2013
Pagtubos
Mayo 2013


Pagtubos

Hangga’t sumusunod tayo kay Cristo, hinahangad natin at nakikibahagi tayo sa Kanyang gawaing tumubos.

Elder D. Todd Christofferson

Noong panahong kolonyal, maraming kailangang manggagawa sa Amerika. Sa ika-18 at ika-19 na siglo, kinalap ang mga gustong manirahan at magtrabaho sa Amerika mula sa Great Britain, Germany, at iba pang mga bansa sa Europa, pero marami sa mga gustong pumunta ang walang sapat na pamasahe. Karaniwan na sa mga ito ang pumunta roon na nakakontratang magtrabaho nang ilang panahon nang walang suweldo bilang bayad sa ipinamasahe sa kanila. Ilan naman ang nagsipunta at nangako na ang mga kapamilya nila sa Amerika ang magbabayad ng ipinamasahe sa kanila pagdating nila roon, pero kung hindi ganoon ang mangyayari, obligado silang magtrabaho nang walang suweldo hanggang mabayaran ang nagastos sa kanila. Ang salitang ginamit sa mga dayuhang manggagawang ito ay mga “redemptioner” o “tagapagtubos.” Kailangan nilang bayaran ang ipinamasahe sa kanila—na para bang binibili nila ang kalayaan nila—sa pamamagitan ng pagtatrabaho.1

Isa sa mga pinakamakahulugang titulo na naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos. Tulad ng nabanggit ko tungkol sa mga dayuhang “tagapagtubos,” ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain sa pamamagitan ng pangtubos. Kung may isang nagkasala at iwinasto niya ito o inihingi ng paumanhin, sinasabi nating naialis niya ang sarili sa maling palagay sa kanya ng tao. Bawat isa sa mga kahulugang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng dakilang Pagtubos na isinagawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kabilang na ang paglalarawan dito ng diksyunaryo bilang, “pagliligtas mula sa kasalanan at sa mga kaparusahan nito, sa pagsasakripisyo para sa nagkasala.”2

Ang Pagtubos ng Tagapagligtas ay may dalawang bahagi. Una, nagbayad-sala ito para sa mga paglabag ni Adan at ang ibinunga na Pagkahulog ng tao sa pagdaig sa matatawag na tuwirang ibinunga ng Pagkahulog—pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan. Malinaw na nauunawaan ang pisikal na kamatayan; ang espirituwal na kamatayan ay ang paghiwalay ng tao mula sa Diyos. Sa mga salita ni Pablo, “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22). Ang pagtubos na ito mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan ay para sa lahat at walang kundisyon.3

Ang pangalawang aspeto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay pagtubos mula sa matatawag nating hindi tuwirang bunga ng Pagkahulog—ang sarili nating mga kasalanan at hindi ang paglabag ni Adan. Dahil sa Pagkahulog isinilang tayo sa mundo kung saan ang kasalanan—ibig sabihin, ang pagsuway sa batas na itinatag sa langit—ay laganap. Ito ang sabi ng Panginoon tungkol sa atin:

“Maging kapag sila ay magsimula nang lumaki, ang kasalanan ay nabubuo sa kanilang mga puso, at kanilang matitikman ang pait, upang kanilang matutuhang pahalagahan ang mabuti.

“At ibinigay sa kanila na malaman ang mabuti sa masama; anupa’t sila ay malayang makapipili sa kanilang sarili” (Moises 6:55–56).

Dahil tayo ang nananagot at tayo ang pumipili, ang pagtubos sa ating sariling kasalanan ay may kundisyon—dapat nating aminin at talikdan ang kasalanan at mamuhay nang mabuti, o sa madaling salita, dapat tayong magsisi (tingnan sa D at T 58:43). “Dahil dito,” ang utos ng Panginoon, “ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan” (Moises 6:57).

Ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang Kanyang paghihirap sa krus ay tumubos sa atin mula sa kasalanan nang tugunan nito ang hinihingi ng katarungan sa atin. Pinagkakalooban Niya ng awa at pinatatawad ang mga nagsisisi. Tinugunan din ng Pagbabayad-sala ang katarungang para sa atin nang tayo ay Kanyang pagalingin at iligtas sa anumang pagdurusang dinaranas natin. “Sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan” (2 Nephi 9:21; tingnan din sa Alma 7:11–12).4

Hangga’t sumusunod tayo kay Cristo, hinahangad natin at nakikibahagi tayo sa Kanyang gawaing tumubos. Ang pinakamalaking paglilingkod na magagawa natin sa iba sa buhay na ito, simula sa sarili nating pamilya, ay ang ilapit sila kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi nang sa gayon ay maranasan nila ang Kanyang Pagtubos—kapayapaan at kagalakan ngayon, at kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan sa kabilang buhay. Ang gawain ng ating mga missionary ay napakagandang pagpapakita ng nakapanunubos na pagmamahal ng Tagapagligtas. Bilang Kanyang mga sugo na binigyang-karapatan, hatid nila ang di-mapapantayang pagpapala na pananampalataya kay Jesucristo, binyag, at ang kaloob na Espiritu Santo, na nagbibigay-daan sa espirituwal na pagsilang na muli at pagtubos.

Maaari din tayong tumulong sa pagtubos ng Panginoon sa mga pumanaw na. “Ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos, sa mga yaong nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay” (D at T 138:57). Dahil sa mga ginagawa nating ordenansa para sa kanila sa mga templo ng Diyos, kahit ang mga pumanaw na alipin ng kasalanan ay maaaring mailigtas.5

Bagama’t ang mahahalagang aspeto ng pagtubos ay may kinalaman sa pagsisisi at kapatawaran, mahalaga rin ang pagsasabuhay na aspeto nito. Naitala na si Jesus ay naglilibot na gumagawa ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38), kabilang dito ang pagpapagaling sa mga maysakit at nanghihina, pagbibigay ng pagkain sa maraming taong nagugutom, at pagtuturo ng mas magaling na paraan. “Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami” (Mateo 20:28). Magagawa rin natin, sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo, na maglibot na gumagawa ng mabuti ayon sa paraan ng pagtubos ng ating Panginoon.

Ibig sabihin ng pagtubos na ito ay tulungan ang mga tao sa kanilang alalahanin. Ibig sabihin nito ay kaibiganin ang mahihirap at mahihina, ibsan ang paghihirap, itama ang mali, ipaglaban ang katotohanan, patatagin ang mga bagong henerasyon, at kamtin ang kapanatagan at kaligayahan sa tahanan. Karaniwan sa pagtubos na ginagawa natin sa mundo ay ang tulungan ang iba na umunlad at makamtan ang kanilang mga matwid na inaasam at ninanais.

Isang halimbawa sa nobela ni Victor Hugo na Les Misérables, bagama’t likhang-isip lang, ang nakaaantig at nagbibigay-inspirasyon sa akin. Sa simula ng kuwento, binigyan ni Bishop Bienvenu ng pagkain at matutuluyan sa magdamag si Jan Valjean, na kalalabas lang sa bilangguan matapos makulong nang 19 na taon dahil sa pagnanakaw ng tinapay para mapakain ang mga nagugutom na anak ng kanyang kapatid na babae. Dahil matigas na ang loob at puno ng hinanakit, ang iginanti ni Valjean sa kabutihan ni Bishop Bienvenu ay ang nakawin ang mga pilak na kagamitan nito. Nang hinuli ng nagsusutpetsang mga pulis, sinabi ni Valjean na regalo sa kanya ang pilak. Nang dalhin siya ng mga pulis sa bahay ng bishop, nagulat si Valjean dahil pinatotohanan ni Bishop Bienvenu ang inilahad niya at para mas kapani-paniwala, sinabi pa nito na, “‘Pero teka! ibinigay ko rin sa iyo ang mga kandelarya, na mga pilak din, at maibebenta mo ng dalawang-daang franc. Bakit hindi mo dinala ang mga ito kasama ng mga plato?’ …

“Nilapitan siya ng bishop at sinabi, sa mahinang tinig:

“‘Huwag mong kalilimutan kahit kailan na nangako ka sa aking gagamitin ang pilak na ito para maging matapat na tao.’

