Mga Tanong at mga Sagot
“May kaibigan ako na ang pakiramdam ay wala siyang kaibigan sa simbahan maliban sa akin. Ano ang maitutulong ko sa kanya?”
Sa sitwasyong ito, malamang na ang pakiramdam niya ay napag-iiwanan siya, nag-iisa, o madaling masaktan. Mabuti na lang, dahil magkaibigan kayo, may ilang bagay kang magagawa para palakasin ang loob niya:
-
Tulungan siyang makipagkaibigan sa iba pang mga kabataan. Ipakilala siya sa kanila, isali siya sa mga pag-uusap ninyo, at magmungkahi ng mga aktibidad para sa mga kabataan sa inyong ward upang mas makilala pa ninyo ang isa’t isa. Gayundin, maaari mong kausapin ang inyong Young Women president para makatulong siya at ang iba pang mga lider.
-
Tulungan siyang makita ang kanyang banal na kahalagahan. Maaari mong sabihin sa kanya ang ilan sa magagandang katangiang nakikita mo sa kanya.
-
Tulungan siyang alalahanin ang pagmamahal mo at ng Tagapagligtas sa kanya. Sabi ng Tagapagligtas: “Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako” (Juan 10:14). Kahit pakiramdam niya ay walang nakakaunawa sa kanya, alam na alam ng Panginoon ang kanyang nadarama. Ipagdasal siya, at siyempre pa, ipakita mo ang pagmamahal mo sa kanya sa pamamagitan ng pagsasali sa kanya sa mga aktibidad at pagkausap sa kanya sa simbahan.
-
Imungkahi na bumaling siya sa mga banal na kasulatan at manalangin para tumatag ang kanyang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Higit sa lahat, hikayatin siya na palaging magsimba, kahit mahirap iyon para sa kanya. Ipaalala sa kanya ang kahalagahan ng pakikibahagi ng sakramento at pag-aaral ng ebanghelyo sa mga miting ng Simbahan.
Kung hindi kaagad umepekto ang iyong mga ideya, patuloy na suportahan ang iyong kaibigan at hikayatin siyang gawin ang tama.
Magkasamang Maging Mas Matatag
Hikayatin at tulungan siyang lumapit sa ibang mga kabataan. Matatag ang bawat isa sa atin, ngunit mas matatag tayo kapag magkasama. Sabihin sa iyong mga kaibigan na mas makakatulong siya sa pagpapalago ng kaharian ng Diyos kung mas marami siyang kaibigan na magpapasigla, susuporta, at tutulong sa kanya na mahalin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo!
Scarlet M., edad 16, Cautín Province, Chile
Anyayahan Siya sa mga Aktibidad
Nang sumapi ako sa Simbahan, pakiramdam ko ay nag-iisa ako, kahit sinikap ng mga kabataan na makihalubilo sa akin. Nagpunta ako sa mga Mutual activity at mas nakisali sa mga pag-uusap nila. Nakinig ako sa kanila at nag-ambag ng mga ideya. Nginitian ko sila at nagpakita ako ng tunay na interes sa kanila. Ipinapayo ko na tulungan mo ang iyong kaibigan na ibahagi ang kanyang saloobin. Tulungan siyang makibahagi sa anumang aktibidad sa Simbahan, at masisiyahan na siyang makihalubilo sa maraming kaibigan.
Faith O., edad 17, Abia, Nigeria
Isama Siya
Susubukan kong isali ang kaibigan mo sa mga pag-uusap at aktibidad ng ibang mga kabataan sa simbahan. Makakatulong na kausapin ang ibang mabubuting kaibigan tungkol sa nadarama ng kaibigang ito. Ang paghingi ng tulong sa kanila na isali siya ay maaaring magdala ng kamalayan sa iba pang mga kaibigan tungkol sa mga pangangailangan ng taong ito at matutulungan silang maalala na maging mas mabait sa kanya at isama siya sa kanilang mga pag-uusap at aktibidad.
Trevor C., edad 14, Idaho, USA
Sabihin sa Kanya Kung Gaano Siya Kahalaga sa Iyo
Ganyan din ang nadama ko nang lumipat ako ng ward. Mahirap ang sitwasyong iyon. Mahalagang sabihin sa kaibigan mo kung gaano siya kaespesyal, kung gaano siya kahalaga sa iyo, at ang mabubuti niyang katangian para madama niya ang tiwala sa sarili at na hindi siya dapat matakot. Lahat tayo ay mahalaga. Hikayatin siyang kausapin ang isang lider, magdasal, at magbasa ng mga banal na kasulatan para malaman niya na hindi siya nag-iisa.
Sharon G., edad 14, Yucatán, Mexico
Magdaos ng Party
Ikaw o siya ay maaaring magdaos ng party na kasama ang ilang miyembro ng simbahan. Mas madaling kilalanin ang iba kapag mas maliit ang grupo.
Trais H., edad 13, Idaho, USA
Maging Handang Tumulong
Matutulungan mo siyang maunawaan na lahat tayo ay miyembro ng pamilya ng Diyos, magkakapatid, at na kailangan niyang magpakita ng pagmamahal at makihalubilo sa lahat. Ipaalam din sa kanya na sa ating malaking espirituwal na pamilya, lagi tayong handang tumulong at magpalakas sa isa’t isa. Iisa ang mithiing pinagsisikapan nating lahat. Sa ebanghelyo, hindi tayo nag-iisa kailanman.
Sister Anna Kaigorodova, Russia Moscow Mission
Makinig sa Patnubay ng Panginoon
Ipagdasal siya at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang malaman kung paano mo siya matutulungan. Kausapin ang inyong mga lider at subukang isali siya sa mga pag-uusap ng ibang mga kabataang babae sa simbahan. Patuloy mo siyang kaibiganin at gawin ang lahat ng iyong makakaya, at ipapaalam sa iyo ng Panginoon kung paano mo siya matutulungan.
Anastasia B., edad 18, Utah, USA
Sabihin sa Kanya na Hindi Siya Nag-iisa Kailanman
Una, ipagdarasal namin ang dalagitang iyon at aanyayahan siya sa bawat aktibidad o service project para madama niya na bahagi siya ng grupo. Huwag nating hayaang may mawala! Pangalawa, sasabihin namin sa kanya na hindi siya nag-iisa kailanman, na kasama natin palagi ang Ama sa Langit at mahal na mahal Niya tayo nang walang hanggan. Ipapaalala namin sa kanya ang sinabi ng ating propeta: “Balang-araw ay tatayo kayo sa isang tabi at makikita ninyo ang mga panahon ng inyong paghihirap, at matatanto ninyo na palagi Siyang nariyan sa inyong tabi” (Thomas S. Monson, “Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 124).
Yenifer S., edad 18, at Fernando P., edad 18, Tacuarembó, Uruguay
Isang Tunay na Kaibigan
“Kailangan nating lahat ng mga tunay na kaibigang magmamahal, makikinig, magpapakita ng halimbawa, at [magpapatotoo] sa katotohanan [sa atin upang] mapanatili natin ang patnubay ng Espiritu Santo. Dapat ay ganoong uri kayo ng kaibigan.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Tunay na Magkaibigan,” Liahona, Hulyo 2002, 32.
Susunod na Tanong
“Paano ko matutulungan ang aking mga kaibigan na mapaglabanan ang mga problemang gaya ng pagtutungayaw o sobrang video gaming?”
Ipadala ang sagot mo at, kung gusto mo, isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Setyembre 15, 2016, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article”) o sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org.
Mangyaring isama ang sumusunod na impormasyon: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.