Ang Nawawalang Scriptures
Naririnig at sinasagot nga ng Diyos ang ating mga panalangin kung sasampalataya tayo sa Kanya at sa Kanyang Anak.
Noong Hulyo 29, 1977, kabibisita lang namin ni Sister Cook sa Bolivia Santa Cruz Mission na bahagi ng tungkulin ko bilang miyembro ng Pitumpu nang mag-layover kami sa Cochabamba, Bolivia, airport nang mga limang oras. Pagod na pagod kami, kaya natuwa kaming magkaroon ng ilang oras na pahinga. Nang antok na antok na ako, nakadama ako ng matinding impresyon na dapat akong bumangon para isulat ang ilang ideyang pumapasok sa aking isipan.
Sumulat ako nang halos tatlong oras, para lutasin ang ilang problema sa organisasyon na nagpahirap sa akin sa sarili kong area sa mission nang ilang taon. Nadama ko ang matinding pagbuhos ng Espiritu at tuwang-tuwang isinulat ko ang bawat inspiradong ideya.
Sa wakas ay lumisan na kami patungong La Paz, Bolivia. Magiliw kaming sinalubong nina President at Sister Chase Allred sa airport at isinakay kami sa kanilang van papunta sa mission office. Ini-lock namin ang van, iniwanan ang bagahe namin at ang portpolyo ko sa loob, at pinakiusapan ni Sister Allred ang isang elder na bantayan ang van.
Pagpasok namin sa opisina, nakaharap ng president ang isang babae na malapit nang mamatay ang asawa. Kinalma namin siya ng president at tinulungan namin siya sa kanyang mga pangangailangan. Samantala, nagpunta na sina Sister Cook at Sister Allred sa mission home.
Nang bumalik kami ng president sa van, wala na ang lahat ng gamit namin. Akala ko dinala na ni Sister Cook ang mga gamit namin sa mission home. Ngunit habang sakay kami ng van papunta sa mission home, natuklasan ko na may sira ang maliit na bintana sa harapan sa kanan at nangamba na ako na baka nanakaw ang mga gamit namin.
Pagdating sa mission home, natanto namin na talagang nanakaw ang lahat ng gamit namin. Ang pagkawala ng mga damit ay lumikha ng agaran ngunit pansamantala lamang na problema. Ang mas nakakasasama ng loob ay nasa ninakaw na portpolyo ang scriptures ko kasama ang mga inspiradong ideyang katatanggap ko lang sa Cochabamba. Pinanghinaan ako ng loob, nagalit, at pakiramdam ko ay wala akong nagawa.
Matapos kaming manalanging lahat na mabalik sana ang mga gamit namin, sinikap naming malibang sa aming hapunan pero hindi namin ito magawa. Ang scriptures ko ay bigay sa akin ng mga magulang ko, na may sulat para sa akin mula sa nanay at sa tatay ko bago pumanaw si Itay at itinuturing ko itong sagrado. Gumugol ako ng libu-libong oras sa pagmamarka, pag-cross-reference, at pagmamahal sa tanging pag-aari ko sa mundo na itinuring kong napakahalaga.
Bagama’t marami kaming pag-uusapan ni President Allred, nakaramdam ako ng matinding pahiwatig na kailangan naming gawin ang lahat ng aming makakaya para mabalik ang scriptures. Kaya matapos maghapunan ay lumuhod ang lahat ng naroon upang muling manalangin. Nagsumamo kami sa Panginoon na mabalik ang scriptures ko, na ang mga taong nagnakaw rito ay matanto na masama ang kanilang ginawa at magsisi, at na ang pagbalik sa mga aklat ay maging daan para madala ang isang tao sa totoong Simbahan.
Nagpasiya kaming maghanap sa lugar malapit sa mission office at sa kalapit na bukid, sa pag-asang kinuha lamang ng magnanakaw o mga magnanakaw ang mga maibebenta at itinapon ang Ingles na mga aklat.
Pagkatapos ay sumakay na sa van ang mga 10 sa amin na may dalang mga flashlight at makapal na kasuotan. Nagparoo’t-parito kami sa mga kalye, ginalugad namin ang mga bakanteng lote at kinausap ang mga tao hanggang sa magawa namin ang lahat ng posibleng gawin. Walang nakita o narinig ang sinuman. Sa huli umuwi kaming malungkot. Tinapos namin ni President Allred ang aming gawain hanggang hatinggabi, at kinabukasan ay lumipad na kami ni Sister Cook pabalik sa aming tahanan sa Quito, Ecuador.
Nang sumunod na ilang linggo, patuloy na naghanap ang mga missionary sa Bolivia. Sa kawalan ng pag-asa, nagpasiya silang magpaanunsyo sa dalawang pang-araw-araw na pahayagan na nag-aalok ng pabuya.
