2016
Ang Dapat Kong Kalagyan
August 2016


Pagtayo sa Lugar na Dapat Nating Kalagyan

being where we should be

Paglalarawan ni Mark Robison

ITAAS: PAGLALARAWAN NI MARK ROBISON; KANAN: MGA PAGLALARAWAN NI ALYSSA TALLENT

Noong 11 anyos ako, tumira ako sa Manti, Utah, USA. Sa simula ng taon, nagdala ang Primary teacher ko ng maliit at magandang palakol na maaaring ipangsibak ng kahoy.

“Sinuman ang pinakamadalas na dumalo sa Primary sa taong ito ay sa kanya na ang palakol,” sabi niya. Noon din ay nagpasiya akong dumalo linggu-linggo. Sa pagtatapos ng taon, nakuha ko ang palakol!

Di-nagtagal sumapit ang ika-12 kaarawan ko. Inorden akong deacon. Sa panahong ito, lumipat ang pamilya namin sa Madison, Wisconsin, USA. Nangulila ako sa mga kaibigan ko, pero sabik din akong magkaroon ng mga bagong kaibigan. Mas malaki ang Madison kaysa sa Manti. Malaki ang bago kong paaralan. Kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan. Isang araw ay inimbitahan ako ng ilang popular na bata sa isang party. Pero kasabay ng party sa gabing iyon ang isang aktibidad ng Simbahan. Nalaman ko mula sa aking karanasan sa Primary na ang mabubuting bagay ay nangyayari kapag tapat akong dumadalo sa aking mga miting sa Simbahan. Pinasalamatan ko sila sa pag-imbita sa akin, at ipinaliwanag ko kung bakit hindi ako makakapunta.

Kinabukasan pagkatapos ng party, lahat sila sa paaralan ay ito ang pinag-uusapan. Nag-inuman sila ng alak sa party, at lahat ng dumalo ay nagkaroon ng malaking problema! Labis akong nagpasalamat na naroon ako sa dapat kong kalagyan.

Nagpapasalamat ako na nagpunta ako sa Primary at iba pang mga miting ng Simbahan habang lumalaki ako. Natuto ako roon ng mahahalagang aral tungkol sa ebanghelyo. At nasiyahan ako sa mga aktibidad. Pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag sinisikap nating mapunta sa dapat nating kalagyan at gawin ang dapat nating gawin. Pinalalakas Niya ang ating pananampalataya. Pinoprotektahan Niya tayo mula sa tukso at kasalanan.

Sabi sa Doktrina at mga Tipan 88:63, sinabi ni Jesus, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo.”

Kapag dumalo tayo sa ating mga miting sa Simbahan, pati na sa sacrament meeting, napapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Natututo tayo ng mahahalagang katotohanan upang gabayan tayo sa ating mga desisyon sa buong linggo, kahit wala tayo sa simbahan o napapaligiran tayo ng iba na kapareho natin ang mga paniniwala. Kapag namuhay kayo nang matwid, tutulungan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung saan kayo kailangang naroon at ano ang kailangan ninyong gawin.