Ang Munting Bote ng Katahimikan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Bakit bibigyan ni Lolo si Gage ng basyong bote?
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).
Tinitigan ni Gage ang basyong bote at itinaob ito sa kanyang mga kamay. Maliit ito at medyo berde ang kulay, na may takip na tapon. Ibinigay ito sa kanya ni Lolo Russell pagkatapos ng kanyang binyag.
“Ano po ito?” tanong ni Gage. “Alam ko po na bote ito—pero wala po itong laman.”
“Aba, puno ’yan,” sabi ni Lolo.
Inalog ni Gage ang bote. “Sa tingin ko po walang laman, e.”
Natawa si Lolo. Tinanggal niya ang tapon at idinikit ang bote sa tainga ni Gage. “Naririnig mo ba?” bulong niya.
“Naririnig po ang ano?” pabulong na sagot ni Gage.
Napangiti si Lolo. “Katahimikan,” sabi niya. Pagkatapos ay ibinalik niya ang tapon sa bote. “Sa mundo ngayon, mahirap humanap ng katahimikan. Para itong gamot, at bawat patak nito ay kasinghalaga ng ginto.”
Nagpasalamat si Gage at iniuwi na ang kakaibang regalo ni Lolo. Pero hindi niya ito gaanong inisip.
Pagkaraan ng ilang linggo, namatay ang tiyo Vince ni Gage. Pagkatapos ng libing, maraming kamag-anakang nag-umpukan sa sala ng bahay ni Gage para mag-usap-usap. Nagtago si Gage sa kuwarto niya at nagsara ng pinto. Naririnig niya ang mahihinang boses ng kanyang mga magulang at kamag-anak sa pasilyo.
Nakita ni Gage ang lumang berdeng bote sa ibabaw ng mesa niya at dinampot ito. Itinaob niya ito sa kanyang mga kamay. Sabi ni Lolo parang gamot ang katahimikan. Kinailangan ni Gage ng kaunting kapayapaan at kapanatagan matapos ilibing si Tiyo Vince.
Inalis ni Gage ang tapon sa bote at itinaob ito sa kanyang ulo, na nagkukunwaring nagbubuhos ng kaunting katahimikan. Alam niya na ang bote ay hindi naman talaga puno ng katahimikan. Pero alam niya na kailangan niya ng kaunting katahimikan para madama na malapit siya sa Diyos.
Nadama niyang namuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Wala na si Tiyo Vince—wala nang manloloko, wala nang makikipagbuno sa kanya. Sumakit ang puso ni Gage dahil sa pangungulila sa kanya.
At sa katahimikan, nadama ni Gage na nag-aalab ang kanyang puso at napapawi ang sakit. Naalala niya na hindi habampanahong wala si Tiyo Vince; sumakabilang-buhay lang siya. Dahil kay Jesucristo at sa plano ng kaligtasan, bawat isa ay mabubuhay magpakailanman! Alam ni Gage na balang-araw ay makikita niyang muli ang kanyang Tiyo Vince.
Habang hawak niya ang bote, napayapa ang kalooban ni Gage. Alam niya na iyon ay dahil sa Espiritu Santo at hindi dahil sa bote. Ipinaalala lang sa kanya ng bote na tumahimik para madama niya ang Espiritu Santo. Inilagay niya ang tapon sa bote at ipinatong ito sa mesa.
Pagkatapos ay bumalik siya sa sala para makapiling ang kanyang pamilya. Madadala niya ang kapayapaan at kapanatagang hatid ng Espiritu Santo sa kanyang kalooban kahit sa labas ng kanyang tahimik na kuwarto.