2013
Ang Inyong mga Banal na Lugar
Mayo 2013


Ang Inyong mga Banal na Lugar

Nasa mapa man o mga sandaling di-malilimutan ang [inyong mga banal na lugar], pare-parehong sagrado ang mga ito at may kamangha-manghang kapangyarihang magpalakas.

Ang ating 2013 Mutual theme ay mula sa ika-87 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Ang tagubiling ito ay matatagpuan sa tatlong magkakahiwalay na bahagi; malinaw na mahalaga ang payo. Ipinaliliwanag nito kung paano tayo makatatanggap ng proteksyon, lakas, at kapayapaan sa panahon ng kaguluhan. Ang inspiradong tagubilin ay “tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”1

Nang pag-isipan kong mabuti ang temang ito, hindi ko mapigilang magtanong ng, “Ano ang ‘mga banal na lugar’ na tinutukoy ng Ama sa Langit?” Ipinayo ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Kabilang sa mga banal na lugar ang ating mga templo, chapel, tahanan, at stake ng Sion, na, … ‘isang tanggulan, at isang kanlungan.’”2 Bukod pa rito, naniniwala ako na bawat sa atin ay makakahanap ng marami pang lugar. Maaaring isipin muna natin ang salitang lugar bilang pisikal na kapaligiran o lugar sa mapa. Gayunman, ang isang lugar ay maaaring “isang malinaw na kundisyon, posisyon o pananaw.”3 Ibig sabihin maaari ding kabilang sa mga banal na lugar ang di-malilimutang sandali—mga sandali na nagpapatotoo sa atin ang Espiritu Santo, nadama natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit, o kapag tumatanggap tayo ng sagot sa ating mga panalangin. Higit pa rito, naniniwala ako na kapag malakas ang inyong loob na manindigan sa tama, lalo na sa mga sitwasyon kung saan walang ibang gustong gumawa nito, lumilikha kayo ng banal na lugar.

Sa maikli ngunit maringal na buhay ni Joseph Smith, talagang siya ay “[tumayo] sa mga banal na lugar” at hindi natinag. Noong tinedyer pa siya, nabahala siya sa kaguluhan tungkol sa relihiyon sa kanyang komunidad at ginustong malaman kung alin sa lahat ng mga simbahan ang totoo. Ang mapunong lugar malapit sa bahay nila ay naging banal na lugar nang lumuhod siya sa gitna ng mga puno at nanalangin nang malakas sa unang pagkakataon. Sinagot ang kanyang panalangin, at ang tawag ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar na ito ay Sagradong Kakahuyan.

Ang mga kabataang babae sa buong mundo ay tumatayo sa mga banal na lugar sa kalikasan sa Young Women camp. Isang lider ang nagkuwento sa akin ng karanasan ng isang dalagita. Di-gaanong aktibo noon ang dalagitang ito, at duda siya na magkakaroon siya ng espirituwal na karanasan sa kakayuhan. Pagkaraan ng unang araw, nagreport siya sa kanyang lider, “Ang saya-saya ko, pero puwede bang huwag na po nating pag-usapan ang Espiritu? Narito ako para magkamping, masiyahan sa kalikasan, makipagkaibigan, at magpakasaya!” Gayunman, sa testimony meeting bago matapos ang kamping, umiiyak na inamin ng batang ito na, “Ayoko pang umuwi. Paano ko patuloy na madarama ang nadarama ko ngayon, ang Espiritung ito, sa lahat ng oras?” May natuklasan siyang banal na lugar.

Ang isa pang banal na lugar sa buhay ni Joseph Smith ay ang sarili niyang kuwarto. Maaaring mahirap itong paniwalaan dahil, tulad ng marami sa inyo, kasama niya sa silid ang mga kapatid niya. Naging banal na lugar ito nang manalangin siya nang may malaking pananampalataya, pagpapakumbaba, at pangangailangan. Ipinaliwanag niya, “Matapos akong humiga sa aking higaan sa gabing yaon, ipinasiya sa aking sarili na manalangin at magsumamo sa Pinakamakapangyarihang Diyos para sa kapatawaran ng lahat ng aking mga kasalanan at mga kalokohan.”4 Hindi madali ang tatlong taon na nagdaan simula nang magkaroon ng pangitain si Joseph sa Sagradong Kakahuyan. Tiniis ng labimpitong-taong-gulang na si Joseph ang walang-humpay na pangungutya, panlilibak, at pananakot. Ngunit nang gabing iyon sa kuwarto niya, nagpakita ang anghel na si Moroni bilang sagot sa kanyang mga pagsamo. Nakatanggap si Joseph ng kaalaman at kapanatagan. Nang gabing iyon, ang kuwarto niya ay naging banal na lugar.

