Pagiging Babae: Isang Walang-Hanggang Pananaw
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa FairMormon Conference sa Provo, Utah, USA, noong Agosto 8, 2014.
Gusto kong sabihin sa lahat mula sa sarili kong karanasan na ang buhay ko ay masaya at marangal at mas mabuti bilang babae dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Maraming taon na ang nakararaan, nagsasagawa noon ng leadership training ang kaibigan ko at ang kanyang asawa sa lalawigan ng Ghana, at pagkatapos ay nilapitan siya ng isang babae at madamdaming sinabi sa kanya, “Simbahan ito ng babae.” Tinanong ng kaibigan ko ang babae kung ano ang ibig niyang sabihin. Sinabi nito, nang buong kasimplihan, “Napakaganda ng Relief Society namin, at tinuturuan kami nito tungkol sa mga espirituwal at pang-araw-araw na bagay na nagpapala sa aming pamilya at sa amin. At kasabay nito ay nasa kabilang silid ang inyong asawa at tinuturuan ang aming asawa na kailangan nilang tratuhin ang kanilang asawa at mga anak nang may kabaitan at kahinahunan. Mayroon tayong templo, kaya ang pumanaw kong mga anak ay magiging akin magpakailanman. Lahat ng gusto ko ay nasa simbahang ito. Ito ay simbahan ng babae.”
Ito ba ay simbahan ng babae? May ilang nakakatuwang eksepsyon, pero halos lahat ng personal na karanasan ko ay nagbigay sa akin ng kapangyarihan. Kaya sa halip na sagutin ko ang tanong para sa inyo, aasa na lang ako sa nasaksihan ko sa buong mundo. Hindi ako isang scholar, isang eksperto sa pag-aaral, o tagapagsalita para sa Simbahan. Pero gusto kong sabihin sa lahat mula sa sarili kong karanasan na ang buhay ko ay masaya at marangal at mas mabuti bilang babae dahil sa ebanghelyo at sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Malayo sa pagiging mahigpit at makaluma, ang doktrina ng Simbahan tungkol sa ginagampanan ng kababaihan sa pamilya, Simbahan, komunidad, bansa, at templo—at kung paano makikipag-ugnayan at makikisalamuha ang kalalakihan at kababaihan sa isa’t isa—ay ang pinakamahinahon, makapangyarihan, maliwanag, at nakasisiglang doktrinang ipinahayag na narinig ko. Kaya sinasabi ko sa mga kapatid na babae na ang minimithi ninyo bilang isang babae, isang Kristiyano, isang intelektuwal, isang walang-hanggang nilalang ay narito sa doktrina ni Jesucristo at sa pagpapatupad ng doktrinang iyon sa Simbahan.
Pantay ang Pananagutan ng Kalalakihan at Kababaihan sa Doktrina ng Diyos
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa kalalakihan at kababaihan, at kapwa sila pinananagot sa doktrina ng Diyos, nang walang kinikilala o kinikilingan. Hindi kinukunsinti ng Diyos ang pornograpiya, pakikiapid, pang-aabuso, kapabayaan, hindi pagkakapantay-pantay, o pang-aapi, anuman ang ating kasarian.
Ipinapaalam din sa atin ng doktrinang ito kung saan tayo nagmula, bakit tayo narito, at saan tayo pupunta. Ipinauunawa sa atin nito ang ating kasarian bilang mga babae at lalaki gayundin ang ating papel bilang mga anak, kapatid, asawa, at ina at ama.1
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Inihayag na ng mga propeta na nabuhay muna tayo bilang mga katalinuhan at na pinagkalooban tayo ng anyo, o mga espiritung katawan, ng Diyos, kaya tayo naging Kanyang mga espiritung anak—mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit.”2 Mayroon nang katalinuhan noon pa man (tingnan sa D at T 93:29).
Ako ay isang babae. Kasama sa kasarian ang ilang katangian at responsibilidad.
Ako ay isang anak na babae. Nililiwanag ng papel na ito ang kaugnayan ko sa Diyos. Ako ay may banal na mga magulang at may karapatan, bilang anak, na makipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin at tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.3
Ako ay isang kapatid na babae. Ang papel na ito ay nangangahulugan na ako ay isang Kristiyano, miyembro ng Simbahan, kapatid sa ebanghelyo, disipulo, at na nakipagtipan akong magsakripisyo at magpakabanal at maglingkod at mamuno.
