2013
Panginoon, Nananampalataya Ako
Mayo 2013


“Panginoon, Nananampalataya Ako”

Tapat na kilalanin ang inyong mga tanong at alalahanin, ngunit pag-alabin muna ang inyong pananampalataya, dahil lahat ng bagay ay posible sa kanila na sumasampalataya.

Elder Jeffrey R. Holland

Minsan nadaanan ni Jesus ang isang grupo na galit na nakikipagtalo sa Kanyang mga disipulo. Nang itanong ng Tagapagligtas kung bakit sila nagtatalo, lumapit ang ama ng isang batang maysakit, at sinabing nilapitan niya ang mga disipulo ni Jesus para pabasbasan ang kanyang anak, ngunit hindi nila iyon nagawa. Habang nagngangalit pa ang mga ngipin ng bata, at bumubula ang bibig nito, at pagulung-gulong ito sa lupa, nagsumamo ang ama kay Jesus sa tinig ng kawalang-pag-asa:

“Kung mayroon kang magagawang anomang bagay,” sabi niya, “ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung kaya mo [na sumampalataya], ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.

“Pagdaka’y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, [Panginoon] nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.”1

Ang unang paniniwala ng lalaking ito, na kanyang inamin, ay limitado. Ngunit may mahalagang bagay siyang gustong ipagawa para sa kanyang kaisa-isang anak. Sinabihan tayo na sapat na iyan sa simula. “Kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala,” sabi ni Alma, “hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala.”2 Sa kawalan ng pag-asa, ipinahayag ng amang ito ang pananampalataya niya at isinamo sa Tagapagligtas ng mundo, “Kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.3 Napaluha ako nang mabasa ko ang mga salitang ito. Ang panghalip na kami ay malinaw na ginamit nang sadya. Ang ibig sabihin ng lalaking ito ay, “Nagsusumamo ang buong pamilya namin. Hindi kami tumitigil sa pakikibaka. Pagod na kami. Bumabagsak ang anak namin sa tubig. Bumabagsak ang anak namin sa apoy. Palagi siyang nasa panganib, at palagi kaming nangangamba. Wala na kaming malapitan. Maaari mo ba kaming tulungan? Pasasalamatan namin ang anuman—kaunting basbas, kaunting pag-asa, kaunting paggaan ng pasaning dala-dala ng ina ng batang ito sa bawat araw ng kanyang buhay.”

“Kung mayroon kang magagawang anomang bagay,” na sinabi ng amang ito, ay sinagot ng Panginoon ng, “Kung kaya mo [na] sumampalataya.”4

“Pagdaka” sabi sa talata—hindi dahan-dahan ni alanganin ni mapaghinala kundi “pagdaka”—humiyaw ang tunay na nasasaktang ama, “[Panginoon] nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.” Bilang tugon sa bago at mahina pang pananampalataya, pinagaling ni Jesus ang bata, halos literal na ibinangon ito mula sa mga patay, ayon sa paglalarawan ni Marcos sa pangyayari.5

Sa tagpong ito na magiliw na itinala sa banal na kasulatan, nais kong magsalita nang tuwiran sa mga kabataan ng Simbahan—na bata pa sa edad o sa pagiging miyembro o sa pananampalataya. Sa anumang paraan, dapat ay kabilang tayong lahat diyan.

Ang una kong napansin sa salaysay na ito ay nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: “[Panginoon,] nananampalataya ako.” Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. Sa paglago na kailangan nating danasing lahat sa buhay na ito, ang espirituwal na katumbas ng hirap ng batang ito o ng kawalang-pag-asa ng magulang na ito ay sasapit sa ating lahat. Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman. Ito mismo ang pangyayari, ang himalang ito, kaya’t sinabi ni Jesus, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat; at sa inyo’y hindi may pangyayari.”6 Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninto sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo.

Ang pangalawang napuna ko ay naiiba nang kaunti sa una. Kapag dumarating ang mga problema at tanong, huwag ninyong simulan ang paghahanap ng pananampalataya sa pagsasabi kung gaano karami ang wala sa inyo, simula sa inyong “kakulangan ng pananampalataya.” Napakahirap gawin niyan! Lilinawin ko ang bagay na ito: Hindi ko hinihiling na magkunwari kayong may pananampalataya kahit wala. Hinihiling ko na maging tapat kayo sa pananampalatayang taglay ninyo. Kung minsa’y kumikilos tayo na para bang ang tapat na pagpapahayag ng pag-aalinlangan ay mas magandang pagpapakita ng katapangang moral kaysa tapat na pagpapahayag ng pananampalataya. Hindi totoo iyan! Kaya’t tandaan nating lahat ang malinaw ng mensahe ng kuwentong ito sa banal na kasulatan: Maging tapat sa inyong mga tanong hangga’t maaari; lahat tayo ay may mga tanong sa buhay tungkol sa isang bagay. Kung gusto ninyo at ng inyong pamilya na mapagaling, huwag ninyong hayaang makahadlang ang mga tanong na iyan sa pananampalataya ninyo na magkakaroon ng himala.

Bukod pa riyan, mas malaki ang pananampalataya ninyo kaysa inaakala ninyo dahil sa tinatawag ng Aklat ni Mormon na “dami ng katibayan.”7 “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila,” sabi ni Jesus,8 at ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay makikita sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako. Tulad ng sinabi nina Pedro at Juan sa mga tagapakinig noon, sinasabi ko sa inyo ngayon, “Hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig,” at ang aming nakita at narinig ay na “ginawa … ang himalang hayag sa lahat” sa buhay ng milyun-milyong miyembro ng Simbahang ito. Hindi iyan maikakaila.9

Mga kapatid, isang dakilang gawain ang isinasagawang ito, na ang mga pagpapala ay laganap sa lahat ng dako, kaya huwag kayong masyadong maligalig kung may lumalabas na mga problema paminsan-minsan na kailangang suriin, unawain, at lutasin. Lalabas at lalabas ang mga ito. Sa Simbahang ito, mas mahalaga ang alam natin kaysa hindi natin alam. At tandaan, sa mundong ito, lahat ay dapat mamuhay sa pananampalataya.

