Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Kahandaan sa Emergency: Mga Lindol at Demijohn
Ricardo Sosa, Santa Lucia, Argentina
Noong ako ay siyam na buwan pa lamang, ang mga magulang ko—na bata pa, may tatlong maliliit na anak at may isa pang ipinagbubuntis—ay inabot ng magnitude-7.5 na lindol sa Argentina. Nang magsimulang gumuho ang bahay namin, agad kaming kinuha ng tatay at nanay ko at itinakbo kami. Nang masiguradong OK na kami, nilibot nila ang napinsalang lugar. Agad inalam ng tatay ko ang laki ng mga nasira at nawala, at nalaman na wala kaming malinis na tubig mula sa gripo. Ni walang sapat na tubig para hugasan ang alikabok sa gumuguhong mga bahay!
Nang maglaho ang pagyanig, sinunggaban ng tatay ko ang kanyang bisikleta at umalis para tingnan ang nanay niya, na ilang kanto ang layo ng tirahan. Pagdating niya sa nasirang bahay ng kanyang ina, nagpunta siya sa likod-bahay kung saan ito nakaupo na may kaunting galos lamang.
Hiniling ng lola ko kay Itay na magsalba ng ilang bagay mula sa guho, at habang ginagawa niya ito, nakakita siya ng dalawang demijohn (mga babasaging boteng pinaglalagyan ng ibinebentang 5 hanggang 15 galon [20 hanggang 60 L] ng alak) na puno ng sariwang tubig na maiinom. Hindi nabasag ang mga ito.
Ilang buwan bago ang lindol, pinagbilinan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga Banal sa buong mundo na mag-imbak ng pagkain at tubig. Nakinig ang lola ko, na isang bagong convert. Mula sa dalawang demijohn na iyon, natugunan namin ang mga pangangailangan ng aming pamilya sa loob ng dalawang araw hanggang sa dumating ang agarang tulong.
Ang halimbawang ito ng pagsunod ng lola ko ay isang patotoo kay Itay, na kalaunan ay naniwala sa ebanghelyo. Simula noon ay nabuklod na ang aming pamilya sa templo. Lubos akong nagpapasalamat sa pananampalataya at pagsunod ng lola ko sa panawagang maging handa.