2016
Pananalapi: Oatmeal, Tinapay, at Kanin at Beans
August 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pananalapi: Oatmeal, Tinapay, at Kanin at Beans

Hindi ibinigay ang pangalan, Hawaii, USA

eating oatmeal

Paglalarawan ni Stan Fellows

Magastos ang pag-aaral ng asawa ko sa graduate school, kaya inasam naming makakita ng trabaho na tutulong sa amin na mabayaran ang aming mga utang. Inalok kami ng ilang posisyon sa trabaho ngunit mas gusto naming magturo sa Hawaii. Gayunman, pagdating ng kontrata namin, mas mababa ang suweldo kaysa napag-usapan namin. Ipinaalam sa amin na nagkaroon ng bagong patakaran at hindi kami puwedeng makipag-areglo. Nakatiyak na kami tungkol sa bagong trabaho, kaya pinirmahan namin kaagad ang kontrata.

Gustung-gusto namin sa Hawaii, minahal ng asawa ko ang kanyang trabaho, at pinagpala kami bilang pamilya. Nababayaran na namin nang maayos ang aming student loan hanggang sa ipaalam sa amin ng credit card company na magiging 14 percent na ang bago naming interest sa halip na ang kasalukuyan 3 percent. Ikinatwiran namin na lagi naman kaming nagbabayad sa oras at malaki na ang nabayaran namin sa utang. Ngunit hindi natigatig ang kumpanya.

Una, gumawa kami ng kaunting creative financing, at inilipat namin ang aming balanse sa iba’t ibang credit card na may short-term zero percent interest rate. Pagkatapos ay nagsimula kaming magtipid. Binawasan namin nang husto ang pambili ng aming pagkain, damit, at lampin para sa aming pamilya na may pitong miyembro. Nabuhay kami sa pagkaing inimbak namin. Tuwing umaga oatmeal ang kinakain namin; tuwing hapon homemade bread naman; at tuwing gabi ay kanin at beans. Wala kaming mga luho na tulad ng mantikilya, sariwang gatas, o juice. Pagkabayad namin ng ikapu at mga pangunahing gastusin, lahat ng kinikita namin ay napupunta sa pagbabayad ng aming mga credit card.

Pagkaraan ng anim na buwan, nabayaran na namin ang 90 porsiyento ng aming utang! Pinarami ng Panginoon ang aming kita sa mga mahimalang paraan. Mabilis naming nabayaran ang natitira naming utang, at labis kaming nagpapasalamat. Dumaraing pa rin ang anak ko tungkol sa pagpapakain ko sa kanya ng oatmeal tuwing umaga, ngunit alam ko na sa pagbabayad ng aming ikapu at pagsunod sa propeta, pinagpala kami sa pinansyal at sa temporal.