Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan
Nakakaranas man ng mga pagsubok sa buhay, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya, ang matwid na pamumuhay ay gagantimpalaan ng kapayapaan sa sarili.
Ang mga karanasan ko kamakailan ay naging dahilan para pag-isipan ko ang doktrina ng kapayapaan, lalo na ang papel ni Jesucristo sa pagtulong sa bawat isa sa atin na magtamo ng walang hanggang kapayapaan sa sarili.
May dalawang pangyayari nitong nakaraang ilang buwan na lubhang nakaantig sa akin. Una, nagsalita ako sa libing ni Emilie Parker, ang pinakamamahal na batang anim-na-taong-gulang na namatay kasabay ng 25 iba pa, kabilang na ang 19 na mga batang musmos, sa malagim na pamamaril sa Newtown, Connecticut. Nakiramay ako sa kanyang pamilya at nakita ko na maraming napagkaitan ng kapayapaan. Nakita ko ang lakas at pananampalataya ng kanyang mga magulang na sina Robert at Alissa Parker.
Pangalawa, kinausap ko ang libu-libong matatapat na miyembro ng Simbahan sa lungsod ng Ivory Coast sa Abidjan.1 Ang bansang ito ng Kanlurang-Africa na nagsasalita ng French ay nagtiis sa bagsak na ekonomiya, pag-aaklas ng militar, at huling dalawang digmaang-sibil na natapos noong 2011. Subalit nakadama ako ng espesyal na kapayapaan sa piling nila.
May mga pangyayaring madalas magkait ng kapayapaan at mas nagpapahina sa atin.
Sino ang makakalimot sa mga pag-atakeng nangyari noong Setyembre 11, 2001, sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos? Ang gayong mga pangyayari ay nagpapaalala sa atin kung gaano kabilis mawala ang ating kapayapaan at kaligtasan.
Ang aming panganay na anak at ang kanyang asawa, na kabuwanan na sa kanilang unang anak, ay nakatira tatlong bloke ang layo mula sa World Trade Center sa New York City nang sumalpok ang unang eroplano sa North Tower. Umakyat sila sa tuktok ng gusali ng kanilang apartment at nangilabot nang masaksihan ang inakala nilang nakapanghihilakbot na aksidente. Pagkatapos ay nasaksihan nila ang pagsalpok ng pangalawang eroplano sa South Tower. Agad nilang naunawaan na hindi iyon aksidente at naniwala sila na inatake ang ibabang Manhattan. Nang gumuho ang South Tower, binalot ng alikabok ang gusali ng kanilang apartment na lumukob sa ibabang Manhattan.
Sa pagkalito sa nasaksihan nila at pag-aalala sa susunod na mga pag-atake, nagpunta sila sa mas ligtas na lugar at pagkatapos ay tumuloy sa gusali ng Simbahan sa Manhattan stake center sa Lincoln Center. Pagdating nila roon, naabutan nila ang napakaraming iba pang miyembro na taga-ibabang Manhattan na nagpasiya ring magtipon sa stake center. Tumawag sila upang ipaalam sa amin kung nasaan sila. Nakahinga ako nang maluwag na ligtas sila pero hindi ko ikinagulat na naroon sila. Itinuturo sa makabagong paghahayag na ang mga stake ng Sion ay isang tanggulan at “isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”2
Hindi sila nakabalik sa kanilang apartment nang mahigit isang linggo at labis na nalungkot sa pagkamatay ng mga inosenteng tao, bagama’t walang nasira sa apartment nila.
Sa pagninilay sa mga pangyayaring ito, naisip ko ang kaibhan ng doktrina ng kapayapaan sa mundo o sa sansinukob at ng kapayapaan sa sarili.3
Nang isilang ang Tagapagligtas, maraming hukbo ng langit ang nagpuri sa Diyos at nagsabing, “Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”4
Gayunman, nakalulungkot na kahit sa napakadakila at napakahalagang panahong ito matapos isilang ang Anak ng Diyos, ipinapatay ng haring si Herodes ang mga inosenteng sanggol sa Betlehem.5
Ang kalayaan ay mahalaga sa plano ng kaligayahan. Tinutulutan nito ang pagmamahal, sakripisyo, personal na paglago, at karanasang kailangan para sa ating walang-hanggang pag-unlad. Tinutulutan din ng kalayaang ito ang lahat ng pasakit at pagdurusang dinaranas natin sa buhay, kahit sanhi pa ito ng mga bagay na hindi natin maunawaan at ng nakapipinsalang masasamang pasiya ng iba. Mismong ang Digmaan sa Langit ay nangyari upang ipagtanggol ang ating kalayaang pumili at mahalaga ito para maunawaan natin ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa.
Ayon sa ika-10 kabanata ng Mateo, pinagbilinan ng Tagapagligtas ang Labindalawa at sinabing ang Kanyang misyon ay hindi maghahatid ng kapayapaan sa mundo sa buhay na ito. Sinabihan ang mga Apostol na mag-iwan ng kapayapaan sa karapat-dapat na mga tahanang binisita nila ngunit binalaan sila na sila’y mapupunta “sa gitna ng mga lobo … [at] kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.”6 Isang mahalagang pahayag ang binanggit sa talata 34: “Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa.”7 Malinaw na walang kapayapaan sa mundo nang magministeryo si Cristo sa lupa, at kahit ngayon.”
