Mensahe sa Visiting Teaching
Sama-samang Pangangalaga sa mga Pamilya
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano palalakasin ng pag-unawa sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang “mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak.”1 “Ang tahanan ang lugar kung saan tayo natututong magmahal at maglingkod,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Nais ng ating Ama sa Langit na maging tapat sa isa’t isa ang mga mag-asawa at pahalagahan at ituring ang kanilang mga anak bilang pamana mula sa Panginoon.”2
Sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Jacob na ang pagmamahal ng mga lalaki sa kanilang asawa, ang pagmamahal ng mga babae sa kanilang asawa, at ang pagmamahal ng mag-asawa para sa kanilang mga anak ay isa sa mga dahilan kaya minsa’y naging mas matwid ang mga Lamanita kaysa sa mga Nephita (tingnan sa Jacob 3:7).
Ang isa sa pinakamagagandang paraan para makahikayat ng pagmamahalan at pagkakasundo sa ating tahanan ay makipag-usap nang marahan sa ating mga kapamilya. Ang pakikipag-usap nang marahan ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo. Hiniling ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, na isipin natin ito: “Gaano kadalas ba tayo sadyang ‘na[kikipag-usap] nang marahan sa isa’t isa’?”3
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mga Taga Roma 12:10; Mosias 4:15; Doktrina at mga Tipan 25:5
Mga Kuwento ng Buhay
Ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang karanasan noong bata pa siya na nagkintal sa kanyang isipan ng kahalagahan ng isang mapagmahal na pamilya. Noong bata pa sila ng kanyang mga kapatid na lalaki, inoperahan ang kanilang ina sa malalang kanser kaya lubha siyang nasasaktan kapag ginagamit niya ang kanyang kanang braso. Sa isang pamilya na puro lalaki ang mga anak, napakaraming plantsahin, pero kapag nagpaplantsa ang kanyang ina, madalas itong tumigil at magpunta sa kuwarto para umiyak hanggang sa mawala ang sakit.
Nang matanto ng ama ni Elder Christofferson ang nangyayari, halos isang taon itong lihim na hindi nananghali para makaipon ng sapat na perang pambili ng washing machine kaya mas madali nang magplantsa. Dahil mahal niya ang kanyang asawa, nagpakita siya ng halimbawa ng pangangalaga sa mga pamilya para sa kanyang mga anak. Sa magiliw na pakikipag-ugnayang ito, sinabi ni Elder Christofferson, “Hindi ko batid noon ang sakripisyo at pagmamahal ni Itay sa aking ina, pero ngayong alam ko na, sinasabi ko sa sarili ko, ’Yan ang lalaki.’”4