2013
Ang Ama at ang Anak
Mayo 2013


Ang Ama at ang Anak

Ang pinakamahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng kapangyarihan nitong magligtas ay ang tamang pagkaunawa tungkol sa Ama at sa Anak.

Elder Christoffel Golden Jr.

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makapagsalita sa inyo ngayong hapon sa nagbibigay-inspirasyong pangkalahatang kumperensyang ito!

Sa pagtalakay sa isang paksang para sa akin ay napakasagrado, nais kong pasalamatan muna ang katapatan ng napakaraming Kristiyano sa buong kasaysayan, pati na ang aking mga ninunong Protestanteng French at Katolikong Irish. Dahil sa pananampalataya at pagsamba nila sa Diyos, marami sa kanila ang nagsakripisyo ng katungkulan, mga pag-aari, at maging ng kanilang buhay sa pagtatanggol sa kanilang Diyos at sa kanilang pananampalataya.1

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw at bilang mga Kristiyano, may matibay at malalim na pananampalataya rin tayo sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang katapatan sa Diyos ay laging sagrado at personal sa atin at sa ating Lumikha.

Ang ating paghahangad sa buhay na walang hanggan ay walang iba kundi ang hangaring maunawaan kung sino ang Diyos at para makabalik tayo sa piling Niya. Nanalangin ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”2

Maging sa malinaw na pagpapahayag na ito ng ating Tagapagligtas, ang karaniwang pananaw ng halos buong sangkatauhan sa katangian ng Ama at ng Anak sa loob ng maraming siglo ay maliwanag na hindi naaayon sa mga turo ng mga banal na kasulatan.

Magalang naming ipinapahayag na ang pinakamahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng kapangyarihan nitong magligtas ay ang tamang pagkaunawa tungkol sa Ama at sa Anak.3

Ang kahalagahan ng pinakamahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pinagtibay ng Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith noong 1820. Isinulat ng Propeta: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!4

Ang karanasang ito ng batang si Joseph, na sinundan ng maraming iba pang mga pangitain at paghahayag, ay naghahayag na talagang mayroong Diyos; ang Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay dalawang hiwalay at magkaibang nilalang; ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos; ang ating Ama sa Langit ay literal na Ama ni Jesucristo; patuloy na inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa tao; ang Diyos ay laging nariyan at nagmamalasakit sa atin; at sinasagot Niya ang ating mga dalangin.

Bagama’t bihira ang gayong mga pagpapakita ng Ama at ng Anak sa banal na kasulatan, ang pambihirang katotohanan ng Unang Pangitain ay nagpapatunay na lubos itong nakaayon sa iba pang nakatalang mga pangyayari sa mga banal na kasulatan.

Halimbawa, sa Bagong Tipan, mababasa natin ang huling patotoo ni Esteban nang siya ay patayin bilang martir. Sabi niya, “Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Dios.”5

Samantalang sa dakilang pangitain sa Pulo ng Patmos, nakita ni Apostol Juan ang “Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat”6 gayundin ang Kordero ng Diyos, na “binili [tayo] … ng [Kanyang] dugo.”7

Sa Aklat ni Mormon, ang doktrina ng Ama at ng Anak ay isa ring maringal na patotoo tulad rin ng nakatala sa Banal na Biblia. Nakatala sa Aklat ni Mormon ang pagdalaw ng ating Tagapagligtas sa mga Nephita, kung saan ipinakikilala ng tinig ng Ama, sa harapan ng mga 2,500 Nephita, ang nagbangong si Cristo: “Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.”8

Sa apat na Ebanghelyo, binanggit mismo ni Cristo ang Kanyang Ama sa Langit nang 160 beses, samantalang sa tatlong-araw na maikling ministeryo Niya sa mga Nephita, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon, 122 beses Niya binanggit ang Kanyang Ama.

Halimbawa, sa Mateo, sinabi ni Jesus, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”9

Sa Juan, nagpatotoo Siya, “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama.”10

At sa Lucas, ibinulalas Niya, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”11

Tuwing babanggitin ni Jesucristo ang Kanyang Ama sa Langit, ginagawa Niya iyon nang may lubos na pagpipitagan at pagpapakumbaba.

Sa pagsasabi nito, sana’y walang magkamali sa pag-unawa. Si Jesucristo ang dakilang Jehova, ang Diyos ng Israel, ang ipinangakong Mesiyas, at dahil sa Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Ipinahayag ni Apostol Pablo tungkol sa Kanya, “Kung magkagayo’y darating ang wakas, pagka ibibigay na [ni Cristo] ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga’y sa Ama; pagka lilipulin na [ni Cristo] ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.”12

Noong gabi bago ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nag-alay Siya ng Panalangin ng Pamamagitan sa Kanyang Ama. Idinalangin Niya:

“Hindi lamang sila [tinutukoy ang Kanyang mga Apostol] ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo.

“At ang kaluwalhatiang sa aki’y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.”13

Ang Ama at ang Anak ay malinaw na magkahiwalay na nilalang, ngunit Sila ay ganap na nagkakaisa at iisa sa kapangyarihan at layunin. Ang kanilang pagiging isa ay hindi lamang sa Kanila; bagkus, nais Nila na magkaisa ring ganito ang lahat, na tapat na sumusunod sa Kanilang mga utos.

Paano makikilala ng taong masigasig na naghahanap sa Diyos ang Ama at ang Anak? Nangako ang ating Tagapagligtas, “Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay.”14

Sa Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Nephi, nang magsalita tungkol sa doktrina ni Cristo, na ang Espiritu Santo ay “sumasaksi sa Ama at sa Anak.”15

Totoo na ang kapangyarihan o impluwensya ng Espiritu Santo ay madarama ng sinumang tao paminsan-minsan, alinsunod sa kalooban ng Panginoon, anuman ang kanyang relihiyon. Ngunit ang buong sukat, o kaloob, ng Espiritu Santo ay dumarating lamang matapos matanggap ng isang tao, na may “bagbag na puso at nagsisising espiritu,”16 ang mga ordenansa ng binyag at ang kaloob na Espiritu Santo17 sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang mga ito at ang iba pang sagradong mga ordenansa ay maisasagawa lamang sa patnubay at kapangyarihan ng priesthood ng Diyos. Hinggil dito, itinuro sa atin:

“At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.

“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”18

Sa pagkaunawang ito, ang doktrina ng Ama at ng Anak ay ang doktrina ng walang-hanggang pamilya. Lahat ng tao ay nabuhay na noon pa man bilang espiritung anak na may mga magulang sa langit,19 kasama ni Cristo na siyang Panganay ng Ama sa mag-anak na ito sa langit.20

Gayon din tayong lahat. Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit.

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na may pananaw ng isang propeta, “Walang bagay na higit na makakapagpamangha sa atin kapag sumakabilang-buhay tayo kundi ang malaman natin kung gaano natin kakilala ang ating Ama [sa Langit] at kung gaano tayo kapamilyar sa Kanyang mukha.”21

Nalaman ko na hindi posibleng ipabatid sa lengguwahe ng tao ang mga bagay na tanging ang Espiritu Santo at kapangyarihan ng Diyos lamang ang nagpapaalam. Taimtim kong pinatototohanan sa diwang ito ang katotohanan, pagiging malapit, at kabutihan ng ating Amang Walang Hanggan at ng Kanyang banal na Anak na si Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.