Sa pambungad ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, ilang napakahahalagang alituntunin ang itinuturo. Patungkol sa mga taong hindi nagsisisi, ang Kanyang Espiritu (ang Espiritu ni Cristo), na ibinibigay sa bawat taong isinisilang sa mundo,8 ay “hindi tuwinang papatnubay sa tao.9 Gayundin, “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo.”10 Ipinahayag ng mga propeta na tunay na binawi ang kapayapaan sa lupa.11 Hindi pa iginagapos si Lucifer at may kapangyarihan pa sa mundong ito.12
Ang hangarin ng langit para sa mabubuting tao sa lahat ng dako ay kapayapaan sa mundo ngayon at kailanman. Huwag tayong sumuko na makamit ang mithiing ito. Ngunit, itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang diwa ng kapayapaan at pagmamahalan ay hindi darating sa daigdig hangga’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan … ang katotohanan ng Diyos at ang mensahe ng Diyos … , at kilalanin … ang kanyang kapangyarihan at awtoridad mula sa langit.”13
Taimtim tayong umaasam at nagdarasal para sa kapayapaan sa mundo, ngunit nakakamtan natin bilang mga indibiduwal at pamilya ang uri ng kapayapaan na siyang gantimpalang ipinangako sa mabubuti. Ang kapayapaang ito ang ipinangakong kaloob ng misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Ang alituntuning ito ay malinaw na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan: “Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”14
Itinuro ni Pangulong John Taylor na ang kapayapaan ay hindi lamang kanais-nais, kundi “ito ay kaloob ng Diyos.”15
Ang kapayapaang tinutukoy ko ay hindi lamang pansamantalang katiwasayan. Ito ay matinding kaligayahan at espirituwal na kapanatagan na walang hanggan.16
Ipinaliwanag ni Pangulong Heber J. Grant ang kapayapaan ng Tagapagligtas nang ganito: “Pagagaanin ng kanyang kapayapaan ang ating pagdurusa, gagamutin ang mga bagbag na puso, papawiin ang ating galit, lilikha sa atin ng pagmamahal sa kapwa na pupuspos sa ating kaluluwa ng kahinahunan at kaligayahan.”17 Sa pag-uusap namin ng mga magulang ni Emilie Parker, napagaan ng kapayapaan ng Tagapagligtas ang kanilang pagdurusa at hinihilom ang namimighati nilang puso. Mahalagang malaman na matapos ang pamamaril, pinatawad kaagad ni Brother Parker ang may-sala. Sabi nga ni Pangulong Grant, “papawiin ang ating galit” ng kapayapaan ng Tagapagligtas. Ang paghatol ay sa Panginoon.
Ang mga Banal ng Ivory Coast, noong may digmaang-sibil sa kanilang bansa, ay nakahanap ng kapayapaan sa pagtutuon sa pamumuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo, na partikular na pinagtuunan ang family history at gawain sa templo para sa kanilang mga ninuno.18
Hangad nating lahat ang kapayapaan. Ang kapayapaan ay hindi lamang kaligtasan o kawalan ng digmaan, karahasan, alitan, at pagtatalo. Ang kapayapaan ay nagmumula sa kaalamang kilala tayo ng Tagapagligtas at alam Niya na sumasampalataya tayo sa Kanya, mahal natin Siya, at sinusunod natin ang Kanyang mga utos, kahit at lalo na sa gitna ng nakapanlulumong mga pagsubok at trahedya. Ang sagot ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail ay naghahatid ng aliw sa puso:
“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;
“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”19
Tandaan, “ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi [ang Dios] ng kapayapaan.”20 Para sa mga tumatanggi sa Diyos, walang kapayapaan. Lahat tayo ay nakibahagi sa mga kapulungan ng langit na naglaan ng kalayaang pumili, batid na magkakaroon ng pasakit sa mundo at maging ng napakatinding trahedya dahil sa maling paggamit ng kalayaan. Naunawaan natin na tayo ay magagalit, malilito, walang kalaban-laban, at manghihina dahil dito. Ngunit alam din natin na dadaigin at tutumbasan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang lahat ng kawalang-katarungan sa buhay na ito at maghahatid sa atin ng kapayapaan. Si Elder Marion D. Hanks ay nagsabit sa kanyang dingding ng nakakuwadrong pahayag ni Ugo Betti: “Ang maniwala sa Diyos ay ang malaman na lahat ng patakaran ay magiging makatarungan, at magkakaroon ng maganda at di-inaasahang mga pangyayari.”21
Ano ang mga pinagmumulan ng kapayapaan? Maraming naghahanap ng kapayapaan sa mga makamundong paraan, na hinding-hindi nagtagumpay ni magtatagumpay. Ang kapayapaan ay hindi matatagpuan sa pagkakamit ng malaking kayamanan, kapangyarihan o katanyagan.22 Ang kapayapaan ay hindi matatagpuan sa mga kasiyahan, paglilibang o pagliliwaliw. Wala sa mga ito, natamo man ito nang sagana, ang makapagdudulot ng walang hanggang kaligayahan o kapayapaan.
