Elder Terence M. Vinson
Ng Pitumpu
Hindi pa kailanman narinig ni Elder Terence M. Vinson, bagong tawag sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, ang katagang Mormon hanggang sa makilala niya si Kay Anne Carden noong unang mga taon ng 1970s sa Sydney, Australia. Ang dalawa ay nag-usap tungkol sa relihiyon at sa huli ay nagkaroon ng kasunduan. Tuwing Linggo, pareho nilang dinadaluhan ang simbahan noon ni Terence at ang isang maliit na branch ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang isa ay nagpupulong sa isang malaki at magandang gusali, ang isa naman ay sa isang maliit at inupahang lugar na nahanap ng iilang Banal sa mga Huling Araw.
Ngunit pagkaraan ng ilang linggo “napakalaki ng kaibhan,” at nagsimulang turuan si Terence ng mga missionary. Marami siyang tanong. Pagkatapos, habang dumadalo sa stake conference, malinaw niyang nadama ang isang mensahe na para bang narinig niya ito. “Kailangan kong sumapi sa Simbahan para umunlad. Lahat ng tanong ko ay masasagot,” sabi niya.
Siya ay nabinyagan nang sumunod na linggo.
Si Terence Michael Vinson ay isinilang sa Sydney, Australia, noong Marso 1951 sa mga magulang na sina John Laurence at May Therese A. Vinson. Ang kanyang ama, na isang bumbero, ay nagsakripisyo upang mapag-aral ang kanyang pitong anak.
Si Elder Vinson ay nagtapos ng bachelor’s degree sa mathematics at statistics mula sa Sydney University at diploma sa pagtuturo mula sa Sydney Teachers College. Siya rin ay tumanggap ng financial planning diploma mula sa Deakin University at master’s degree sa applied finance mula sa Macquarie University. Siya ay mahusay na math teacher, lecturer, at financial adviser at namahala sa isang financial planning at investment firm.
Pinakasalan niya si Kay Anne, ang babaing nagbahagi sa kanya ng ebanghelyo, noong Mayo 2, 1974, sa Sydney, at ang mag-asawa ay ibinuklod noong Agosto 23, 1975, sa Hamilton New Zealand Temple; sila ay may anim na anak. Wala pang tatlong taon matapos ang kanyang binyag, si Elder Vinson ay tinawag bilang bishop. Siya ay naglingkod sa ilang stake presidency at bilang regional representative at Area Seventy.