“Dahil walang matandaan si Jean Valjean na ipinangako niya ito, nagulumihanan siya. Mahinahong nagpatuloy ang bishop:

“‘Jean Valjean, kapatid ko: hindi ka na kabilang sa kasamaan, kundi sa kabutihan. Ang kaluluwa mo ang binibili ko para sa iyo. Kinuha ko ito mula sa kadiliman at sa kapahamakan, at ibinibigay ko ito sa Diyos!’”

Totoo ngang nagbago si Jean Valjean, naging matapat at tumulong sa marami. Habambuhay niyang iningatan ang dalawang pilak na kandelarya para ipaalala sa kanya na natubos na ang kanyang kaluluwa para maglingkod sa Diyos.6

Ang ilang uri ng temporal na pagtubos ay mula sa sama-samang pagsisikap. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nagtatag ng Simbahan ang Tagapagligtas. Dahil inorganisa tayo sa mga korum at auxiliary at sa mga stake, ward, at branch, hindi lang natin matuturuan at mahihikayat ang isa’t isa sa ebanghelyo, kundi maaari din nating hingan ng tulong ang iba para matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao. Ang mga taong kumikilos mag-isa o kasama sa maliliit na grupo ay hindi laging makapaglalaan ng tulong sa mga malakihang pangangailangan. Bilang mga tagasunod ni Jesucristo tayo ay pangkat ng mga Banal na inorganisa upang tumulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating kapwa Banal at ng maraming iba pa sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dahil sa ating mga gawaing-pantao, na binanggit ni Elder Dallin H. Oaks, nitong nakaraang taon, 890,000 tao sa 36 na bansa ang may malinis na tubig, 70,000 tao sa 57 bansa ang nabigyan ng wheelchair, 75,000 tao sa 25 bansa ang napalinaw ang mga mata, at ang mga tao sa 52 bansa ay nakatanggap ng agarang tulong matapos ang mga kalamidad. Kasama ang iba pa, tumulong ang Simbahan sa pagbibigay ng bakuna sa halos 8 milyong bata at tinulungan ang mga taga Syria na nasa mga refugee camp sa Turkey, Lebanon, at Jordan sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay. Kasabay nito, tumanggap ang mga nangangailangang miyembro ng Simbahan ng milyun-milyong dolyar sa handog-ayuno at iba pang tulong pangkapakanan noong 2012. Salamat sa inyong pagiging bukas-palad.

Hindi kasama sa lahat ng ito ang kabaitan at tulong na ginagawa ng ilang tao—pagbibigay ng pagkain, damit, pera, malasakit, at napakarami pang uri ng ginhawa at habag—na maaari nating gawin upang makibahagi sa ginagawang pagtubos ni Cristo. Noong bata pa ako nasaksihan ko ang mismong ginawang pagtulong ng aking ina sa isang babaeng nangangailangan. Maraming taon na ang nakalilipas noong maliliit pa kaming magkakapatid, sumailalim sa maselang operasyon ang aking ina na muntik niyang ikamatay at dahil dito naratay siya sa karamdaman nang halos isang taon. Sa panahong ito, tinulungan ng mga kamag-anak at miyembro ng ward si Inay at ang aming pamilya. Para mas makatulong pa, iminungkahi ng Relief Society president ng ward na si Sister Abraham na kuning kasambahay ng mga magulang ko ang isang babae sa ward na kailangang-kailangan ng trabaho. Sa pagsasalaysay nito, gagamitin ko ang mga pangalang Sara at Annie para sa babaeng ito at kanyang anak. Ito ang ikinuwento ng aking ina:

