2016
Katatagan kay Cristo
August 2016


Katatagan kay Cristo

Sa artikulong ito at sa susunod, Si Elder Clayton at ang kanyang asawang si Kathy ay nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang kakayahang tulungan ang mga anak ng Diyos na maabot ang kanilang walang hanggang potensyal.

tree and Christ

Mga imahe ng puno © iStock/Thinkstock

Isa sa mga nakakabagabag na tagpo sa buong banal na mga kasulatan ay nakatala sa Aklat ni Juan. Nangyari ito matapos magdusa ang Panginoon ng hindi kayang unawaing paghihirap para sa ating mga kasalanan at kahinaan sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa D at T 19:15–18).

Ang tagpong ito ay sinundan ng pagkakanulo at pagdakip sa Kanya na nangyari matapos ang mga pang-iinsulto at pisikal na pananakit na Kanyang naranasan sa kamay ng mga lider ng mga Judio. Nangyari iyon matapos Siyang paghahampasin ng mga sundalong Romano na sumusunod sa utos ni Pontio Pilato. Nangyari iyon matapos mariing ipatong ang koronang tinik sa Kanyang ulo.

Sinabi ni Pilato na walang masamang ginawa si Jesus para Siya ipako sa krus. Nag-utos siya na latiguhin si Jesus, isang matindi ngunit hindi nakamamatay na pananakit sa katawan. Marahil inasahan ni Pilato na sa pagpapahirap at paghamak niya sa Tagapagligtas ay mapapaniwala niya ang mga lider ng mga Judio na nabigyan na si Jesus ng napakasakit na aral at gawin itong isang halimbawa para sa masasama. Inaasahan niya na mapupukaw sila at maaawa kay Jesus. Kaya nga, matapos ang pananakit, iniutos ni Pilato na ipakita si Jesus sa mga tao.

“Narito, ang tao!”

“Lumabas nga si Jesus na may putong na tinik at balabal na kulay ube. Sa kanila’y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao!

“Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila’y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus, Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya at ipako ninyo siya sa krus: sapagka’t ako’y walang masumpungang kasalanan sa kaniya” (Juan 19:5–6).

Bagama’t napakahalaga ng natitira pang kuwento, hanggang dito lang ako sa sinabi ni Pilato: “Narito, ang tao!”

Kabaliktaran ang hiling ni Pilato. Ang pisikal na anyo ng Tagapagligtas sa sandaling iyon ay sugatan, subalit wala kailanman hanggang noong sandaling iyon, maging sinumang lalaki o babae ang higit na karapat-dapat na “mamasdan.” Perpekto ang kanyang buhay. Walang sinuman ang makakapantay sa Kanya. Wala pang nabuhay na katulad Niya. Walang mabubuhay nang ganoon. Taglay Niya ang bawat kabanalan sa ganap na anyo nito.

Ang Tagapagligtas ay may kapangyarihan ng pagpipigil sa sarili. Perpekto ang Kanyang emosyon at mga nararamdaman, maging ang Kanyang mga iniisip. Walang hanggan ang Kanyang pag-unawa. Siya lamang ang tunay na karapat-dapat na masdan—sa bawat pananaw—at suriin, sukatin, at sambahin. Walang bahagi ng Kanyang isip, puso, o nararamdaman ang hindi nakakasiya. Hindi man ito nakita sa kanyang anyo ng panahong iyon, ngunit si Jesus ang larawan ng isang masaganang pamumuhay.

Kaya nga hindi ang pisikal na anyo ng mga sandaling nagdurusa Siya ang dapat muna nating alalahanin (tingnan sa Isaias 53:2). Ang nasa loob ng Kanyang sugatang katawan ang lubhang makabuluhan para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang pagkatao ay naging posible ang ginawa Niya. Ang Kanyang kadakilaan ang nakakaakit ng ating atensyon.

