2016
Pag-iimbak ng Pagkain: De-latang Keso at mga Interes sa Sangla
August 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pag-iimbak ng Pagkain: De-latang Keso at mga Interes sa Sangla

Yvonne Aston, Channel Islands, United Kingdom

food storage

Paglalarawan ni Stan Fellows

Nang mag-asawa ako, naging masigasig akong mag-imbak ng pagkain. Gusto naming mag-asawa na mag-ipon ng maraming suplay, pero hindi namin kayang bilhin ang lahat nang sabay-sabay, kaya ipinasiya namin na bibili kami ng ekstra linggu-linggo. Naghanap kami ng mga special offer sa mga bagay na regular naming binibili, lalo na ang mga de-latang pagkain.

Gustung-gusto kong tumingin sa cupboard ko para makita ang munti kong bunton ng mga de-lata at tuyong pagkain na unti-unting dumarami. Minsa’y nagkamali kaming bumili ng de-latang keso, na pangit ang lasa, pero nagpakatatag ang asawa ko at kumain ng isang lata nito bawat linggo hanggang sa maubos. Matapos kaming makapag-imbak ng sapat na pagkain, sinimulan naming kainin ito, na nangangakong papalitan ng dalawa ang bawat makain namin.

Hindi nagtagal medyo puno na ang cupboard namin, kaya bumili kami ng mga maiimbak para sa mga aso’t pusa namin. Nagsimula rin kaming mag-imbak ng herbs at spices, vacuum-packed wheat, tubig at softdrinks, at anumang ginagamit namin araw-araw na hindi pagkain, gaya ng sabong pampaligo, deodorant, at sabong panlaba.

Pagkatapos ay bumili kami ng bahay, at bago pa man namin napirmahan ang papeles, tumaas nang husto ang mga interes sa sangla. Kinailangan naming mabuhay sa imbak naming pagkain nang halos isang taon para hindi bawiin ang bahay namin.

Ang pag-iimbak ng pagkain ay bahagi lamang ng pangkalahatang gawaing-bahay ngayon. Ginagamit namin ito at pinagpapala kami nito araw-araw. Lubos akong nagpapasalamat na nakinig kami sa inspiradong payo mula sa mga propeta ng Panginoon dahil nangangahulugan ito na matitingnan ko na ngayon nang may pasasalamat ang aking komportableng tahanan.