Habang pinanonood ang isang Mormon Message for Youth, nasaksihan ko ang isa pang kuwartong naging banal na lugar. Makikita sa video si Ingrid Delgado, isang dalagitang taga-El Salvador, na nagbabahagi ng kanyang damdamin tungkol sa templo. Sabi niya, “Mabuti na may mapupuntahan tayong lugar para matakasan ang mga bagay ng mundo at matanggap ang mga sagradong ordenansa at tulungan ang mga hindi makatatanggap nito sa buhay na ito.” Habang nagsasalita siya, makikita sa video na binabasa ni Ingrid ang kanyang mga banal na kasulatan, napaliligiran ng mga Mormon Ad, quotation o sipi, aklat na Pansariling Pag-unlad, mga retrato ng kanyang pamilya at ng templo, at oo, ng kanyang paboritong stuffed toys.5 Siguro wala siyang kamalay-malay na nakalikha siya ng sarili niyang banal na lugar, na malayo sa mga bagay ng mundo. Iniisip ko kung ilang beses nabasa ni Ingrid ang kanyang mga banal na kasulatan, nadama ang Espiritu, at nakatanggap ng mga sagot sa kanyang mga panalangin sa kanyang banal na lugar.

Ang isa pang di-inaasahang banal na lugar sa buhay ni Joseph Smith ay ang Liberty Jail. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “Wala nang mas mabigat na panahon sa buhay ni Joseph kaysa sa malupit, ilegal, at di-makatarungang pagkapiit na ito.” Ipinaliwanag pa ni Elder Holland na ang Liberty Jail ay tinukoy bilang “templong piitan” dahil sa mga sagradong karanasan ni Propetang Joseph Smith doon.6

Ang ilan sa inyong mga dalagita ay maaaring dumaranas ng sarili ninyong Liberty Jail, isang lugar kung saan napahiya kayo, kung saan walang nagmahal sa inyo, kung saan kayo ay kinutya, tinakot, o marahil ay sinaktan pa. Sa inyo mga dalagita ay alay ko ang mga salita ni Elder Holland: “Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, nagtuturong mga karanasan sa Panginoon sa pinakamiserable ninyong mga karanasan sa buhay … , habang tinitiis ang masasaklap na kawalang-katarungan, kapag nakaharap ninyo ang pinakamabigat na sitwasyon at oposisyon sa lahat.”7 Sa madaling salita, kagaya ni Propetang Joseph Smith, kayo ay makakalikha o makakatayo sa mga banal na lugar kahit sa pinakamahihirap na panahon na mararanasan ninyo.

Isang young adult, si Kirsten, ang nagbahagi sa akin ng mapait niyang karanasan. Ang panahon sa hayskul ang kanyang Liberty Jail. Mabuti na lang, ang silid na pinagpapraktisan ng banda ang nagbigay ng kapanatagan sa akin. Sabi niya: “Kapag pumasok ako sa kuwartong ito, para akong pumasok sa isang ligtas na lugar. Walang nanlalait o nanghihiya, o nanlalapastangan. Sa halip, nakarinig kami ng mga salita ng panghihikayat at pagmamahal. Nagpakita kami ng kabaitan. Masayang lugar iyon. Ang praktisan ng banda ay puspos ng Espiritu habang nagpapraktis at tumutugtog kami. Madalas ay ganito sa kuwartong ito dahil sa impluwensya ng nagtuturo ng banda. Isa siyang mabuting Kristiyano. Sa pagbabalik-tanaw, ang hayskul ay nagtuturo ng kagandahang-asal. Mahirap noon, pero natuto akong makisalamuha. Pasasalamatan ko magpakailanman ang aking kanlungan, ang aking banal na lugar, ang silid-praktisan ng banda.”8

Sa gabing ito, iniisip ba ninyo ang inyong mga banal na lugar? Hiniling ko sa daan-daang dalagita na sabihin sa akin ang kanilang mga banal na lugar. Nasa mapa man ang mga lugar na ito o mga sandaling di-malilimutan, pare-parehong sagrado ang mga ito at may kamangha-manghang kapangyarihang magpalakas. Narito ang siyam sa kanilang magigiliw na sagot:

  • Isa: “Nasa ospital ako, karga ang bagong silang na kapatid kong lalaki.”

  • Dalawa: “Sa tuwing babasahin ko ang aking patriarchal blessing, dama kong kilala at mahal ako ng aking Ama sa Langit.”

  • Tatlo: “Noong araw na mag-12 taong gulang ako, nilagyan ng dekorasyong hugis-puso ng mga kabataang babae sa ward ang pintuan ko.9 Nadama ko na mahal at tanggap nila ako, at napakasaya ko!”