Maaari din akong magkaroon ng pagkakataon sa buhay na ito na maging isang asawa—kung hindi man sa buhay na ito, tiyak na sa susunod. Ang papel na ito ay kung ano ang kaugnayan ko sa pinili kong kapantay na katuwang, isang asawa. Bagama’t hindi kami magkapareho—dahil walang sinuman ang may kombinasyon ng mga kaloob at katangiang mayroon ako o mayroon siya—ginagamit namin ang aming magkakatuwang na katangian upang subukang maging isa. Ang salitang pagbubuklod ay napakagandang paglalarawan ng walang-hanggang potensyal na magkaisa bilang mag-asawa na nilikha ng awtoridad ng priesthood sa isang templo.
Ang papel ng ina ay ang kaugnayan ko sa aking mga inapo. Matamo ko man ang papel na ito sa maikling buhay ko sa lupa o sa kabilang-buhay, ang pangako ng walang-hanggang pamilya ay ibinibigay sa mga mag-asawang ibinuklod sa templo at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Pangako (tingnan sa D at T 132:19).
Ang ating doktrina ay kakaiba sa mundo, at bahagi ito ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Isipin kung ano ang kahulugan nito kung nauunawaan at pinaniniwalaan ninyo ang doktrinang ito. Nagbibigay ito sa akin ng walang-hanggang pananaw sa lahat ng ginagawa ko.
Sa Simbahan Natin Ipinatutupad ang Doktrina ng Diyos
Naniniwala ako na sa pagiging miyembro ng Simbahan, nagiging kabahagi ako ng isa sa pinakamagagandang programa sa pag-unlad na naiplano kailanman. Ang isang malawak na kurikulum sa pansariling pag-unlad, pagkakaroon ng kapangyarihan, at pamumuno para sa kababaihan ay nangyayari lamang sa paggawa ng mga ginagawa ng lahat ng miyembro: pamumuno, pagsasalita sa publiko, pagdedesisyon, nakakukumbinsing talakayan, pagbabadyet, pag-impluwensya, paglilingkod sa komunidad, pagkatutong bumasa at sumulat, pagsasaliksik, resource development, paghahalaman, pagpreserba ng pagkain, kalusugan ng pamilya—wala itong katapusan.
Naniniwala ako na nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa mga papel na ginagampanan ng kababaihan kapag magkakontra ang doktrina at ang pagpapatupad ng doktrina. Gayunman, sa patuloy na paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta at sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maaaring patuloy nating makilala at maalis ang halos lahat ng lumalabas na maling pagkaunawa.
Halimbawa, patuloy na nililinaw ng mga Apostol at propeta ang mga konseptong pinaniniwalaan natin noon pa man:
-
Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na “Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay pumunta sa templo, kapwa sila pinagkakalooban ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng priesthood.”4
-
Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, ngunit ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito?”5
-
Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Bawat ama ay isang patriarch sa kanyang pamilya at bawat ina ay isang matriarch at pantay ang natatangi nilang papel bilang mga magulang.”6
1. Isaisip ang Mas Malawak na Pananaw
Maaari ba akong magbigay ngayon ng tatlong mungkahing tutulong sa atin para maipatupad ang doktrina? Ang unang mungkahi ko ay isaisip ang mas malawak na pananaw na ibinibigay ng doktrina ni Jesucristo.
Noong araw, bilang direktor ng LDS Charities, nasa isang miting ako nang may agarang nakiusap hinggil sa mga Kristiyanong refugee na pinaalis sa Mosul, Iraq, ng mga puwersang Islamic State at nagpuntahan sa Kurdistan. Ang pastor ng Anglican Church sa Baghdad ay may 5,000 tao na nagsisiksikan sa patyo ng kanyang simbahan, at walang makain. Humingi ng emergency funds ang humanitarian missionary couple na Latter-day Saint para bumili ng bigas, beans, langis, at mga kumot, at agad kaming tumugon para makapaghapunan sila nang gabing iyon.
Dahil sa trabaho ko, ito ang uri ng mga bagay na nasa harapan ko araw-araw. Dahil madalas akong mapilitang lawakan ang aking pananaw, itinatanong ko sa sarili ko, ano ang pinakamainam na paggamitan ng aking lakas? Sa paghahanap natin ng mga sagot, saliksikin natin ang mga doktrina ng ebanghelyo. Ang “pagtingin nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14) o pagnanasang masagot ang isang tanong o isang kaugalian ay madalas ilayo ang ating tuon at panahon mula sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo.