Ang dapat nating makita habang minamasdan Siya ay ang Kanyang tagumpay laban sa puwersa ng kasamaan, kahit na sa mga sandaling iyon ay tila hindi iyon matagumpay. Gayundin ang Kanyang ganap na pagiging payapa sa gitna ng pinakamasidhing pasakit na maaring maranasan ng isang tao. Bawat kasamaang inimbento ng kaaway ay pinakawalan na at papakawalan pa laban sa Kanya. Nalabanan at napagtagumpayan Niya ang lahat ng iyon. Tumayo Siya sa harapan ni Pilato na payapa at maayos.

Ang Kanyang kapangyarihan sa pisikal na mga elemento ng mundo at kondisyon ng sangkatauhan ay Kanyang ipinakita nang walang duda. Itinaboy Niya ang masasamang espiritu. Pinagaling Niya ang mga maysakit, bulag, at bingi. Binuhay Niya ang patay, kabilang na ang mga batang Kanyang ibinalik sa kanilang mga magulang. Batid Niya ang mga iniisip at nararamdaman ng bawat isa. Pinatawad Niya ang mga kasalanan at pinagaling ang mga ketongin. Pinasan Niya ang bigat ng kasalanan, pasakit, mga sakit, at kabiguan ng lahat ng tao sa harapan ni Pilato. Pinasan Niya maging ang mga kasalanan ng mga taong nanakit sa Kanya ng mga sandaling iyon.

Tunay ngang dapat natin Siyang “masdan.” Siya ang Anak ng Diyos na buhay. Siya ang larawan ng buhay, ang pinadala upang ipakita ang daan at maging Daan. Siya ang “daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6) para sa ating lahat. Sa tatlong salitang iyon na “narito, ang tao,” hindi alam at hindi sinadya ni Pilato na bigkasin niya ang simpleng sagot para matamo ang pinakamataas na layunin ng buhay.

Nang inutos ni Pilato sa mga Judio na tingnan ang Tagapagligtas, itinuro Niya sa kanila ang Isa, ang Nag-iisa, na makapagpapasagana ng buhay natin at gagawin na “kaligtasan nati’y maging ganap”1 Ito ang dahilan sa utos na “aasa ka sa Diyos at mabubuhay” (Alma 37:47).

Ang dapat nating tandaan kapag minamasdan natin Siya ay na dahil sa Kanya, at sa lahat ng ginawa Niya at sa lahat na Siya noon at ngayon, maaari rin tayong magtagumpay. Maaari rin nating mapaglabanan ang lahat. Maaari rin tayong mabuhay nang masagana sa gitna ng mga pagsubok. Kung pipiliin nating “masdan” Siya at tanggapin at ipamuhay ang Kanyang nakaliligtas na ebanghelyo, ililigtas Niya tayo. Sasagipin Niya tayo mula sa epekto ng ating nahulog na kalagayan at mga kahinaan, at ililigtas Niya tayo mula sa kasalanan, sa espirituwal na kakulangan, at sa huli at walang hanggang kabiguan. Kanya tayong pipigain, pipinuhin, pagagandahin at kalaunan ay gagawing ganap. Bibigyan Niya tayo ng kagalakan at kapayapaan. Siya ang susi sa masaganang buhay.

Aral ng mga Punla

acorn

Nakatira kami ng asawa kong si Kathy sa dalisdis ng bundok. Isang uri ng mga puno—ang scrub oak—ang nakatanim doon. Hindi gaya ng malalaki at matatayog na puno ng oak, ang mga puno ng scrub ay hindi lumalaki. ngunit matigas ito at maganda.

Ilang taon na ang nakalipas naglagay kami ng isang malaking paso sa daanan na papunta sa pintuan ng aming bahay. Tinaniman namin ng makukulay na bulaklak ang paso na nasa tabi ng isang puno ng scrub oak. Nang sumapit ang taglagas, nag-umpisang maglaglagan ang mga buto ng scrub oak at ang ilan ay napunta sa paso.

Isang araw ng tagsibol napansin ko na may tumubo nang mga punla. Ayaw naming may tumubong iba roon kundi bulaklak lang, kaya binunot ko ang mga umusbong na punla. Nagulat ako dahil ang ugat ng mga ito ay tatlo o apat na beses ang haba kaysa sa haba ng umusbong na halaman sa kinatataniman nitong lupa.