  • Apat: “Habang binabasa ko ang aking mga banal na kasulatan isang araw, ‘pumasok sa isip’ ko ang isang kataga. Nahanap ko na ang sagot sa aking mga dalangin.”

  • Lima: “Pumunta ako sa isang party kung saan nag-iinuman ang mga tao at may ginagawang hindi kanais-nais. Sinabi sa akin ng Espiritu na tumalikod at umuwi. Ginawa ko iyon, at oo, naapektuhan nito ang pakikihalubilo ko. Gayunman, ang sandaling iyon ang nagbigay sa akin ng tiwalang kailangan ko para malaman na kaya kong ipamuhay ang ebanghelyo.”

  • Anim: “Sa oras ng sakramento, iniisip ko ang Pagbabayad-sala. Natanto ko na kailangan kong patawarin ang isang taong kinapopootan ko. Ang pasya kong magpatawad ay nakatulong para magkaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala sa aking pang-araw-araw na buhay.”

  • Pito: “Matapos dumalo sa mga New Beginning kasama ng inay ko, hinalikan niya ako sa pisngi at sinabihan na mahal niya ako. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na natatandaan kong ginawa niya ito.”

  • Walo: “Sa pagtiyak ng Bishop ko, alam kong ang pangako sa banal na kasulatan ay totoo: ‘Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila pula, ay magiging mapuputi na parang niebe.’10 Nakadama ako ng pag-asa at nalaman kong masisimulan ko na ang mahabang proseso ng pagsisisi.”

  • Panghuli: “Isang gabi, nag-ipon ako ng lakas ng loob na sabihin ang nadarama ko tungkol sa ebanghelyo at sa Aklat ni Mormon sa pinakamatalik kong kaibigan. Kalaunan, nagkaroon ako ng pribilehiyong dumalo sa kanyang binyag. Ngayon ay magkasama na kaming nagsisimba.”

Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang isa sa aking mga sagradong lugar? Minsan ay nadama kong nagugulumihanan, nangangamba, at nag-iisa lang ako. Tahimik akong nanalangin: “Ama sa Langit, di ko po alam kung paano ito gawin. Tulungan po sana ninyo ako!” Di-nagtagal, isang tao ang di-inaasahang lumapit, inakbayan ako, at kinausap ako nang taos-puso at pinalakas ang loob ko. Sa sandaling iyon, nakadama ako ng kapayapaan. Nadama kong mahalaga ako. Lahat ay nabago. Naisip ko ang sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan niya tayo. Ngunit karaniwan ay sa pamamagitan ng ibang tao Niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.”11 Para sa akin, sa sandaling iyon, ang lugar na iyon, ay naging banal.

Mahal na mga dalagita, napakarami pang mga banal na lugar na sana’y maibahagi natin sa isa’t isa. Pag-uwi ninyo sa gabing ito, hinihikayat ko kayong isulat sa inyong journal ang mga banal na lugar na iyon na kinikilala at naaalala ninyo. Malinaw sa akin na libu-libo sa inyo ang nakatayo sa mga banal na lugar. Ang mga lugar na ito ay nagdudulot ng proteksyon, lakas, at kapayapaan sa magulong panahon. Ang inyong mga patotoo ay lalong lumalakas dahil naninindigan kayo sa katotohanan at kabutihan sa maluwalhating mga paraan.

Kayong mararangal na kabataan ng Simbahan ang aking mga idolo. Mahal ko kayo. Dama ko ang matinding pagmamahal ng Ama sa Langit sa inyo, at nagpapatotoo ako sa inyo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Siya ay naghihintay, handang suportahan kayo kapag kayo ay “nakatayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag.” Mahal ko at sinasang-ayunan si Pangulong Thomas S. Monson, ang ating tunay at nakahihikayat na propeta. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 87:8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:32; 101:22.

  2. Ezra Taft Benson, “Prepare Yourself for the Great Day of the Lord,” New Era, Mayo 1982, 50; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 115:6.

  3. Merriam-Webster Online, “place,” merriam-webster.com/dictionary/place.

  4. Joseph Smith—Kasaysayan 1:29.

  5. Tingnan sa “Practice, Celebration, Dedication: Temple Blessings in El Salvador,” lds.org/youth/video.

  6. Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail,” Ensign, Set. 2009, 26, 28.

  7. Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail,” 28.

  8. Personal na pakikipag-usap sa awtor.

  9. Tinutukoy kung minsan sa Estados Unidos na “atake sa puso.”

  10. Isaias 1:18.

  11. Spencer W. Kimball, “The Abundant Life,” Ensign, Hulyo 1978, 4; Tambuli, Hunyo 1979, 3.