“Malinaw pa rin sa akin ito na parang kahapon lamang nangyari. Nakahiga ako noon sa kama nang dumating si Sister Abraham kasama si Sara. Nadismaya ako. Hayun at nakatayo ang pinaka-walang gaanong itsurang tao na nakita ko—napakapayat; madumi at magulo ang buhok; bilugan ang mga balikat; nakatungo at nakatitig sa sahig. Nakasuot siya ng luma at napakaluwag na damit-pambahay. Ayaw niyang tumingala at napakahinang magsalita kaya hindi ko siya marinig. Nagtatago sa likod niya ang maliit na batang babae na mga tatlong taong gulang. Ano ang gagawin ko sa nilalang na ito? Nang lisanin nila ang silid, umiyak ako nang umiyak. Kailangan ko ng tulong, hindi dagdag na problema. Sinamahan muna siya ni Sister Abraham, at di-nagtagal nalinis na nila ang bahay at nakapaghanda ng masarap na pagkain. Sinabi sa akin ni Sister Abraham na subukan ko lang ito nang ilang araw, [sinasabing] talagang napakaraming hirap na dinanas ang babaeng ito at kailangan ng tulong.

“Kinabukasan nang dumating si Sara, pinalapit ko siya sa tabi ng kama ko para marinig ko siya. Itinanong niya kung ano ang ipapagawa ko. Sinabi ko sa kanya at ibinilin ito, ‘Pero ang pinakaimportante sa lahat ay ang mga anak ko; maglaan ka ng oras sa kanila, basahan mo sila ng mga kuwento—mas importante sila kaysa sa bahay.’ Masarap siyang magluto at malinis sa bahay, marunong maglaba, at mabait sa mga bata.

“Sa paglipas ng mga araw, nalaman ko ang kuwento ng buhay ni Sara. [Dahil may problema sa pandinig, nahirapan siyang mag-aral hanggang sa tuluyan nang huminto. Bata pa siya nang mapangasawa ang isang lasenggo. Ipinanganak si Annie na nagpasaya nang lubos kay Sara. Isang gabi ng taglamig umuwing lasing ang asawa niya, pinilit isakay sa kotse sina Sara at Annie na nakapantulog pa, at ibinaba sila sa gilid ng highway. Hindi na nila siya nakitang muli. Nakayapak at nanginginig sa ginaw, lumakad sina Sara at Annie nang maraming milya papunta sa bahay ng kanyang ina.] Pinatuloy sila ng kanyang ina sa kundisyong gagawin niya ang lahat ng gawaing-bahay at pagluluto, at aalagaan ang mga kapatid niya na nasa high school.

“Dinala namin si Sara sa doktor na gumagamot ng tainga, at pinalagyan siya ng hearing aid. … Hinikayat namin siyang pumasok sa adult schooling, at nakatapos siya ng high school. Nag-aral siya sa gabi at nagtapos kalaunan sa kolehiyo at nagturo ng special education. Nakabili siya ng maliit na bahay. Ikinasal si Annie sa templo at nagkaroon ng dalawang anak. Kalaunan ipinaopera ni Sara ang kanyang mga tainga at nakarinig na siyang mabuti. Ilang taon pa at nagretiro na siya at nagmisyon. … Walang sawang pinasalamatan kami ni Sara pati na ang marami raw niyang natutuhan sa akin, lalo na nang sabihin ko na mas importante ang mga anak ko kaysa sa bahay. Sabi niya itinuro nito sa kanya na gawin din iyon kay Annie. … Si Sara ay katangi-tanging babae.”

