Sa Tulong Lamang ng Diyos
Kapag batid natin na tayo ay umaasa sa Diyos, matatanto rin natin na sabik Siya na tulungan tayo.
Dumating ang isang hamon na hindi ko inaasahan noong senior year ko sa high school. Hindi nagtagal matapos magsimula ang pasukan, inatasan ako na lumahok sa debate ng speech teacher namin. Nag-aral kami, nag-ensayo, at lumaban, at mapagpakumbabang nalaman ko ang maraming mahahalagang aral.
Pagkatapos ng ilang buwan at apat na linggo bago ang state speech competition, kaswal na ipinaalam sa akin ng titser ko na ipinasok niya ang pangalan ko para lumaban sa extemporaneous speech. Sinimulan niyang ipaliwanag na sa unang araw, kailangan kong magbigay ng tatlong pitong-minutong talumpati sa harap ng mga hurado.
At may isa pang problema—magpapalabunutan kung anong makabagong paksa ang gagawan ng talumpati, at mayroon lamang 30 minuto para maghanda. Natigilan ako; kahit kailan ay hindi pa ako nakakita ng paligsahan sa extemporaneous speech.
Sa kabila ng paghahanda sa natitirang mga linggo, pagbabasa ng maraming artikulo tungkol sa mga makabagong isyu hangga’t maaari, binalot pa rin ako ng pagdududa sa sarili at pag-aalala. Sa araw ng kompetisyon, tinanong ko ang mga opisyal, “Nakabunot na po ako ng paksa, pero maaari po ba akong pumasok at makinig sandali sa isang nagtatalumpati?” Sumagot sila, “Mayroon ka lamang 30 minuto. Kung gusto mong gamitin ito sa pakikinig, nasasaiyo iyan.”
Paghingi ng Tulong
Sa kauna-unahang pagkakataon, pumasok ako at nakinig sa ilang mahahalagang sandali. Alam kong kailangan kong mapag-isa at manalangin sa aking Ama sa Langit. Napansin ko ang isang tagong kakahuyan sa university campus na nasa tabi ng lawa kung saan maaari akong mapag-isa at lumuhod.
Nagsumamo ako sa Ama sa Langit at humingi ng tulong. Hindi ito isang panalangin para manalo—ito ay taimtim na panalangin para sa tulong ng Espiritu Santo upang magawa ko ang isang bagay na hindi ko pa kailanman nagagawa at upang malampasan ang hamong ito. Natanto kong kailangan ko ang tulong ng Diyos.
Sinagot ng Ama sa Langit ang dasal ko. Naalala ko ang napag-aralan ko at napag-ugnay ko ang mga impormasyon at pahiwatig. Sa bawat nabubunot na bagong paksa, lumalabas ako para manalangin. Pagkatapos ay naghahanda ako. Nakakagulat na nakasama ako sa huling round kinabukasan.
Ang pananampalataya ko sa Diyos ay nagiging patotoo ko, at ang pananampalataya ko ay mas lumakas nang naramdaman kong malapit Siya sa akin. Pinasalamatan ko ang Ama sa Langit sa tulong na natanggap ko, sapagkat matapos gawin ang lahat ng magagawa ko, tinulungan Niya akong makagawa ng higit pa sa kaya kong magawa nang mag-isa (tingnan sa 2 Nephi 25:23).
Sa propesyonal na aspeto ng buhay ko, isa akong surgeon ng tainga, ilong, at lalamunan. Minsan sa Reno, Nevada, USA, tinawag akong tumulong sa pediatric intensive care team ng ospital upang gamutin ang napakaselan na lalaking sanggol na isinilang nang napakaaga. Nalampasan ng lalaking sanggol na iyon ang ilang mahihirap na hamon sa unang ilang buwan ng kanyang buhay at nagkaroon ng sapat na lakas para makauwi sa kanyang mga magulang at pamilya.
Sa kasamaang-palad, matapos manatili sa tahanan nang dalawang buwan, ibinalik siya sa ospital dahil sa isang matinding impeksyon sa kanyang kaliwang baga, at hindi siya tumutugon sa isang mataas na dosage ng gamot.
Ang mga intensive care specialist ay naghihinala na maaaring may nasinghot na bagay ang sanggol na bumara sa kanyang baga, pero hindi ito makita sa anumang X-ray. Dahil sa kanyang lumalalang kondisyon, inirekomenda nila na tingnan ko ang kanyang mga baga habang natutulog siya sa operating room.
Noong mga panahong iyon, wala pa kaming teknolohiya para makitang mabuti ang maliliit na daluyan ng hangin ng mga sanggol. Habang nagsisikap kami na matanggal ang impeksyon sa kanyang kaliwang baga, sa ilang sandali ay nakita ko kung ano ang nasinghot niya—isang napakaliit na piraso ng matingkad na dilaw na krayola, na nakasuksok sa bahaging hindi maaabot ng kahit anumang instrumento na maaaring gamitin para tanggalin iyon.
Nakita ng isang nars sa operating suite na malubha ang sitwasyon at binanggit niya na may nakita siyang isang mahaba at manipis na instrumentong ginagamit sa pag-aalis ng mga bato sa kidney na nasa masisikip na bahagi. Mabilis siyang nakapaglabas nito, isang manipis, paikot at nababaluktot na wire basket na kung gagamitin nang tama ay makakakuha ng maliit na bato nang hindi nasisira ang nakapaligid na mga tissue dito. Ngunit paano ito makakapasok doon?
“Hindi Ko po Ito Magagawa nang Mag-isa”
Hiniling ko sa anesthesiologist na patuloy na asikasuhin ang aming munting pasyente habang papunta ako sa sulok ng operating room. “Ama sa Langit, hindi ko po ito magagawa nang mag-isa.” Pumasok sa isip ko: “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo. Magkasama nating gagawin ito!”
Nag-ensayo ako nang ilang ulit na binubukas at isinasara ang wire basket sa aking kamay sa iba’t ibang posisyon. Sa pinakamarahang paraan, naipasok ang manipis na wire basket papunta sa krayola. Sa maselang pagmaniobra, nakalampas, nabuksan, at pagkatapos ay dahan-dahan itong nasara. Wala nang bara at malinis na ngayon ang daluyan ng hangin.
Dahil naalis na ang krayola, nakabawi at gumaling ang bata. Nakalabas siya ng hospital noong linggo ring iyon na may maliit na garapong naglalaman ng matingkad na dilaw na souvenir.
Alam ko na nakatanggap ako ng tulong mula sa langit, na parang may kamay na mula sa langit na gumabay sa aking kamay.
Mapagpakumbaba kong pinatototohanan ang ibinibigay na payo at patnubay ng Ama sa Langit. May mga pagkakataon na magagawa mo ang kailangan mong gawin sa tulong lamang ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, sa lahat ng panahon, ay “kilalanin mo siya at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:6).