Sa Utah, USA, maalinsangan ang tag-init, at kaunti ang ulan, at ang taglamig ay napakaginaw na may kasamang hangin at niyebe. Ngunit ang malalim na ugat ng mga punla ng scrub oak ay mabilis na gumapang pailalim sa lupa. Dahil dito ang mga ugat ay nakasipsip ng tubig at nakakuha ng sustansya mula sa lupa. Ang malalim na ugat ay nagsilbi ring pangkapit upang ang puno ay tumubong tuwid at matatag kapag malakas ang hangin, simula noong maliit pa ang mga ito. Ang malalim na ugat ay nakakatulong sa paglaki ng puno ng scrub oak. Habang patuloy na tumutubo ang mga punla hanggang sa sukdulan nitong laki, patuloy na pinalalaki, pinoprotektahan, at pinalalakas ito ng kanyang mga ugat.

Makakakuha tayo ng aral sa puno ng scrub oak. Lahat tayo ay may mga karanasan na maihahalintulad sa maalinsangang tag-init at magiginaw na taglamig. May madadali at mahihirap tayong mga panahon, mga tagumpay at kabiguan, panahong malusog at may sakit, mga panahon ng kaligayahan at sandali ng kalungkutan. Ang buhay ay hindi palaging payapa. Hindi ito madali.

Ang buhay ay tulad din sa iba pang mga bagay. Napaliligiran tayo ng mga kultura at tradisyon ng ating sariling bayan at ibang mga bansa. Ang ilan sa mga impluwensya nito ay mabuti, at ang ilan ay masama. Ang ilan sa mga ito ay nakasisigla, at ang iba ay nakapanliliit at nakapagpapababa ng pagkatao. Ang ating mga tahanan ay maaaring pagpalain ng liwanag ng ebanghelyo o masira dahil sa hindi pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang mga halimbawa ng mga kaibigan ay maaaring maganda o hindi. Walang nakaaalam kung saan tayo dadalhin ng buhay natin. Hindi natin lubos na masasabi kung ano ang kinabukasan ng ating kalusugan o kayamanan. Hindi natin kayang hulaan ang mangyayaring digmaan o ang magiging kalagayan ng panahon. May mga bagay na hindi natin kayang kontrolin na nagsisilbing hamon sa ating lahat.

Ngunit hindi tulad ng mga puno, pinipili natin kung ano ang magiging espirituwal na ugat natin sa ating buhay. Nakapagdedesisyon tayo kung saan natin nanaising patubuin ang ating ugat at gaano kalalim natin ito ibabaon sa lupa. Ang ating araw-araw na mga pagpapasiya ay gumagawa ng maliliit, halos hindi makitang kaibhan, sa ugat ng ating pananampalataya, na siyang nagiging saligan natin.

Katatagan sa Tagapagligtas

seedlings and roots

Dahil hindi natin alam kung kailan o paano darating ang mga hamon, o gaano katagal mananatili ang ating personal na taglamig o tag-init, kailangan nating ibaon ang ating mga ugat sa pinakamalalim na kaya natin sa tanging pinagkukunan ng ikabubuhay ng ating kaluluwa, ang Panginoong Jesucristo. Nais Niyang maging masagana ang ating buhay. Inaanyayahan Niya tayo na lumapit sa Kanya. Ipinahayag Niya, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23).

Nag-iipon tayo ng lakas ng espiritu upang mapaglabanan ang mga unos sa buhay natin sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanya. Natututo tayo sa pagbabasa at pagdarasal. Natututo tayo sa mabubuting halimbawa ng iba. Natututo tayo sa paglilingkod sa iba upang mapaglingkuran natin Siya (tingnan sa Mateo 25:40). Natututo tayo sa hangarin nating tularan Siya sa lahat ng ating makakaya.

Ang pakikinig ay pag-unawa at pagsunod, hindi lamang pakikinig. Nakikinig tayo sa Kanya sa ating pribadong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nakikinig tayo sa sacrament meeting at sa templo. Naririnig natin Siya sa “marahang bulong na tinig” (1 Mga Hari 19:12). Nakikinig tayo sa Kanya sa tinig ng mga buhay na propeta at mga apostol.

