Ang Pamamaraan ng Panginoon
Ang pamamaraan ng Panginoon ay ang makinig tayo sa mga turo ng ating mga lider, maunawaan ang mga wastong alituntunin, at pamahalaan ang ating sarili.
Pitumpu
Naglilingkod ako bilang miyembro ng Pitumpu. Ang Pitumpu ay tinawag na maging sugo—upang ibahagi ang salita ng Panginoon tulad ng pagkatanggap natin nito mula sa mga apostol at mula sa Espiritu at maging natatanging mga saksi sa pangalan ni Cristo, ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo, itayo ang Simbahan, at pamahalaan ang mga gawain nito (tingnan sa D at T 107:25, 34).
Lumaki sa Bukid
Lumaki ako sa isang bukid malapit sa Burley, Idaho—taga “Idaho na laki sa bukid!” Dito ay natutuhan ko:
-
Ang magtrabaho—kung hindi ka magtatanim, hindi ka aani.
-
Ang maging matalino sa pagtatrabaho—kung gagamit ka ng irigasyon at pataba, mas marami kang aanihin.
-
Ang kahalagahan ng tamang panahon—kung hindi ka nagtanim sa tamang panahon, aabutan ka ng maagang pagdating ng taglamig na maaaring makasira sa pananim.
-
Ang gawin ang kinakailangan o ang dapat gawin anuman ang mas kasiya-siya, higit na kanais-nais, o mas madali—gatasan mo ang baka kapag kailangan itong gatasan, hindi kung kailan mo gusto.
-
Ang maging tahasan sa sinasabi o ginagawa—sa mga alagang hayop sa bukid at makinarya, hindi ninyo kailangang “magpaliguy-ligoy” o isipin na masasaktan ang mga taong masyadong sensitibo. (Tungkol dito, sa paglilingkod ko sa Simbahan sa iba’t ibang lugar, madalas kong itanong, “Gusto ba ninyong magsalita ako nang diretsahan o hindi?” Pinipili ng mga Banal na magsalita ako “nang diretsahan!” Magsasalita ako nang diretsahan sa araw na ito.)
-
At ang huli, bilang isang taga-Idaho na laki sa bukid, natutuhan ko na pagtuunan ang mga pangunahing alituntunin.
Wala nang mas pangunahin pa para sa ating lahat, at sa ating doktrina, kaysa sa katotohanan na nasa unang Saligan ng Pananampalataya: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1).
Bukod pa rito, Siya ang ating Ama sa Langit, na kilala tayo, mahal tayo, at nagnanais na makabalik tayo sa Kanya. Si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay tiyak na madaraig natin ang kamatayan at mabubuhay muli at maaari tayong magkaroon ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. Ang Espiritu Santo ang ating mang-aaliw, tagapaghayag, guro, tagapagpatotoo, at gabay.
Isipin ninyo ito, mga kapatid—hindi tayo ulila sa espirituwal! Hindi tayo nag-iisa.
Ano ang kabutihan ng pagkakaroon ng mga magulang—ng hindi pagiging isang ulila? Matututo tayo sa kanila, makikinabang sa kanilang karanasan, at maiiwasan ang mga panganib na ibinabala sa atin, at mas makauunawa dahil sa kaalaman nila. Hindi natin kailangang malihis, malito, malinlang, o maging mahina. Ito ay lalong totoo sa ating Ama sa Langit, na itinuro at ipinakita hindi lamang ang isa sa maraming paraan kundi ang tanging paraan.
Ang Diyos ay May Pamamaraan
Sa katunayan ang Diyos ay may pamamaraan sa pamumuhay,1 pagmamahal,2 pagtulong,3 pagdarasal,4 pakikipag-usap,5 pakikipag-ugnayan sa isa’t isa,6 pamumuno,7 pag-aasawa,8 pagpapalaki ng mga anak,9 pag-aaral,10 pag-alam sa katotohanan,11 pagbabahagi ng ebanghelyo,12 matalinong pagpili ng kakainin,13 atbp.
Kasama ng mga banal na kasulatan, ilan sa magagandang mapagkukunan natin ng pamamaraan ng Panginoon ay ang Tapat sa Pananampalataya, Para sa Lakas ng mga Kabataan, at iba pang mga turo ng mga buhay na apostol at propeta.
-
Halimbawa, itinuro ng Panginoon sa atin sa mga banal na kasulatan:
“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.
“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9). -
Isa sa mga kasamaan sa mga huling araw na ito ay ang “bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan” (D at T 1:16). Sa Mga Kawikaan tayo ay binalaan na “huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata” at “huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan” (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–7).
-
Itinuro sa atin na kung gagawin natin ang mga bagay ayon sa pamamaraan ng Panginoon, tayo ay tiyak Niyang pagpapalain at makakamtan natin ang Kanyang mga pangako; at kung hindi tayo gagawa ayon sa Kanyang pamamaraan, wala tayong pangako (tingnan sa D at T 82:10).
-
Inihambing ng Panginoon ang Kanyang pamamaraan sa ating pamamaraan nang turuan Niya ang propetang si Samuel, na isinugo upang maghanap ng bagong hari: “Nguni’t sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka’t aking itinakuwil siya: sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).
