Paghahanda nang Maaga para sa Kanyang Kinabukasan
Isang ideya, isang trampoline, at isang hangaring makatulong sa iba ang nag-udyok sa isang 11-taong-gulang na batang babae na matuto ng magagandang aral tungkol sa pag-asa sa sarili at paglilingkod.
Halos lahat ng 11-taong-gulang ay abala na sa eskuwela, mga gawain sa bahay, at mga aktibidad kasama ang mga kaibigan. Ngunit si Alexandra C. na nagmula sa estado ng Durango, Mexico ay hindi isang karaniwang batang 11-taong-gulang. Bukod pa sa lahat ng normal na ginagawa ng mga bata sa gayong edad, kumikita si Alexandra mula sa sarili niyang negosyo at naglilingkod sa kanilang komunidad.
Kaya, paano sinimulan ng gayon kabatang babae ang sarili niyang kumpanya?
Nagsimula sa Isang Ideya
Nagsimula iyon nang marinig ni Alexandra na may ilang klaseng inaalok ang Simbahan para tulungan ang mga tao na maging self-reliant o umasa sa sarili. Ang grupo ay para lamang sa mga 18-taong-gulang pataas, ngunit determinadong sumali si Alexandra. Gustung-gusto niya ang ideyang matuto kung paano maghanap ng trabaho o magsimula ng sarili niyang negosyo.
Maaari kaya na siya, na isang batang nasa elementarya, ay hindi lamang makaimpluwensya sa sarili niyang kinabukasan kundi makatulong din sa mga taong mas mahirap pa kaysa sa kanya? Kunsabagay, marami siyang kilalang miyembro ng Simbahan sa kanilang nayon na kakaunti ang pinag-aralan at kabuhayan.
Sumali si Alexandra sa grupong tinatawag na “Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo,” isa sa tatlong kursong itinuturo. Sa halip na isang guro ang magturo, ang grupo ay pinamunuan ng isang facilitator—isang kapwa miyembro ng grupo na gumagabay sa iba pang mga kagrupo sa kurso at naghihikayat ng talakayan. Nakipagkita si Alexandra sa kanyang grupo linggu-linggo sa loob ng tatlong buwan.
Nang matutuhan ni Alexandra kung paano umasa sa sarili sa temporal at sa espirituwal, sinimulan niyang alamin kung ano ang mga pangangailangan ng mga tao sa kanilang lugar. Napansin niya na kulang ang mga mapaglilibangan ng lahat ng bata sa bayan nila, kaya nag-ipon siya ng pera at bumili ng maliit na trampoline. Inilagay ni Alexandra ang trampoline sa isang pampublikong lugar at sinimulang paupahan ito, gamit ang mga ideyang natutuhan niya sa klase tungkol sa pagbebenta at pananalapi.
Naging patok na patok ang trampoline sa kanilang komunidad.
Ang mga Pagpapala ng Paglilingkod at Kasipagan
Sinimulan ding gamitin ni Alexandra ang mga kasanayan niya sa ibang mga paraan. Dahil malaki ang paggalang niya sa lahat ng miyemro ng kanilang grupo at tinupad ang lahat ng kanyang pangako, pinagkatiwalaan si Alexandra na maging facilitator sa isang bagong grupo—isang katungkulan na karaniwang hinahawakan ng mga taong 18-taong-gulang pataas.
Nang maging facilitator si Alexandra, siya noon ang pinakabata sa anim na kalahok sa grupo niya. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga materyal bago magklase para alam niya kung paano higit na matutulungan ang kapwa miyembro ng kanyang grupo. Sineryoso niya ang bagong papel na kanyang ginampanan. “Kinakabahan siya kapag hindi dumating sa oras ang kanyang grupo o kapag hindi gumana ang video,” sabi ng tatay niyang si David.
Natuto si Alexandra na balansehin nang napakaayos ang oras niya sa homework, sa negosyong trampoline, at sa pagiging facilitator. At inisip niya na sulit ang lahat ng iyon. “Pinagpala ako ng Diyos nang gawin Niya akong facilitator,” sabi niya. Para sa kanya, ang isang pagpapala ay ang matutong mahalin ang mga pinaglilingkuran mo.
Ang pagmamahal na iyon ay umakay sa kanya na tulungan ang kanyang grupo na may tunay na hangarin na magtagumpay sila. Halimbawa, tuwing magkikita-kita sila, gumagawa ang mga miyembro ng grupo ng lingguhang mga pangako na gamitin ang napag-aralan nila sa kanilang negosyo at pagkatapos ay ituro sa kanilang pamilya ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natutuhan nila. Kapag hindi nagawa ng mga kalahok sa klase ni Alexandra ang mga mithiin nila o lumiban sila sa klase, binibisita niya sila sa bahay para malaman kung maayos sila at hinihimok sila na tuparin ang kanilang mga pangako. “Gustung-gusto kong bisitahin ang mga kagrupo ko,” sabi niya.
Dagdag pa ng tatay ni Alexandra, “Namamangha akong makita na matindi ang paghahangad ng anak ko sa kapakanan ng mga nangangailangan. Awang-awa siya sa mga taong pinaglilingkuran niya.”
Ngayong Beehive na siya sa Young Women, plano ni Alexandra na dalhin ang kanyang negosyong trampoline sa kalapit na komunidad. Dahil natutong maging self-reliant o umasa sa sarili at tumulong sa iba na gawin din iyon, sinabi niya na nakakakita na siya ng mga pagbabago sa kanyang sarili at sa mga bago niyang kaibigan sa grupo. “Lumago na ang patotoo ko kay Cristo,” sabi ni Alexandra. “Mas tiwala na ako sa sarili ko, at gusto kong maglingkod.”
Sinabi ni Alexandra na dahil sa training course na ito, mas alam na niya kung sino siya talaga at kung paano siya makapaglilingkod. “Nalaman ko na kaya kong paunlarin ang sarili ko. At masaya akong makita na lahat ng miyembro ng grupo ay umuunlad. Alam ko na magiging mas mabuti pa ang kalagayan nila ngayon; uunlad ang kanilang negosyo. Alam ko na tinawag ng Diyos ang propeta at na ang self-reliance training ay isang pahayag mula sa Kanya.”
Para kay Alexandra, ang kanyang patotoo, sariling kahalagahan, at paglilingkod sa iba ay tiyak na mga bagay na sulit pagsikapan.