Akma ang mga tanong na nakasaad sa napakagandang himno ni Emma Lou Thayne: “Sa’n naro’n ang aking kapayapaan? Kung ang ginhawa’y ‘di ko matagpuan?”23 Ang sagot ay ang Tagapagligtas, na siyang pinagmumulan at Diyos ng kapayapaan. Siya ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”24
Paano tayo mananatiling malapit sa Tagapagligtas? Ang pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, pagdarasal tuwina, pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo ang napakagandang halimbawa ng kabutihan na ginagantimpalaan ng walang hanggang kapayapaan.25 Matapos masabi ni Haring Benjamin ang kanyang nakaaantig na mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo, maraming taong nalugmok sa lupa “Ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi, dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo.26 Ang pagsisisi at pamumuhay nang matwid ay nagdudulot ng katahimikan ng budhi, na mahalaga para mapanatag.27 Kapag mabigat ang kasalanan, kailangan itong ipagtapat para magkaroon ng katahimikan.28 Marahil ay walang katulad ang kapayapaang nadarama ng isang kaluluwang nagdurusa dahil sa kasalanan nang idinulog niya ang kanyang mga pasanin sa Panginoon at nakamtan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Sabi nga sa isa pang paborito kong himno ng Simbahan, “Ang pasanin ko ay Kanyang kukunin At S’ya’y aking aawitan.”29
Nagagalak ang puso ko nang malaman ko na sa ating panahon libu-libong binata, dalaga, at senior missionary ang tumanggap ng tungkuling maging mga sugo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Dinadala nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ng kapayapaan sa buong mundo, sa bawat tao at pamilya—isang gawain ng kabutihan na maghahatid ng kapayapaan sa mga anak ng Ama sa Langit.
Ang Simbahan ay isang kanlungan kung saan nagtatamo ng kapayapaan ang mga disipulo ni Cristo. Sinasabi ng ilang kabataan sa mundo na sila ay espirituwal ngunit hindi relihiyoso. Ang madama na kayo ay espirituwal ay isang mabuting unang hakbang. Gayunman, sa Simbahan tayo kinakaibigan, tinuturuan, at pinangangalagaan ng mabuting salita ng Diyos. Ang mas mahalaga, ang awtoridad ng priesthood sa Simbahan ang naglalaan ng mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa mga pamilya at ginagawang karapat-dapat ang bawat isa sa atin na makabalik sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansang ito ay naghahatid ng kapayapaan dahil mga tipan ito sa Panginoon.
Sa mga templo isinasagawa ang marami sa mga sagradong ordenansang ito at pinagmumulan din ng payapang kanlungan sa mundo. Yaong mga pumupunta sa bakuran ng templo o nakikibahagi sa mga temple open house ay nadarama rin ang kapayapaang ito. Ang isang karanasang hindi ko malimutan ay ang open house at paglalaan ng Fiji Temple. Nagkaroon ng kaguluhan sa pulitika kaya may mga rebeldeng nanunog at nanloob sa bayan ng Suva, sumakop sa mga gusali ng Parliament at bumihag sa mga mambabatas. Ang bansa ay nasa ilalim ng martial law. Binigyan ng militar ng Fiji ng limitadong pahintulot ang Simbahan na magtipun-tipon ang mga tao para sa open house at ang isang maliit na grupo para sa paglalaan. Hindi inanyayahan ang lahat ng miyembro dahil inaalala ang kanilang kaligtasan. Iyon lamang ang templong inilaan sa gayong kahirap na kalagayan mula noong ilaan ang orihinal na Nauvoo Temple.
Ang isang inanyayahan sa open house ay ang magandang dilag na Hindu na nagmula sa India, isang miyembro ng parliament na dating bihag ngunit pinalaya dahil babae siya.
Sa silid-selestiyal, na malayo sa kaguluhan ng mundo, talagang napahagulgol siya nang ipahayag niya ang kapayapaang pumuspos sa kanya. Nadama niya na pinapanatag siya ng Espiritu Santo at pinatototohanan nito ang kasagraduhan ng templo.
Ang Tagapagligtas ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan. Nakakaranas man ng mga pagsubok sa buhay, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya, ang matwid na pamumuhay ay gagantimpalaan ng kapayapaan sa sarili. Sa silid na pinagdausan ng Paskua, nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na isusugo sa kanila ang “Mang-aaliw, sa makatwid baga’y ang Espiritu Santo” pagkatapos ay sinambit Niya ang mahahalagang salitang ito: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.”30 At bago Niya sinambit ang Kanyang Panalangin ng Pamamagitan, sinabi Niya: “Ang mga bagay na ito ay sinasalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”31
Maganda ang isinulat ni Eliza R. Snow tungkol sa konseptong ito:
Ang Diyos Ama ay purihin;
Magdiwang nang walang hanggan.
Laganap man ang pagsubok,
Si Cristo ay may tinuran, “Sa ‘ki’y may kapayapaan.”32
Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.