-
Maging sa hangarin ng tao na tulungan ang maralita at nangangailangan, ang Panginoon ay sang-ayon sa ating mithiin ngunit nagbabala, “Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan” (D at T 104:16). Kung hindi, baka sa pagtulong natin, ay hindi pa ito makabuti sa kanila. Itinuro ng Panginoon na kailangang hikayatin natin ang tao na umasa sa sarili. Bagama’t kaya nating tumulong, hindi natin dapat ibigay o ilaan ang magagawa nila at dapat nilang gawin para sa kanilang sarili. Saanman ito gawin, natutuklasan ng mundo ang kasamaang idinudulot ng paglilimos. Talagang alam ng Diyos ang pinakamabuti.
Isipin natin ang iba pang mga halimbawa. Ang Panginoon ay may pamamaraan sa gawaing misyonero. Ito ay ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at isinagawa sa paggabay ng Espiritu.
Ang Panginoon ay may sariling pamamaraan, o tanging pamamaraan sa pagmamahal. Sinasabi ng mundo na ang mas mahalaga ay nagmamahalan ang dalawang tao. Itinuro ng Ama sa Langit na mahalaga nga ito, ngunit higit pa ang itinuro Niya sa atin tungkol dito: na may awtorisadong pamamaraan at tamang panahon para ipadama ang pagmamahal na iyan.
Pamahalaan ang Ating Sarili
Si Joseph Smith ay tinuruan mula sa kanyang pagkabata ng mga pamamaraan ng Panginoon. Nang tanungin kung paano niya pinamumunuan ang Simbahan, ipinaliwanag niya na nagtuturo siya ng mga wastong alituntunin at pinamamahalaan ng mga miyembro ang kanilang sarili.14 Mga kapatid, ang ating buhay na mga apostol at propeta ay nagtuturo pa rin ng mga wastong alituntunin Ang tanong ay “Ginagamit ba natin ang mga alituntuning ito para pamahalaan ang ating sarili?”
Ang isang bagay na madalas ituro sa atin ay paunlarin at abutin ang ating potensyal saanman tayo naroon. Ngunit kung minsan natutukso tayong lumipat ng tirahan, iniisip na magkakaroon ng mas maraming kaibigan ang ating mga anak at may mas magagandang programa para sa kabataan doon.
Mga kapatid, inaakala ba natin na ang mahalaga sa kaligtasan ng ating mga anak ay ang pook kung saan tayo nakatira? Madalas ituro ng mga apostol at propeta na ang nangyayari sa loob ng tahanan ang higit na mahalaga kaysa sa mga nakikita nila sa labas ng bahay. Kung paano natin pinalaki ang ating mga anak ay mas mahalaga kaysa lugar kung saan natin sila pinalaki.
Tiyak na may iba pang dahilan sa pagpapasiya natin kung saan titira, at salamat at gagabayan tayo ng Panginoon kung hahangarin natin ang Kanyang pagsang-ayon.
Ang isa pang tanong ay “Saan tayo kakailanganin?” Sa loob ng 16 na taon, naglingkod ako sa panguluhan ng Houston Texas North Stake. Maraming lumipat sa aming lugar noong mga taong iyon. Madalas kaming makatanggap ng tawag sa telepono na nagsasabing may lilipat doon at nagtatanong kung aling ward ang pinakamaganda. Isang beses lang sa loob ng 16 na taon na iyon na may tumawag at nagtanong sa akin kung, “Anong ward ang nangangailangan ng mabuting pamilya? Saan kami maaaring makatulong?”
Sa mga unang taon ng Simbahan, inaatasan ni Pangulong Brigham Young at ng iba pa ang mga miyembro na magtungo sa isang partikular na lugar upang itayo ang Simbahan doon. Ang kabalintunaan ay hanggang sa panahong ito may matatapat tayong miyembro ng Simbahan saanmang dako na nakahanda saanman sila papuntahin ng propeta. Talaga bang inaasahan natin na sasabihin sa atin isa-isa ni Pangulong Monson sa mahigit 14 na milyon sa atin kung saan kailangan ang ating pamilya? Ang pamamaraan ng Panginoon ay ang makinig tayo sa mga turo ng ating mga lider, maunawaan ang mga wastong alituntunin, at pamahalaan ang ating sarili.
Pinakamahalaga
Sa lahat ng nangyayari sa Simbahan sa panahong ito, at habang minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain sa lahat ng paraan at kalagayan, napakahalaga na gawin natin ang lahat ng makakaya natin ayon sa Kanyang pamamaraan!
Lalo na sa gawain ng kaligtasan, nalaman natin na “sa paghahandog ng kanyang Anak, ang Diyos ay naghanda ng higit na mabuting paraan” (Eter 12:11). Ang doktrina ni Cristo “ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 31:21).
Katapusan
Nakikita natin na napakaraming tao sa mundo sa panahong ito ang nalilito, o mas malala pa, ang nabubuhay sa kasalanan, at pinagdudusahan ang mga ibinunga ng mga maling pagpili, dahil dito nais kong ipahayag ang winika ni Alma:
“O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!
“Oo, ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa, … ang plano ng pagtubos, na nararapat silang magsisi at magsilapit sa ating Diyos [at sa Kanyang mga pamamaraan], upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa” (Alma 29:1–2).
Muli, pinatototohanan ko na ang Panginoon ay may pamamaraan! Kilala tayo, mahal tayo at gusto tayong tulungan ng ating Ama sa Langit. Alam Niya ang pinakamabuting paraan para tayo matulungan. Tayo ay hindi ulila sa espirituwal!
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6; tingnan din sa Alma 38:9). Ang Kanyang pamamaraan ay batay sa walang hanggang katotohanan at umaakay sa atin tungo sa “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23). Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.