2016
Naniniwala Tayo sa Pagsunod sa Sampung Utos
August 2016


Ang Ating Paniniwala

Naniniwala Tayo sa Pagsunod sa Sampung Utos

Ang Sampung Utos ay matatagpuan sa Lumang Tipan (tingnan sa Exodo 20:1–17), ngunit alam ng mga Banal sa mga Huling Araw na angkop ang mga kautusang iyon sa lahat ng panahon, hindi lang sa panahon ng Lumang Tipan. Itinuro ni Abinadi ang Sampung Utos sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mosias 12:33–36; 13:13–24), at inihayag ng Panginoon ang mga ito kay Propetang Joseph Smith para sa ating panahon (tingnan sa D at T 42:18–29; 59:5–13).

Bagama’t binabalewala ng mga tao sa maraming lipunan ngayon ang mga kautusang ito, naniniwala tayo na may bisa pa rin ang mga ito. Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang mga ugali na dati ay hindi angkop at mahalay ay hindi lamang kinukunsinti ngayon kundi itinuturing pang katanggap-tanggap ng marami. …

“Kahit nagbago na ang mundo, iyon pa rin ang mga batas ng Diyos. Hindi nagbago ang mga ito; hindi magbabago ang mga ito. Ang Sampung Utos ay gayon lamang—mga utos. Hindi mungkahi ang mga ito. Bawat isa ay kailangan pa rin ngayon gaya noong ibigay ito ng Diyos sa mga anak ni Israel.”1

Hindi tayo nagsasalita ng masama tungkol sa iba dahil sa hindi pagsunod sa mga kautusan. Sa halip, sinusuri natin ang sarili nating buhay at inaalam kung gaano kahusay nating sinusunod ang banal na tagubiling ibinigay sa atin.

Ang Sampung Utos ay kumakatawan sa mga pangunahing pamantayan ng pag-uugali na maaaring hatiin sa dalawang grupo: paano natin pinakikitunguhan ang Diyos at paano natin pinakikitunguhan ang iba. Para mapanatili nating sentro ng ating buhay ang Diyos, iniutos Niya na huwag tayong sumamba sa ibang mga dios, panatilihin nating banal ang araw ng Sabbath, at huwag nating lapastanganin ang Diyos at huwag tayong sumamba sa mga diyus-diyusan. Para matulungan tayong mahalin ang mga anak ng Diyos, iniutos Niya na igalang natin ang ating mga magulang at huwag tayong magnakaw, pumatay, magsinungaling, magnasa, o mangalunya.

Dahil sa patuloy na mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta, mas marami pa tayong nalaman tungkol sa inaasahan Niya sa atin, ngunit maganda pa ring magsimula sa Sampung Utos sa hangarin nating maging masunurin. “Ang mga utos [ng Diyos] ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin, at ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay pagpapakita ng pagmamahal natin sa Kanya.”2

examples of living the commandments today

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Tumayo sa mga Banal na Lugar,” Liahona, Nob. 2011, 82, 83.

  2. Carole M. Stephens, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Liahona, Nob. 2015, 120.