2016
Pisikal na Kalusugan: Pagbabawas ng Timbang at ang Word of Wisdom
August 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pisikal na Kalusugan: Pagbabawas ng Timbang at ang Word of Wisdom

Carol E. Wolf, Utah, USA

Ngayong mid-60s na ako, lalo akong nahihirapang maglakad. Halos 300 libra (136 kg) ang timbang ko. Nanghihina ako at nangangalog ang tuhod ko at kumuha pa ako ng handicapped parking permit para makaparada ako nang malapit sa mga tindahan hangga’t maaari.

Nagpasiya ako na panahon na para magbawas ng timbang. Bumaling ako sa Doktrina at mga Tipan 89 at nanalangin sa Ama sa Langit, “Tulungan po Ninyo akong unawain kung ano talaga ang ipinahihiwatig nito sa akin.” Sa paglipas ng panahon ang bawat talata, bawat salita ay nagkaroon ng bagong kahulugan. Kahit hindi ako umiinom ng alak, tsaa, o kape, at hindi ako naninigarilyo, talagang hindi ko maunawaan ang buong mensahe. Alam ko na ang Word of Wisdom ay isang alituntuning pangkalusugan, pero hindi ko naisip na ito pala ay isang paraan ng pamumuhay.

Sa unang pagkakataon talagang nadama ko na kaya kong baguhin ang estilo ng pamumuhay ko. Nagtakda ako ng makatotohanang mithiin na magbawas ng 50 libra (23 kilo) sa loob ng 50 linggo.

Sinubaybayan ko ang aking calories at nutrients. Sinaliksik ko ang mga pakinabang sa kalusugan ng lahat ng kinain ko. Nang kumain ako ng mas nakalulusog na pagkain, nasiyahan ako. Wala akong kinasabikang kainin. Parang alam ng katawan ko kung ano ang kailangan nito. Hindi na rin ako naaakit sa di-nakalulusog na pagkain na dati kong kinakain. Tumigil na ako sa pagkain ng matatamis. Sa paglipas ng panahon, tumigil na ako sa pagbibilang ng calories at kumain ako ng pagkain na galing sa halaman, tulad ng sabi sa Word of Wisdom: “yaong namumunga, maging sa lupa o sa ibabaw ng lupa” (D at T 89:16). Nakamit ko ang minimithi ko at marami pang iba. Sa loob lang ng mahigit 23 buwan ay mahigit kalahati na ang nabawas sa timbang ko. Nakakapagsuot na ako ng 12 size na mas maliit na damit! Napanatili ko na ngayon ang timbang na iyan nang mahigit tatlong taon.

Ang lusog ng pakiramdam ko. Hindi na biglang tumataas ang blood-sugar ko kapag gutom ako, at hindi ko maalala ang huling pagkakataon na sumakit ang ulo ko. Hindi ko na kailangang uminom ng gamot. Bagamat nakatulong ang pagbabawas ko ng timbang sa magandang pakiramdam ko, nakatulong din ang bagong estilo ng pamumuhay ko.

Ang pagkontrol sa mga bagay na kinakain ko ay bahagi ng pagdaig sa likas na tao (tingnan sa Mosias 3:19). Dahil diyan, pinagaganda nito ang kakayahan kong espirituwal na makahiwatig, na nagtutulot sa akin na matanggap ang pangako na ako ay “makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan” (D at T 89:19). Mabuting ipagpalit ang pagkain ng fastfood sa karunungan.

Lubos akong nagpapasalamat sa isang mapagmahal na Ama sa Langit na nakarinig sa simpleng pakiusap ko at nagbigay sa akin ng ideya tungkol sa Word of Wisdom. Alam ko na ang Word of Wisdom ay paghahayag. Alam ko na kayang baguhin nito ang mga buhay.