2016
Paano Manatiling Karapat-dapat
August 2016


Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan

Paano Manatiling Karapat-dapat

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2011.

young woman reading the scriptures

Sapat na ang haba ng buhay ko para masaksihan ang maraming pagbabago sa moralidad ng lipunan. Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkakatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito.

Maraming pelikula at palabas sa telebisyon ang nagpapakita ng pag-uugaling tuwirang sumasalungat sa mga batas ng Diyos. Huwag magpailalim sa pahiwatig at malinaw na kalaswaang napakadalas matagpuan doon. Ang mga titik ng karamihan sa tugtugin ngayon ay nasa gayong kategorya rin. Ang kahalayang laganap sa ating paligid ngayon ay hinding-hindi palalagpasin noon. Isinasamo ko na huwag kayong magsalita o gumawa ng anumang bagay na ikahihiya ninyo.

Tuluyan nang lumayo sa pornograpiya. Huwag na ninyo itong tingnan, kahit kailan. Napatunayang ito ay isang adiksyon na mas mahirap daigin. Iwasan ang alak at tabako o anumang droga, gayundin ang mga adiksyon na mahihirapan kayong itigil.

Ano ang poprotekta sa inyo mula sa kasalanan at kasamaan sa inyong paligid? Naniniwala ako na ang matibay na patotoo sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ang magliligtas sa inyo. Kung hindi pa ninyo nababasa ang Aklat ni Mormon, basahin ito. Kung gagawin ninyo ito nang may panalangin at tapat na hangaring malaman ang katotohanan, ipakikita ng Espiritu Santo ang katotohanan nito sa inyo. Kung ito ay totoo—at totoo nga—ibig sabihin si Joseph Smith ay isang propetang nakita ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang Simbahan ay totoo. Kung wala pa kayong patotoo sa mga bagay na ito, gawin ninyo ang kailangan para matamo ito. Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo, dahil hindi kayo lubos na masusuportahan ng patotoo ng ibang tao. Kapag nagkaroon na kayo ng patotoo, kailangan itong manatiling masigla at buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at regular na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Magsimba. Dumalo sa seminary.

Kung may mali sa inyong buhay, may paraan para maitama ninyo ito. Itigil ang anumang kasamaan. Kausapin ang inyong bishop. Anuman ang problema, malulutas ito sa pamamagitan ng wastong pagsisisi. Maaari kayong maging malinis na muli (tingnan sa D at T 58:42).

Inilarawan ng Tagapagligtas ng sangkatauhan ang Kanyang sarili bilang nasa mundo ngunit hindi makamundo. Tayo man ay magiging gayon kung tatanggihan natin ang mga maling konsepto at turo. Manatiling tapat sa ipinag-uutos ng Diyos.