Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Pagtulong sa mga Kabataan na Magturo
Kailangang magturo ang mga kabataan, at sa kaunting tulong, makakapagturo sila nang maayos.
Kailangang magturo ang mga kabataan. Nilinaw ito ng Panginoon nang ilista Niya ang mga tungkulin ng isang saserdote (priest):
“Ang tungkulin ng saserdote ay mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag, at pangasiwaan ang sakramento.” (D at T 20:46; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa sumunod na ilang talata ipinagkaloob ng Panginoon sa mga teacher at deacon ang tungkuling magturo at magpaliwanag (tingnan sa D at T 20:58–59). Ang totoo ay lahat ng ating kabataang lalaki at babae ay kailangan ng pagkakataong magturo paminsan-minsan.
Ang mga Pakinabang ng Pagtuturo ng mga Kabataan sa iba Pang mga Kabataan
Si Jesucristo ang perpektong guro. Natutulungan ng pagtuturo ang mga kabataan na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya. Inihahanda rin sila ng pagtuturo na maging mga missionary, magulang, at lider sa Simbahan. Kapag nagtuturo ang mga kabataan, kailangan nilang pag-aralan ang ebanghelyo at ipamuhay ito. Kailangan ding mapasakanila ang Espiritu para makapagturo (tingnan sa D at T 42:14). Dahil dito, ang mga kabataang guro kadalasan ang mas natututo at nagkakaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa paksa kaysa sa mga miyembro ng klase.
Bukod pa riyan, ang mga kabataang nagtuturo ay nagkakaroon ng tiwala, natututo ng mga kasanayan sa pagtuturo, at nagsisimulang makilala ang hindi nila alam. Ang mga kabataang nagkaroon na ng pagkakataong maging guro ay natututo ring maging mas magagaling na estudyante at miyembro ng klase.
Bukod pa riyan, pinagpapala rin ang mga kabataang tinuturuan. Ang mga kabataan ay kadalasang mas nakikinig at nakikibahagi kapag kaedad nila ang nagtuturo. Tumitibay ang mga pagkakaibigan kapag tinalakay ng mga kabataan ang mga paksa ng ebanghelyo nang may Espiritu. At ang mga kabataan ay kadalasang mas nagkakatulungan sa paglutas ng mga karaniwang problema.
Paano Matutulungan ng mga Adult Leader na Magtagumpay ang mga Kabataan?
Kapag nagtuturo ang mga kabataan, responsibilidad ng mga adult leader na tiyaking angkop ang kanilang pag-uugali at espirituwal ang kapaligiran.
Sinusunod ng mga adult leader ang Espiritu kapag inaanyayahan ang mga kabataan na magturo.1 Ang ilang kabataan ay hindi handang magturo, at kailangang ingatan ng mga lider na hindi maging asiwa ang mga kabataang ito. Ang iba pang mga kabataan ay maaaring handang magturo ng bahagi lang ng isang lesson, ngunit ang iba ay kayang ituro ang buong lesson. Samantalang ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng kahit isang bahagi sa pagtuturo ng karamihan sa mga lesson, hindi nararapat na sila ang magturo ng bawat lesson. Sa maliliit na klase, hindi dapat pagturuin nang napakadalas ang mga kabataan. Ang ilang lesson, lalo na tungkol sa mahihirap na paksa, ay pinakamainam na ituro ng mga adult. Bukod pa rito, kailangang makita ng mga kabataan ang mga adult leader na maging halimbawa ng mga tamang alituntunin sa pagtuturo.
Ang mga adult leader o mga magulang ay dapat turuang isa-isa ang mga kabataan para matulungan silang ihanda ang kanilang mga lesson. Ang tulong na ito ay kinabibilangan ng paghiling sa mga kabataan na basahin ang lesson kahit isang linggo lang bago magklase,2 na iminumungkahing magdasal sila para malaman kung ano ang gusto ng Ama sa Langit na ituro nila, gumawa ng lesson plan, at magpraktis na ituro ang lesson na kasama sila. Kapag tumanggap ng paghahayag ang mga kabataan habang naghahanda sila, matutulungan sila ng mga lider na makilala ito.
Matutulungan ng mga adult leader ang mga kabataang guro na bumuo ng mga tanong na hihikayat ng talakayan, mag-aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo, at tutulong sa mga estudyante na tuklasin nila mismo ang katotohanan. Maaari ding tulungan ng mga lider ang mga kabataan na matutong tumahimik matapos magtanong para bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na makatanggap ng paghahayag.
Sa oras ng klase, maaaring magbahagi ang mga adult leader ng mga personal na karanasan at patotoo na makakatulong sa mga kabataan na makita na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga hamon at bigyan sila ng pag-asa na madaig ang mga ito. Kailangan ng mga kabataan ang karunungan at karanasang iniaalok ng mga adult leader. Dapat ding linawin ng mga lider ang doktrina kapag kailangan.
Iniiwasan ng mga adult leader na humalili sa pagtuturo kahit nahihirapan ang kabataang guro. Gayunman, maaaring maghanda ang mga lider na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga materyal sa lesson bago magklase at pagdarasal kung paano nila higit na matutulungan ang kabataang guro.
Ang mga Kabataan ay Maaaring Magturo, at Magturo nang Mahusay
Kamakailan ay hinilingan akong humalili sa pagtuturo sa Sunday School class ng mga 12- at 13-taong-gulang sa ward namin. Pinakiusapan ko ang aking 13-taong-gulang na anak na si Jacob na tulungan akong magturo. Magkasama kaming gumawa ng lesson plan. Si Jacob ang nagturo sa unang kalahati ng lesson, nagpalabas ng maikling video, nagbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa aming paksa, at nagtanong ng magagandang bagay. Tinanong din ni Jacob ang mga miyembro ng klase kung ano ang nadarama nila at tinulungan silang makilala ang Espiritu Santo.
Sa huling kalahati ng klase, inutusan ko ang mga miyembro ng klase na ituro ang Unang Pangitain sa isa’t isa. Pagkatapos ay inanyayahan namin silang ituro ang Unang Pangitain sa kanilang pamilya sa family home evening. Pagkatapos ng klase nagpadala kami ng email sa mga magulang para ipaalam sa kanila ang aming paanyaya.
Nang tanungin ko si Jacob kung ano ang nadama niya tungkol sa lesson, sabi niya, “Ang galing po talaga. Alam ko pong naroon ang Espiritu kasi po akala ko hindi masasagot ng mga kaklase ko ang mga tanong natin, pero nasagot nila.”
Kailangang magturo ang mga kabataan, at matutulungan ninyo silang magtagumpay. Kapag ginawa nila ito, lalago ang kanilang patotoo, at magiging mas handa silang maging mga missionary, magulang, at lider sa Simbahan. Ang mas mahalaga, magiging higit na katulad sila ng Tagapagligtas.