Kaya’t maging mapagpaumanhin sa kahinaan—sa inyong kahinaan gayundin sa mga kasama ninyong naglilingkod sa Simbahan na pinamumunuan ng boluntaryo at mortal na kalalakihan at kababaihan. Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man. Nakayayamot siguro iyon sa Kanya, pero napagpapasensyahan Niya iyon. Dapat, tayo rin. At kapag may nakikita kayong pagkakamali, alalahanin na ang limitasyon ay hindi sa kabanalan ng gawain. Tulad ng sinabi ng isang magaling na manunulat, kapag ibinuhos ang walang-hanggang kaganapan, hindi kasalanan ng langis kung may lumigwak dahil hindi ito magkasya sa lalagyan.10 Kasama tayo sa mga limitadong lalagyang iyon, kaya maging mapagpasensya at mapagpatawad.

Ang huling napansin ko: kapag kayo ay nag-aalinlangan o nahihirapan, huwag matakot na humingi ng tulong. Kung hihingin natin ito sa mapagpakumbaba at tapat na paraan tulad ng amang ito, makakamtan natin ito. Ang pagkasabi sa banal na kasulatan sa gayon kataimtim na hangarin ay “may tunay na hangarin,” na “may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos.”11 Bilang tugon sa gayong uri ng mapilit na pagsamo, pinatototohanan ko na magpapadala ang Diyos ng tulong mula sa magkabilang panig ng tabing upang patatagin ang ating paniniwala.

Sinabi ko na mga kabataan ang kausap ko noon. Ngayon din naman. Isang 14-anyos na batang lalaki ang medyo atubiling nagsabi sa akin kamakailan, “Brother Holland, hindi ko pa masabi na alam kong ang Simbahan ay totoo, pero naniniwala akong totoo ito.” Niyakap ko nang mahigpit ang batang iyon hanggang sa lumuwa ang kanyang mga mata. Sinabi ko sa kanya nang buong taimtim na ang paniniwala ay mahalagang salita, mas mahalaga pa kung ipapakita, at hindi niya kailangang humingi ng paumanhin sa “paniniwala lamang.” Sinabi ko sa kanya na sinabi ni Cristo mismo, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang,”12 isang kataga na nagtulak sa binatang si Gordon B. Hinckley na magmisyon.13 Sinabi ko sa batang ito na paniniwala palagi ang unang hakbang sa pananalig at na ang mga saligan ng pananampalataya na naglalarawan sa pananampalataya nating lahat ay pawang nagsisimula sa mga katagang “Naniniwala kami.”14 At sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya ipinagmamalaki sa katapatan ng kanyang hangarin.

Ngayon, dahil nabiyayaan akong matuto nang halos 60 taon simula nang maniwala ako noong 14-na-taong-gulang ako, ipapahayag ko ang ilang bagay na alam ko na ngayon. Alam ko na ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng sitwasyon. Alam ko na si Jesus ang Kanyang tanging perpektong anak, na mapagmahal na ibinuwis ang Kanyang buhay ayon sa kalooban kapwa ng Ama at ng Anak para tubusin tayong lahat na hindi perpekto. Alam ko na nagbangon Siya mula sa kamatayan upang muling mabuhay, at dahil nagbangon Siya, tayo rin ay mabubuhay. Alam ko na si Joseph Smith, na umamin na hindi siya perpekto,15 ang hinirang na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa kabila niyon upang ipanumbalik ang walang-hanggang ebanghelyo sa lupa. Alam ko rin na sa paggawa nito—lalo na sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon—mas marami siyang naituro sa akin tungkol sa pag-ibig ng Diyos, sa kabanalan ni Cristo, at sa kapangyarihan ng priesthood kaysa sinumang propeta na nabasa, nakilala, o narinig ko na sa buong buhay na paghahanap ko. Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson, na tapat at masaya sa nalalapit na ika-50 anibersaryo ng kanyang ordinasyon bilang Apostol, ang karapat-dapat na propeta ngayon. Muli nating nakita sa kanya ang balabal ng propeta sa kumperensyang ito. Alam ko na ang 14 na iba pang kalalakihan na inyong sinasang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay sinasang-ayunan siya sa pagtataas nila ng mga kamay, sa buong pusong pagtanggap sa kanya, at sa taglay nilang mga susi bilang apostol.

Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito na may paniniwalang tinawag ni Pedro na “lalong panatag na salita ng hula.”16 Ang dating maliit na binhi ng paniniwala para sa akin ay naging punungkahoy ng buhay, kaya kung ang inyong pananampalataya ay medyo sinusubukan ngayon o kailan man, inaanyayahan ko kayong sumandig sa aking pananampalataya. Alam kong ang gawaing ito ang katotohanan ng Diyos, at alam kong mapapahamak tayo kung mag-aalinlangan tayo o tutulutan nating iligaw tayo ng landas ng mga diyablo. Patuloy na umasa. Patuloy na maglakbay. Tapat na kilalanin ang inyong mga tanong at alalahanin, ngunit pag-alabin muna ang inyong pananampalataya, dahil lahat ng bagay ay posible sa kanila na sumasampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.