Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Mga Himala
Mula sa “Miracles,” New Era, Hunyo 1975, 39–44, isang artikulong hinango sa mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University noong Pebrero 18, 1953. Pinagpare-pareho ang pagbabantas, pagpapalaki ng mga titik, at kaayusan ng mga talata o parapo.
“Ipatawag ninyo ang mga elder; hindi maganda ang pakiramdam ko.”
Mahigit isang taon na ang nakalipas isang mag-asawa ang dumating sa aking opisina na karga ang isang batang lalaki. Sinabi sa akin ng ama, “Dalawang araw na kaming nag-aayuno ng asawa ko, at dinala namin dito ang anak namin para mabasbasan. Sa inyo po kami pinapunta.”
Sabi ko, “Ano’ng nangyari sa kanya?”
Sinabi nila na isinilang ang bata na bulag, pipi, at bingi, walang koordinasyon ang mga kalamnan, ni hindi makagapang sa edad na limang taon.
Sabi ko sa sarili ko, “Ito na. ‘Ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno’ [tingnan sa Mateo 17:21].” Lubos ang pananalig ko sa pag-aayuno at mga panalangin ng mga magulang na iyon. Binasbasan ko ang batang iyon, at makalipas ang ilang linggo ay nakatanggap ako ng liham: “Brother Cowley, sana makita mo ang anak namin ngayon. Gumagapang na siya. Kapag naghahagis kami ng bola sa kabilang dulo ng silid, hinahabol niya ito gamit ang kanyang mga kamay at tuhod. Nakakakita na siya. Kapag pumalakpak kami sa ulunan niya tumatalon siya. Nakakarinig na siya.”
Sabi ng mga doktor noon wala na silang magagawa. Ang Diyos ang gumawa ng paraan. …
Ipinatawag ako sa isang tahanan sa munting nayon sa New Zealand isang araw. Doo’y inihahanda ng kababaihan ng Relief Society ang bangkay ng isa sa ating mga Banal. Nailagay na nila ang bangkay sa harapan ng malaking bahay, tulad ng tawag nila rito, kung saan nagpupunta ang mga tao upang managhoy at mag-iyakan at magluksa sa patay, nang nagmamadaling pumasok ang kapatid na lalaki ng pumanaw. Sabi niya, “Bigyan ninyo siya ng basbas.”
At sabi ng mga batang katutubo, “Bakit, hindi mo dapat gawin iyan. Patay na siya.”
“Ikaw ang gumawa!”
… May kasama akong [isang tapat na matandang Maori]. … Lumuhod ang batang katutubo at pinahiran ng langis ang lalaking ito. Pagkatapos ay lumuhod ang matandang pantas na ito at binasbasan ang lalaki at inutusang magbangon.
Nakita mo sana na nagtakbuhan ang kababaihan ng Relief Society. Umupo siya at sinabing, “Ipatawag mo ang mga elder; hindi maganda ang pakiramdam ko.” … Sinabi namin sa kanya na kababasbas lang sa kanya, at sinabi niya, “Ah, kaya pala.” Sabi niya, “Patay na ako. Nadama ko na bumalik sa akin ang buhay na parang inilaladlad na kumot.” Nabuhay pa siya nang mas matagal kaysa sa kapatid niyang pumasok at nagsabi sa amin na bigyan siya ng basbas. …
Talagang kontrolado ng Diyos ang lahat ng elementong ito. Maaari tayong tumulong, at kung loloobin Niya, magagawa nating kontrolin ang mga elementong iyon para sa Kanyang mga layunin.