mga problema nang tulungan namin ang isa’t isa na sumulong.
Tuwang-tuwa ako na niyaya ko siyang sumama sa akin sa templo. Kahit tiyak ko na nakatulong ito sa kanya, alam ko na iniligtas ako nito.