Samantala, sa Quito, hirap na hirap ako. Ni hindi ko pa napag-aralan ang scriptures simula nang manakaw ang sa akin. Sinubukan ko nang pag-aralan ito, pero tuwing magbabasa ako ng isang talata, ilan lang ang naaalala ko sa maraming cross-reference na nagawa ko sa loob ng mahigit 20 taon. Nasiraan ako ng loob, nalungkot, at nawalan ng ganang magbasa. Maraming beses kong ipinagdasal na matagpuan ang scriptures ko. Patuloy ring nagdasal ang asawa’t mga anak ko araw-araw sa loob ng tatlong linggo, na sinasabing, “Ama sa Langit, tulutan po Ninyong mabalik ang scriptures ni Itay.”
Pagkaraan ng halos tatlong linggo nagkaroon ako ng matinding espirituwal na pahiwatig: “Elder Cook, gaano katagal kayo patuloy na hindi magbabasa at mag-aaral?” Nakadama ako ng inspirasyon sa sinabi, at ipinasiya ko na kailangan kong magpakumbaba at sumunod nang sapat para makapagsimulang muli. Gamit ang scriptures ng aking asawa, nagsimula akong magbasa sa Genesis sa Lumang Tipan, at sa kanyang pahintulot, nagmarka at nag-cross-reference akong muli.
Noong Agosto 18, isang empleyado ng Simbahan, si Brother Eb Davis, ang dumating sa Ecuador mula sa Bolivia na may dalang pakete mula sa mission president sa La Paz. Ipinatong niya ang scriptures ko sa ibabaw ng aking mesa kasama ang mga isinulat ko tungkol sa aking mga espirituwal na pahiwatig.
Hindi mailalarawan ang kagalakang nadama ko. Ang matanto na makukuha ng Panginoon, sa mahimalang paraan, ang mga aklat na iyon sa La Paz, isang lungsod na may 700,000–800,000 tao, mula sa mga kamay ng mga magnanakaw at maibalik ang mga ito nang buo—wala ni isang pahinang naalis, napunit, o narumihan—ay hindi ko pa rin maintindihan. Nang araw na iyon ay nangako ako sa Panginoon na gagamitin ko nang mas makabuluhan ang aking oras at scriptures kaysa rati.
Kalaunan ay natuklasan ko na nagpunta ang isang babae sa palengke—isa sa daan-daang palengke sa La Paz—at nakita niya ang isang lalaking lasing na iwinawagayway ang isang itim na aklat. Miyembro ang babae ng isang simbahang protestante at nagkaroon ng matinding espirituwal na pahiwatig na isang sagradong bagay ang nilalaspatangan. Nilapitan niya ang lalaki at tinanong kung ano iyon. Hindi nito alam pero ipinakita nito sa kanya ang aklat. Itinanong niya kung may iba pa itong ibinebenta. Dinukot nito ang isa pang itim na aklat. Itinanong niya kung may iba pa. Tinanggal nito ang isang folder na puno ng mga papel na susunugin daw nito. Pagkatapos ay sinabi niya na bibilhin niya ang mga iyon, at pumayag ang lalaki sa halagang 50 pesos (mga U.S. $2.50).
Pagkatapos niyon, hindi niya matiyak kung bakit niya binili ang mga aklat. Nasa wikang Ingles ang mga ito, ngunit ni hindi siya marunong ng Ingles. At mamahalin ang mga ito—halos 10 porsiyento ng kanyang buwanang suweldo. Wala siyang dahilan para bilhin ang mga aklat kung hindi dahil sa natanggap niyang espirituwal na pahiwatig. Agad niyang sinimulang hanapin ang simbahang nakasulat sa harap ng mga aklat: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Matapos lapitan ang ilang simbahan, sa wakas ay nakarating siya sa mission office ng Simbahan sa La Paz. Hindi pa niya narinig ang tungkol sa pabuya ni nabasa ang anunsyo sa pahayagan, na lalabas noong araw na iyon. Hindi siya humingi ng pabuya, ni hindi niya binawi ang 50 pesos na ibinayad niya. Tinanggap ng mga elder ang mga aklat nang may kagalakan at ibinigay pa rin sa kanya ang pabuya.
Sinabi niya sa mga missionary na miyembro siya ng isang sektang Pentecostal ngunit nakinig siyang mabuti nang ituro nila sa kanya ang ebanghelyo. Naalala niya na may nabasa siya tungkol kay Joseph Smith mula sa isang polyetong nadampot niya sa kalye dalawa o tatlong taon na ang nakararaan. Tinanggap niya ang mga missionary lesson, at pagkatapos ng pangalawang lesson, nangako na siyang magpabinyag. Makalipas ang dalawang linggo, noong Setyembre 11, 1977, isang Linggo ng hapon sa isang branch sa La Paz, Bolivia, nabinyagan si Maria Cloefe Cardenas Terrazas at ang kanyang anak na si Marco Fernando Miranda Cardenas, edad 12.
Binago ng Panginoon ang aking di-mapigilang damdamin na wala akong magawa nang mawala ang scriptures at ginawa itong matinding kagalakan na makitang nahayag ang Kanyang impluwensya. Sinabi ng Panginoon, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin (Marcos 11:24).
Naririnig at sinasagot nga ng Diyos ang ating mga panalangin kung sasampalataya tayo sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.