Ang maingat na pakikinig ay nagpapaalala sa atin na “hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Pinapatatag natin ang ating mga ugat sa ating maliliit ngunit tuluy-tuloy na paglaki. Sa pakikinig natin, sinusundan natin ang landas na Kanyang dinaanan. Siya ang landas tungo sa masaganang buhay, at Siya ang liwanag na tumatanglaw dito (tingnan sa Juan 8:12).

Sundin ang mga Utos

Walang sikreto o sorpresa sa kaya nating gawin at dapat gawin upang lumaki ang ating ugat: sundin natin ang mga utos ng Diyos. Ang ating kakayahang sundin ang Kanyang kalooban ay lumalaki habang sinusunod natin ang Kanyang kagustuhan. Nagiging mas madali ito dahil umuunlad tayo sa pananalig at pananampalataya. Kapag nagpatuloy tayo sa tapat na pamumuhay ng ebanghelyo, pag-iibayuhin ng Panginoon ang ating katatagan ng loob.

Ang marapat at pinaghandaang pagsamba ay mahalagang sangkap sa lalim ng ating espirituwal na ugat. Sa mapitagang pagdalo sa sacrament meeting at pakikibahagi sa sacrament na may tunay na layunin ang araw ng Sabbath ay hindi lamang nagiging isang pangkaraniwang Linggo. Hindi natin tuluyang maibabaon nang malalim ang ating mga ugat maliban kung “lagi [natin] Siyang aalalahanin” (D at T 20:77, 79). Kapag inihahanda natin ang ating sarili bago dumalo sa mga miting, nagiging masayang karanasan ang ating Sabbath. Habang isinasaisip natin na kailangan nating mapatawad at mapagpala na mapasaatin ang Espiritu, ito ang simula na makikita natin na ang kapilya ay isang kanlungan at ang sakramento ay panahon ng pagpapakabanal.

Sa dahilang iyon, may mga bagay tayong kailangang palaging dalhin kapag tayo ay nagsisimba. Una sa mga ito ay ang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Pumunta tayo na sabik na hangarin at damhin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Subalit dapat nating laging iwanan ang ilang bagay sa ating tahanan. Ang pag-iisip natin tungkol sa isport, trabaho, paglilibang, at pamimili ay dapat nating iwasan at gawin lamang kapag hindi araw ng Sabbath. Ang tunay na pagsamba ay naghihikayat ng totoong pagbabalik-loob. Natutulungan ang mga ugat ng ating pananampalataya na maibaon nang malalim, kung saan matatagpuan ang espirituwal na balon, na “magiging [sa atin ay] isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14).

Isinulat ni Pablo:

“Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya:

“Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo” (Mga Taga Colosas 2:6–7).

Kung hindi tayo nakaranas ng personal na mga bagyo at tagtuyot, walang pagkakataong lumakas ang ating mga ugat. Sa kabaliktaran, ang tahimik na buhay ay isang pagsubok din—at mahirap ito. Ang kawalan ng problema ay makapagpapahina sa atin kung hindi tayo mag-iingat. Maaaring “hindi [natin bantayan] ang [ating sarili], at ang [ating] isipan, at [ating] mga salita, at [ating] mga gawa, at [sundin ang] mga kautusan ng Diyos, at [magpatuloy] sa pananampalataya” (Mosias 4:30) kung walang pagsubok na nagbabaluktot ng ating mga tuhod at kumikilos sa ating puso.

Ang buhay ay may paraang magbigay ng pagdurusa sa atin kahit na ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin upang maging maayos ito. Maliban na lamang kung mali ang ating pinipili, na tiyak na magdadala ng kapahamakan, hindi natin pinipili kung kailan o kung paano darating sa atin ang mga pagsubok. Ngunit tiyak na nagpapasiya tayo bawat araw kung paano natin ihahanda ang sarili natin para sa mga pagsubok na iyon. Kaya pinaaalalahanan tayo ni Josue: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran” (Josue 24:15).

Narito pa ang isang paalala.

“Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok:

“Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon” (Mateo 7:13–14).