Tinalakay ni Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, ang pananatiling nakaangkla sa ebanghelyo habang hinahanap natin ang mga sagot: “Mapipili nating patuloy na sundin o hindi sundin ang nadama na natin. Walang mga sagot para sa lahat, ngunit pinipili natin kung magiging tapat tayo sa ipinadama sa atin ng Espiritu Santo. Patuloy nating sikaping pagbutihin pa ang mga bagay-bagay, ngunit patuloy tayong sumampalataya hanggang sa mangyari iyon.”7
Patuloy na magbabago ang ating mga gawi sa Simbahan habang natututo tayong ipamuhay ang ating doktrina sa mas mabuti at mas perpektong mga paraan. Sana ay maging mas patas at pantay ang susunod na henerasyon sa pamumuhay nila ng ebanghelyo. Ngunit naniniwala rin ako na nasa tamang lugar na ang mga pangunahing batayan at sapat na para mapangalagaan ang ating pananampalataya at patotoo.
2. Manatiling Tapat sa Harap ng Oposisyon
Hindi naman masama ang oposisyon. Naniniwala ako na pinalalakas din tayo ng oposisyon. Nang bisitahin ko ang Huntington Botanical Gardens sa San Marino, California, USA, napansin ko na ginaya sa malalaking bentilador sa exhibit ang pag-ihip ng hangin pakanluran na nagpapatibay sa mga punong tropiko para mapaglabanan ang posibleng mga bagyo. Ipinadadala sa atin o tinutulutan ng Panginoon ang “mga pag-ihip ng hangin pakanluran” araw-araw sa mga problema at kakayahang lumaban para palakasin ang ating mga ugat at maging mas flexible o mas madali tayong makibagay. Ang mga hamong iyon ay isa talagang kaloob.
Ang sumusunod na dalawang maiikling kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan ay nagbibigay sa atin ng pananaw tungkol sa oposisyon:
Ang unang maikling kuwento ay ang pagdating ni Brigham Young sa Salt Lake Valley noong 1847, ayon sa paglalarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Wala pang ararong nakahukay sa lupa nito. Hindi alam [ni Brigham Young] kung mataba ang lupang ito, ni ang mga panahon, ang klima, ang yelo, kung gaano katindi ang taglamig, ang posibilidad na may mga pesteng insekto. Ang [naunang mga explorer] na sina Jim Bridger at Miles Goodyear ay walang masabing maganda tungkol sa lugar na ito. Nakiusap si Sam Brannan sa kanya na magpunta sa California. Wala siyang pinakinggang isa man sa kanila. Inakay niya ang kanyang mga tao sa mainit at mukhang napakapanglaw na lugar na ito. Pagdating niya, inilibot niya ang kanyang tingin sa malawak na lupaing ito hanggang sa lawa ng asin sa kanluran at sinabing, ‘Ito ang tamang lugar.’”8
Ang pangalawang maikling kuwento ay ang pag-alaala ni Wilford Woodruff sa isang pahayag ni Propetang Joseph Smith. Nagsalita ang Propeta sa mga unang araw ng Panunumbalik sa isang maliit na pagtitipon ng mga pinuno tungkol sa darating na malawak na kaalaman tungkol sa doktrina: “Mga kapatid, lubos akong nabigyan ng inspirasyon at natuto sa inyong mga patotoo ngayong gabi, ngunit gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan.”9
Ibinabahagi ko ang dalawang kuwentong ito dahil inilalarawan ng mga ito ang nadarama ko. Ang pagiging nasa tamang lugar o pagkakaroon ng tamang doktrina ay hindi nangangahulugan na walang nakakasilaw na mga lugar na maraming asin at tadtad ng maiitim na kuliglig o nakamamatay na yelo ng taglamig o mga taong hindi naniniwala sa kakayahan ninyo, ngunit ito ang tamang lugar at tamang doktrina. At dapat ay patuloy tayong manampalataya. Nauunawaan natin ang nauunawaan ng isang sanggol sa kandungan ng kanyang ina tungkol sa ginagawa ng Panginoon sa kalalakihan at kababaihan at sa priesthood. Ngunit nasisiyahan ang Panginoon na turuan tayo hangga’t kaya natin, hangga’t lumalago tayo, hangga’t hinihiling natin. At kapag naragdagan ang ating pang-unawa, magagawa natin ang sinabi ni Sister Oscarson, “Patuloy tayong sumampalataya hanggang sa mangyari iyon.”
