2016
Paghahanap sa Diyos
August 2016


Paano Ko Nalaman

Paghahanap sa Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Santiago, Dominican Republic.

Hindi pa ako nakadama ng gayon katinding kapayapaan kailanman na tulad noong unang dumalo ako sa seminary.

searching for God

Noong walong taong gulang ako, inisip ko kung ano ang likas na katangian ng Diyos. Isang araw binasa ng aking ama ang talata sa aklat ni Santiago na nangangako na kung nagkukulang tayo ng karunungan, ay maaari tayong “humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana … at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5). Pinuspos ng mga salitang ito ang puso ko at nakintal ito sa aking isipan.

Noong mag-isa lang ako sa kuwarto ko, nagdasal ako sa Diyos, at hiniling ko sa Kanya na ipaalam sa akin kung ang dinadaluhan kong simbahan ang tamang simbahan. Gusto kong sagutin Niya ako kaagad. Pero hindi iyon nangyari. Hindi ginawa ng Diyos ang gusto ko, at nalungkot ako nang hindi Niya sinagot kaagad ang panalangin ko. Gusto kong malaman ang sagot! Akala ko sapat na ang nagawa ko.

Habang lumalaki, nagkaroon ako ng pagkakataong hanapin ang sagot sa maraming simbahan. Nang gawin ko iyon, mas lalo lang akong nalito. Magkakasalungat ang sagot nila, at hindi nila pinapansin ang mga tanong ko tungkol sa likas na katangian ng Diyos.

Makalipas ang ilang taon, sa pagod ko sa paghahanap, sinabi ko, “Walang sagot dito.”

Sinimulan kong gawin ang mga bagay na ginagawa ng ilang modernong kabataan, tulad ng pagdalo sa mga party at pakikibahagi sa maraming makamundong libangan. Bawat linggong lumipas lalong nagdilim ang buhay ko dahil hindi naging maganda ang mga desisyon ko. Inilayo rin ako ng aking masasamang gawi sa aking pamilya, na sumuporta sa akin sa tuwina.

prayer and baptism

Ngunit nagbalik ang hangarin kong magtanong sa Diyos. Nagdasal ako, “Ama, naghihintay po ako rito. Naghanap na po ako, at wala akong natagpuan. Nangako ng kasagutan ang mga banal na kasulatan, pero wala pong dumating. Tingnan po Ninyo ako. Nag-iisa po ako. Gusto kong malaman ang sagot, pero hindi ko po alam kung paano Kayo matatagpuan.”

Sa oras na iyon—hindi bago at hindi pagkatapos, kundi sa oras na kailangan ko iyon mismo—nadama kong nag-init ang aking dibdib na para bang may bulkan sa loob ko. Hindi ko mapigilang lumuha. Alam kong iyon ang sagot sa tanong ko.

Kinahapunan, noong nasa paaralan ako, inisip ko ang sagot sa akin nang tanungin ako ng matalik kong kaibigan, “Ano ang iniisip mo, Ismael?” Hindi ko sinabi sa kanya ang totoo noon, at sinabi ko na iniisip ko ang dalampasigan at na gusto kong makita ang pagsilay ng araw bukas. Inanyayahan ko siyang sumama.

“Hindi ako puwede,” sabi niya, na nakangiti.

“Bakit hindi?” tanong ko sa kanya. “Ano ba ang ginagawa mo na napakaaga?”

“Seminary,” sabi niya.

“Seminary? Ano ang seminary?” tanong ko sa kanya. Ipinaliwanag niya sa akin na mga klase iyon sa simbahan nila.

“Gaano katagal ka na bang nagsisimba?” tanong ko sa kanya, nang pagulat.

“Matagal na matagal na. Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Sinabi ko sa kanya na gusto kong sumama at makita ang ginagawa sa seminary. Alam ko sa aking kalooban na iyon ang sagot sa napakatagal ko nang dalangin.

Kinabukasan, gumising ako nang alas-5:30 n.u. at dumalo sa seminary. Laking gulat ko na pinag-aaralan nila ang Biblia. Masasabi ko na hindi pa ako nakadama ng gayon katinding kapayapaan kailanman na tulad noong pumasok ako sa gusali ng branch sa Matancita, the Dominican Republic, kung saan ibinabahagi ang dalisay na doktrina, na nakasisiya sa isang gutom na kaluluwa. Pinuspos ng mga himno ang aking puso’t isipan ng: “Ito ang katotohanan.”

“Wow,” naisip ko, “gusto kong madama ito araw-araw.” Tinanong ko kung kailan ako puwedeng bumalik, at binigyan ako ng guro, na nanay ng kaibigan ko, ng class schedule at inanyayahan akong magsimba rin sa branch tuwing Linggo.

Magmula noon, tuwing Lunes hanggang Biyernes, gumigising ako nang alas-5:30 para dumalo sa seminary at tuwing Linggo para magsimba. Hindi ako puwedeng lumiban. Natagpuan ko na ang matagal ko nang hinahanap.

Ang malungkot, walang mga missionary na magtuturo at magbibinyag sa akin. Pagkaraan ng isa’t kalahating taon at maraming panalangin, dumating ang mga missionary at itinuro nila sa akin ang lahat ng missionary lesson sa loob ng isang linggo. Naaalala ko pa ang sandaling inilubog ako sa asul na tubig ng dagat sa magandang dalampasigan sa aming nayon.

Tinatamasa ko na ngayon ang pribilehiyong hindi maging taga ibang lupa o manglalakbay (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19) kundi isang kapatid ng lahat ng tumatahak sa landas ng Panginoon, ang makipot at makitid na landas.