Bilang disipulo ni Cristo, dapat nating gawin ang lahat ng magagawa natin para tubusin ang iba mula sa kanilang paghihirap at pasanin. Gayunman, ang pinakamalaking pagtubos na magagawa natin ay akayin sila kay Cristo. Kung hindi Niya tayo tinubos mula sa kamatayan at kasalanan, ang ebanghelyong nasa atin ay magbibigay lang ng katarungang batay sa batas ng tao. Maaaring magbigay ng tulong at pagkakasundo iyan sa ngayon, ngunit wala itong kapangyarihang humingi sa langit ng ganap na katarungan at walang hanggang awa. Ang tunay na pagtubos ay na kay Jesucristo at tanging nasa Kanya lamang. Buong kapakumbabaan at pasasalamat ko Siyang kinikilala bilang aking Manunubos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-10-edisyon (1993), “redemptioner.”

  2. Webster’s New World College Dictionary, ikatlong edisyon, (1988), “redeem.”

  3. “Ang Anak ng Diyos ang nagbayad-sala sa kauna-unahang pagkakasala, kung saan ang mga kasalanan ng mga magulang ay hindi maaaring ipasagot sa mga ulo ng mga anak, sapagkat sila ay buo mula pa sa pagkakatatag ng daigdig” (Moises 6:54). Sa Pagtubos ni Cristo, nadaig ng lahat ang kamatayan at mabubuhay na mag-uli nang walang-kamatayan. Bukod pa riyan, nadaig ng lahat ang espirituwal na kamatayan dahil babalik tayong lahat sa kinaroroonan ng Diyos para hatulan. Sinabi ni Jesus, “At katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa” (3 Nephi 27:14). Ang mga nalinis sa kasalanan ay mananatili sa piling ng Diyos sa kaharian sa langit, ngunit ang mga hindi nagsipagsisi at hindi malinis ay hindi makapananahanang kasama ng banal na Diyos, at matapos ang Paghuhukom dapat silang lumisan at sa gayon ay daranas muli ng espirituwal na kamatayan. Tinutukoy ito kung minsan na pangalawang kamatayan o pagdanas ng espirituwal na kamatayan sa pangalawang pagkakataon. (Tingnan sa Helaman 14:15–18.)

  4. Dahil sa ating sariling mga kasalanan kaya binabanggit ng mga banal na kasulatan ang ilang hindi matutubos: “Ang masasama ay mananatili na parang walang pagtubos na ginawa, maliban sa pagkakalag ng mga gapos ng kamatayan” (Alma 11:41). “Siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos” (Alma 34:16). Kung tatanggihan ng tao ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, dapat niyang pagbayaran ang kanyang kasalanan upang bigyang-katarungan ang sarili. Sinabi ni Jesus, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko” (Doktrina at mga Tipan 19:16–17). Ang pagdurusa ng isang tao na hindi natubos dahil sa kasalanan ay itinuturing na impiyerno. Ibig sabihin nito ay pagpapasakop sa diyablo at inihahalintulad ng banal na kasulatan na pagkagapos sa tanikala o sa dagat-dagatang apoy at asupre. Nagsumamo si Lehi sa kanyang mga anak na piliin ang Pagtubos ni Cristo “at huwag piliin ang walang hanggang kamatayan, alinsunod sa kagustuhan ng laman at ng kasamaan na naroroon, na nagbibigay sa espiritu ng diyablo ng kapangyarihang bumihag, upang madala kayo sa impiyerno, at siya ang mamamahala sa inyo sa kanyang sariling kaharian” (2 Nephi 2:29). Gayunpaman, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, may katapusan ang impiyerno, at yaong pinadanas nito ay “matutubos mula sa diyablo … sa huling pagkabuhay na mag-uli,” (Doktrina at mga Tipan 76:85) Tanging sa iilang “anak na lalaki ng kapahamakan … lamang may [walang hanggang] kapangyarihan ang pangalawang kamatayan; oo, katotohanan, sila lamang ang hindi matutubos sa takdang panahon ng Panginoon, pagkatapos ng mga pagdurusa ng kanyang poot” (Doktrina at mga Tipan 76:32, 37–38).

  5. Buong galak na sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya” (Doktrina at mga Tipan 128:22).

  6. Tingnan sa Victor Hugo, Les Misérables (1992), 91–92.