Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Pag-asa ng Walang-Hanggang Pagmamahal sa Pamilya
Sa lahat ng kaloob na naibigay ng ating mapagmahal na Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, ang pinakadakila ay buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7). Ang kaloob na iyan ay ang mamuhay sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak magpakailanman sa mga pamilya. Sa pinakamataas lamang sa mga kaharian ng Diyos, ang selestiyal na kaharian, magpapatuloy ang mapagmahal na bigkis ng buhay-pamilya.
Inaasam nating lahat ang kagalakang mamuhay sa mapagmahal na mga pamilya. Para sa ilan sa atin, ito ay damdaming hindi pa natin naranasan—isang damdamin na alam nating posible ngunit hindi pa natin natatanggap. Maaaring nakita na natin ito sa buhay ng iba. Para sa iba sa atin, ang pagmamahal sa pamilya ay parang mas totoo at mahalaga kapag inihiwalay na tayo ng kamatayan sa isang anak, isang ina, isang ama, isang kapatid na lalaki, isang kapatid na babae, o isang mapagmahal at pinakamamahal na lolo o lola.
Nadama na nating lahat ang pag-asa na balang-araw ay muli nating madarama ang magiliw na pagmamahal ng kapamilyang iyon na labis nating minahal at gustung-gustong yakaping muli.
Batid ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang nilalaman ng ating puso. Ang Kanyang layunin ay bigyan tayo ng kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Kaya nga ibinigay Niya bilang regalo ang Kanyang Anak para gawing posible ang kagalakang mabigkis sa pamilya na nagpapatuloy magpakailanman. Dahil kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan, tayo ay mabubuhay na mag-uli. Dahil nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan, kung mananampalataya tayo at magsisisi, maaari tayong maging marapat para sa kahariang selestiyal, kung saan ang mga pamilya ay ibinibigkis ng pagmamahal magpakailanman.
Isinugo ng Tagapagligtas si Propeta Elijah kay Joseph Smith upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood (tingnan sa D at T 110). Kasama ng mga susing iyon ang kapangyarihang magbuklod, na nag-aalok ng pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak—buhay na walang hanggan sa mga pamilyang ibinigkis magpakailanman.
Isang alay ito na maaaring kamtin ng bawat anak ng Diyos na pumaparito sa daigdig. Tinanggihan ng sangkatlo ng Kanyang mga espiritung anak ang Kanyang alok noon sa daigdig ng mga espiritu. Dahil sa kawalan ng sapat na pananampalataya at matapos hayagang maghimagsik, pinili nilang huwag maranasan ang galak na dulot ng kaloob ng Ama sa Langit na mga walang-hanggang pamilya.
Para sa atin na nakalagpas sa mahalagang pagsubok sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang at naging marapat na tumanggap ng mortal na katawan, nasa atin pa rin ang mahalagang pagpili ng buhay na walang hanggan. Kung pinalad tayong matagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo, maaari nating piliing gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan. Kapag nanatili tayong tapat hanggang sa wakas, pagtitibayin ng Espiritu Santo ang ating pag-asa at tiwala na tumatahak tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, upang mabuhay sa mga pamilya magpakailanman sa kahariang selestiyal.
Para sa ilan, tila malabo o naglalaho pa nga ang pag-asang matamo ang walang-hanggang kagalakang iyan. Ang mga magulang, anak, at kapatid ay maaaring nakagawa na ng mga pagpili na hindi magpapagindapat sa kanila sa buhay na walang hanggan. Baka nga iniisip ninyo kung napagindapat na kayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Minsa’y pinayuhan ako ng isang propeta ng Diyos na nagbigay sa akin ng kapayapaan. Nag-alala ako na baka maging imposible para sa aming pamilya na magkasama-sama magpakailanman dahil sa mga pagpili ng iba. Sabi niya, “Maling problema ang ipinag-aalala mo. Mamuhay ka lang nang marapat para sa kahariang selestiyal, at ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo.”
Sa lahat na ang personal na karanasan o pagsasama nilang mag-asawa at mga anak—o walang asawa at anak—ay pinalalabo ang kanilang pag-asa, narito ang aking patotoo: kilala kayo ng Ama sa Langit at mahal Niya kayo bilang Kanyang espiritung anak. Noong kapiling ninyo Siya at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak bago ang buhay na ito, itinanim Niya sa inyong puso ang pag-asang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa paggabay ng Banal na Espiritu, nadarama ninyo ngayon at madarama ninyo sa daigdig na darating ang pagmamahal sa pamilya na nais ng inyong Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na maranasan ninyo.
Pinatototohanan ko na kapag namuhay kayo nang karapat-dapat para sa kahariang selestiyal, ang pangako ng propeta na “ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo” ay mapapasainyo.