3. Hangarin ang Espiritu Santo
Pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ang batayan ng pagtatamo ng patotoo sa doktrina ng Diyos. Magpapatotoo ang Espiritu Santo kapag totoo ang isang bagay sa pamamagitan ng payapa at nag-aalab na damdamin. Sinabi ni Linda K. Burton, Relief Society general president, tungkol sa prosesong ito: “Pumunta tayo sa mga tamang mapagkukunan ng mga sagot. Bakit tayo maniniwala sa Internet at hindi sa mga propeta? Maaari nating alamin kung paano magtanong sa paraang naghihikayat ng pagtutulungan at naghahayag ng tapat na pag-aalala. … Ngunit maging matiyaga at mapagpakumbaba.”10
Itinuro sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng impluwensyang mula kay Satanas sa mga sagot mula sa Diyos: “Sino ang bumubulong [ng mga kasinungalingan] nang napakahina sa ating tainga? … Batid nating lahat kung sino ang gumagawa nito—ang ama ng lahat ng kasinungalingan. Ito si Lucifer, ang kalaban nating lahat.”11
Si Propetang Joseph Smith, na mas maraming karanasan sa pagtanggap ng mga paghahayag kaysa sinuman sa dispensasyong ito, ay nagsikap na ituro sa atin na ang pagtatanong ay kailangang may kaakibat na pangakong makiisa at gumalang. Inaanyayahan nito ang Espiritu Santo. Noong 1839, isinulat ni Joseph sa kanyang liham mula sa Liberty Jail na “ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit” at ang kapangyarihang iyon sa priesthood ay kailangang panatilihin “sa pamamagitan … ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:36, 41). Itinuro ng Propeta ang gayunding mga alituntunin sa Relief Society: “Kaamuan, pagmamahal, kadalisayan—ang mga bagay na ito ang dapat mag-angat sa [atin].”12
Binanggit ni Joseph Smith ang kahinahunan at kaamuan bilang paraan ng pagdama sa Espiritu Santo at paggamit ng mabuting impluwensya. Sinabi niya ito kapwa sa kalalakihan at sa kababaihan dahil naaapektuhan nito kapwa ang lalaki at ang babae sa kanilang pagsasama at sa Simbahan. Lahat ng kapangyarihan at banal na pahintulot ay nawawalan ng bisa (dahil umaalis ang Banal na Espiritu) kapag nagsimula ang isang lalaki o isang babae na gumamit ng di-makatwirang pamamahala (tingnan sa D at T 121: 37) at nabigong mamuno nang may kaamuan, pagmamahal, at kadalisayan.
Ang Minimithi ng Kababaihan ay Nasa Ating Doktrina
Minimithi ng maraming kababaihan sa mundo na mapahalagahan, makasumpong ng layunin sa kanilang lakas, makatagpo ng mga lalaking nais bumuo ng mga pamilya at maging tapat.
Minsan ay may nakilala akong British dancer habang sakay ng tren sa Finland. Pareho kaming natuwa na nagsasalita kami ng Ingles, at habang nag-uusap kami ay tinanong namin ang isa’t isa: Ano ang ginagawa mo sa Finland? Ano ang pinaniniwalaan mo? Nang malaman ang mga pinaniniwalaan ko, itinanong niya, “Hindi ka naninigarilyo o umiinom? Hindi ka ba naniniwala sa pagtatalik bago ang kasal?” At sa buong pag-uusap namin, patuloy niyang binabalikan ang paksang ito, na nagtataka. “Palagay ko kung nakipagdeyt ka sa mga lalaki na gayon din ang nadama, puwedeng mangyari iyon,” sabi niya. At kalaunan: “May mga lalaki bang gayon din ang nadarama?” Nagsimula siya na mapanlibak at nagwakas na nag-iisip. Gutom siya sa isang bagay na narinig niya sa ating doktrina.
Hindi ko nalimutan kailanman ang pag-uusap naming iyon sa tren at madalas ay ipinapaalala nito sa akin ang bantog na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang karamihan sa malaking pag-unlad sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan.”13
Ang doktrina ng identidad at mga papel na ginagampanan ng kababaihan ay kumakatawan sa pinakamatitinding hangarin ng puso ko. Ang pamumuhay ng mortal na mga miyembro ayon sa doktrina ng Diyos ay hindi perpekto, ngunit ito ay tumutugon, buhay, puspos ng pag-asa at mabuting layunin. Naniniwala tayo na “maghahayag pa [ang Diyos] ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Mapipili nating sundin ang mga doktrinang iyon.
Kaya itatanong kong muli: Ito ba ay simbahan ng babae? Ang sagot ko ay batay lamang sa sarili kong karanasan sa buong mundo. Oo.