Huwag tayong magtaka kung hindi tayo matutulungan ng mahina nating pananampalataya kapag sa bingit ng makipot na daan tayo naglalakad. Ang ginagawa o hindi natin ginagawa ang mahalaga dahil ang ating mga kilos ay may ibinubunga, gayundin kapag wala tayong ginagawa. Kapag hindi natin binibigyang-pansin ang maliliit, pang-araw-araw at paulit-ulit ngunit mahahalagang gawain sa ating pananampalataya, pinahihina natin ang ating mga ugat. Sa paglipas ng panahon, unti-unti tayong napapalayo sa Diyos.

Kaya nga ang paraan kung paano tayo makipag-usap sa bawat isa, ang mga aklat at artikulong ating binabasa, ang mga pinapanood na palabas sa telebisyon at pelikula sa sinehan, ang mga hindi natin binabasa at hindi kailanman pinapanood, at ang mga biro na ayaw nating marinig o uliting ikuwento ay nagpapakita kung nasaan tayo sa makipot at makitid na daan—nasa gitna ba o nasa gilid. Hindi natin masasabing inaalagaan natin ang ating mga ugat kung ang mga ginagawa natin at hindi ginagawa ay hindi nakakatulong upang maging mabuti tayong mga miyembro ng Simbahan. Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa gitna ng makipot at makitid na daan.

Ang Landas Tungo sa Kapayapaan

tree and Christ

Walang mas mabuting huwaran ng buhay, ni mas tiyak na daan tungo sa kapayapaan at landas na tatahakin, kaysa sa pagsunod sa Panginoong Jesucristo. Tanging ang Kanyang pangalan ang pangalang ibinigay sa silong ng langit na may kapangyarihang gawing mas makalangit ang ating buhay (tingnan sa 2 Nephi 31:21; Moises 6:52). Walang sinumang iba pa ang “mamamasdan” natin na may taglay ng nakaliligtas, nakapagpapanibago, at nakakapagpabagong-anyong kapangyarihan na mayroon ang Tagapagligtas.

Nailarawan sa mga salita ni Judas ang kahungkagan ng buhay na babalot kalaunan sa mga taong pipiliin kahit sino o ano maliban sa Tagapagligtas: “Mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat” (Judas 1:12).

Ang ating kaluluwa ay dapat na matatag kay Cristo upang matiis natin ang anumang hamon, magtagumpay laban sa pagdurusa, mapaglabanan ang anumang pag-atake sa ating pananampalataya, at maging katulad ng mga puno ng oak—matibay, hindi natitinag at matatag. Ang ganitong katatagan ay nahihigitan ang panahon at nadadaig ang bawat kaaway, maging ang pinakatuso, hindi nakikita, at pinakamasamang mga bagay.

Natutuhan natin kay Helaman kung paano ang pangako ng malabatong tibay ay nakasalalay sa pagsalig ng ating buhay sa ating Manunubos, “isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12). Nailarawan din ni Isaias sa maikling salita ang diwa ng ibig sabihin ng katatagan sa Panginoong Jesucristo at maranasan ang bunga sa ating mga kaluluwa ng mga katangian ng Tagapagligtas. Isinulat niya, “At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat” (Isaias 58:11).

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang huwaran ng bawat kabutihan. Siya lamang ang tanging perpektong taong nabuhay. Nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala maaari tayong maging kababaihan at kalalakihan kay Cristo. Tayo ay malilinis, mababago, mapapagaling, at mapapadalisay. Ang ating mga kaluluwa ay mapapadakila.

Nawa’y “[ma]masdan [natin] Siya” nang lubos. Nawa’y tularan natin Siya nang may pagsamba. Nawa’y sundin natin Siya nang may sigla. Nawa’y ibaon natin ang ating mga ugat sa lupa ng kaligtasan hanggang sa humimlay tayo sa Kanya, na Bato ng ating Manunubos. Nawa’y lalo nating madama ang pagpapala ng masaganang buhay na Kanyang inaalay.

Tala

  1. Tingnan sa “Amang Walang Hanggan,” Mga Himno, blg. 104.