Ikaw ay Maharlika
Mula sa mga mensahe sa Church Educational System na, “Like a Watered Garden” at “A Regal Identity,” na ibinigay sa New York, USA, noong Setyembre 13, 2015.
Mamuhay nang marapat sa iyong walang-hanggang potensyal.
Noong nasa Argentina ang aming pamilya dahil sa isang atas mula sa Simbahan, madalas kaming mamasyal ng anak kong lalaki sa magagandang lugar kapag may libreng oras kami. Isa na roon ang zoo na kaiba sa lahat ng zoo na napuntahan na namin.
Sa halip na tingnan lamang mula sa labas ng kulungan ang inaantok na mga hayop, pinapapasok ang mga bisita sa loob ng mga kulungan at pinapayagang haplusin ang mga hayop. Habang sinusundan ang trainer, pumasok kami sa kulungan ng malalaking leon at hinaplos namin ang mga ito samantalang tila hindi kami pansin ng mga ito.
Tinanong namin ang mga trainer kung paano nila nakumbinsi ang malalaking hayop na iyon na huwag kaming kainin. Itinuro niya sa amin ang ilang maliliit na asong naroon din sa kulungan. Noong maliit pa ang mga leon, walang-awang hinabol at kinagat-kagat ng nagtatahulang mga asong iyon ang mga sakong ng mga leon. Nasanay ang maliliit na leon sa pagyukyok sa sulok, sa takot sa mga aso.
Nang lumaki ang mga leon, yumuyukyok pa rin sila sa takot. Isang sipa lang ng paa nila, madali sana nilang mapapatalsik ang mga asong iyon, pero mali ang tingin ng mga leon sa sarili nila. Hindi nila alam ang kanilang maharlikang katangian at potensyal.
Lahat tayo ay nahaharap sa mga hadlang sa pag-abot sa ating tunay na potensyal kaya patuloy tayong yumuyukyok sa sulok. Babanggit ako ng tatlo.
Kawalan ng Tiwala sa Sarili
Marami sa atin ang sumusukat sa ating pagganap ayon sa ating mga kabiguan kaysa ating mga tagumpay. Kapag tama ang sagot natin sa 80 sa 100 tanong, nalulungkot tayo na 20 ang mali natin sa halip na ipagmalaki na 80 ang tamang sagot natin. Dahil sa kawalan ng tiwala sa ating potensyal at sa ating sarili, hindi natin nakikita ang ating tunay na halaga at kakayahan.
Kakulangan sa Kaalaman
Nakita ni Nephi sa pangitain ang ina ng Tagapagligtas, ngunit nang tanungin siya kung naunawaan niya ang pagpapakababa ng Diyos, inamin niya na hindi niya alam ang ibig sabihin ng lahat ng bagay. Ngunit ipinahayag muna niya ang kanyang nalalaman: “Mahal [ng Diyos] ang Kanyang mga anak” (tingnan sa 1 Nephi 11:12–17). Iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman. Pinipigilan tayo nitong tulutan ang mga hadlang na kakulangan sa kaalaman na ilagay sa panganib ang ating katiyakan na totoo ang Simbahan at ang relasyon natin sa Diyos at ang walang-maliw at nagbibigay-lakas na pagmamahal Niya sa atin.
Kapabayaan o Hindi Pakikinig
Ang mga maling pagpili o pagpapabaya sa mabubuting bagay ay nagpapadilim sa tingin natin sa tunay na nangyayari. May makahulugang dahilan kaya kinailangang mangalap ng manna ang mga anak ni Israel araw-araw (tingnan sa Exodo 16:4). Ang araw-araw na obligasyong mangalap ng pagkain ay nakatulong sa kanila na maalala ang Diyos. Ngayon, ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, pagsisimba, at paglilingkod sa bawat isa ang ating manna araw-araw bilang mga anak ng Diyos upang maalala natin ang Panginoon.
Nananalaytay sa ating mga ugat ang espirituwal na DNA ng Diyos. Tayo ay Kanyang mga anak at Kanyang mga tagapagmana. Alisin ang anumang nakalilinlang na mga mensahe, paniniwala, o pag-uugali na magpapayukyok sa iyo sa mga sulok ng iyong buhay. Huwag mo itong hayaang kagat-kagatin ang iyong mga sakong at takutin o saktan ka. Mamuhay nang marapat sa iyong walang-hanggang potensyal. Ikaw ay maharlika.